|
||||||||
|
||
ANG tanyag na alagad ng pinilakang-tabing, si Rodolfo Vera Quizon, Sr., ay namayapa na kagabing mga ikawalo at kalahati sa Makati Medical Center sa edad 83 taong gulang.
Mapayapa ang naging pagpanaw ng bantog na aktor, anang kanyang anak na si Eric Quizon, hinirang na tagapagsalita ng pamilya sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag na nagbantay sa labas ng medical center.
Batid umano ng namayapang ator kung gaano siya kamahal ng mga Pilipino kaya't ang pamilya Quizon ay nagpapasalamat sa lahat. Kahit pa buo ang diwa ay sadyang pagal na ang kanyang katawan mula na madala sa pagamutan noong ika-siyam ng Hunyo.
Isinugod siya sa pagamutan dahilan sa chronic obstructive pulmonary disease. Idinagdag ng anak na actor at film director na magiging mas Masaya ang kanilang namayapang ama sa kabilang buhay samantalang humiling na ipagdasal ang kaluluya ni Rodolfo Vera Quizon, Sr., na bantog sa pangalang "Dolphy."
Naiwan ni Dolphy ang matagal na kinasamang mang-aawit na si Zsazsa Padilla at 18 mga anak.
Sa pagkalat ng balita sa pagpanaw ni Mang Dolphy sa pamamagitan ng social networking sites, marami sa kanyang mga kasamang artista at mga tagahanga ang nagbigay ng papuri sa kanya.
Nakilala si Dolphy sa maraming pangalan sa mga pelikulang kanyang kinatampukan tulad ng Miguel sa pelikulang Lucio at Miguel kasama ang kanyang sparring partner na si Panchito noong 1962. Nakilala rin siya sa pangalang Facifica Falayfay, John Purontong at Kevin Cosme.
Ayon kay dating Pangulong Joseph Estrada, nakikiisa siya sa milyun-milyong Pilipinong nalulungkot sa pagpanaw ni Dolphy. Nararapat lamang umanong parangalan siya at kilalaning "national artist."
Kinilala ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang mga katangian ni Dolphy na nakaaalam ng kahalagahan ng katatawanan, kumilala sa kapwa tao at handang humarap sa anumang hamon ng buhay. Sa mga karanasan ni Dolphy, nanatili siyang mapagkumbaba, tapat at matulungin. Hindi nilimot ang mga kasamang nangangailangan at hindi tinalikuran ang mga taong tumulong sa kanyang marating ang tagumpay.
Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Pangulong Aquino ang kanyang pakikiisa sa pagdadalamhati ng Pamilya Quizon sa pagpanaw ni Rodolfo Quizon Sr., ang kinikilalang "King of Comedy" ng bansang Pilipinas.
Sa panig ng mga Obispo ng Pilipinas, sinabi ni Arsobispo Angel N. Lagdameo ng Jaro, Iloilo, dating pangulo ng CBCP, na isang institusyon sa pinilakang tabing ng Pilipinas at isang inspirasyon para sa mga mamamayan.
Nagpapasalamat ang bansa sa Panginoong Diyos sa kanyang ala-ala sa pagkakasilang ng isang Dolphy na nagpatawa at nagpa-iyak sa mga mamamayan sa iba't ibang papel na kanyang ginampanan. Idinagdag ng arsobispo na si Dolphy ay isang classic entertainer.
Tiniyak naman ni Bishop Honesto Ongtioco ng Cubao na taimtim na nagdarasal ang mga Pilipino para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Dolphy. Mahalaga na mabatid ng mga mamamayan ang kanilang mga angking talino at magamit ang mga ito para sa kabutihan ng madla.
Sinabi naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes na nalulungkot sila sa pagpanaw ng kinilalang "Comedy King." Panalangin din ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang kaligayahan ni Dolphy sa kabilang buhay.
Nagpadala rin ng kanilang mensahe ng pakikiramay sina Vice President Jejomar Binay, Speaker Feliciano Belmonte at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Pagpapatupad ng DOC, kailangan, sabi ni Kalihim Del Rosario
KAILANGAN ang pagpapatuld ng nilalaman ng Declaration on the Conduct of parties in the South China Sea (DOC) at ang sersyosong pagkilala sa Code of Conduct. Ito ang sinabi ni Kalihim Albert F. Del Rosario sa pagpupulong ng mga Foreign Ministers ng mga bansang kabilang sa ASEAN at mga Ministro ng Ugnayang Panglabas ng China, Japan at Timog Korea sa Phnom Penh, Cambodia kahapon, sinabi ni Kalihim del Rosario na bahagi ito ng layunin ng nakararaming bansa sa ASEAN na magkaroon ng pagtutulungan sa larangan ng paglalayag sa karagatan.
Hindi na bago ang layuning ito at hindi na ikagugulat pa ng nakararami, sabi ni Kalihim del Rosario sa mga mamamahayag.
Nilalaman ng ASEAN Plus Three Cooperation Work Plan para sa taong 2007 hanggang 2017 na magkaroon ng pagtutulungan matiyak lamang ang malayang paglalayag sa South China Sea.
Buhay ni Beato Pedro Calungsod, inspirasyon hindi lamang sa mga kabataan
ANG buhay ni Beato Pedro Calungsod ay hindi lamang inspirasyon para sa mga kabataang Pilipino kungdi maging sa mga pari na naglilingkod sa Simbahan.
Ito ang pahayag ni Fr. Chito Manio Vicente ng Diocese of Cubao. Ani Fr. Vicente, si Calungsod ay isang batang katekista na nag-eedad ng labing-apat na taong gulang at nakasama ng mga Jesuita sa pangangaral ng Mabuting Balita hanggang sa naging martir sa edad na 17 sa Guam.
Naging maliwanag sa kanya ang kahalagahan ng kanyang misyon. Maganda umanong pagbalik-aralan ng mga pari ang buhay ng itatanghal an santo upang magsilbing inspirasyon sa kaparian.
Kung kinaya nga ni Beato Calungsod ang pasakit, hindi raw ba ito kakayahi ng kaparian, tanong ni Fr. Vicente.
Hindi umano natinag ang pananampalataya ni Pedro at nakayanan niyang ipagtanggol ang misyonerong Hesuita sa kamay ng mga Chamorro. Maaari sana siyang tumakbong palayo subalit taos-puso niyang inilaan ang kanyang buhay sa paglilingkod.
Kasalukuyang guest priest si Fr. Vicente sa Diocese of Cubao at naglilingkod sa St. Joseph Shrine sa Aurora Blvd., Quezon City.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |