|
||||||||
|
||
Ilang tulog na lamang at idaraos na po ang 2012 London Olympics. Maraming atleta sa lahat ng bansa sa mundo ang abala na ngayon sa kanilang paghahanda para sa kaganapang ito.
Bagamat, ito na ang pinakamaliit na delegasyon ng mga atletang Pinoy sa olimpiyada, magmula noong 1932, sigurado akong puspusan ang kanilang pagsasanay at gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makapag-uwi ng gintong medalya.
Puspusan din ang paghahanda ng Chinese team. Ayon sa ulat ng "Around the Rings," isang magazine tungkol sa olimpiyada, sinabi ni Luciano Barra, isang eksperto, na inaasahan niyang 97 ang iuuwing medalya ng Tsina mula sa 2012 London Olympics.
Kabilang dito, ang 36 na ginto, 34 na pilak, at 27 na tanso.
Mga kabayan, kung ipagkukumpara natin ang mga programa ng Tsina at Pilipinas sa palakasan, malaki ang inihuli natin.
Magmula nang magbukas ang Tsina sa labas, napakalaki ng iniunlad nito pagdating sa palakasan.
Makikita natin iyan sa medal tally noong 2008 Beijing Olympics, kung saan nasungkit ng Tsina ang 100 medalya na kinabibilangan ng 51 ginto, 21 pilak, at 28 tanso.
Sa palagay ko, panahon na upang gumising ang ating mga opisyal ng pamahalaan, lalo na iyong mga nasa Philippine Sports Commission (PSC).
Magmula nang ilunsad ang olimpiyada, wala pang nakukuhang ginto ang Pilipinas.
Sa palagay ko, panahon napo upang pagtuunan ninyo ng pansin ang palakasan sa ating bansa.
Seryosohin naman po natin ang trabaho nang magkaroon naman ng karangalan si Juan Dela Cruz.
Bukod sa mga atletang naghahanda para sa olimpiyada, mayroon ding ibang manlalaro na abala sa pagpapraktis, hindi upang pumunta ng 2012 London Olympics, kundi upang idebelop at paunlarin ang isang bagong uri ng isports na dito naimbento sa Tsina.
Sa isang maliit na palaruan sa hilagang bahagi ng Jingshan Park, kung saan masisilayan din ang Forbidden City, may isang grupo ng mga manlalaro na nagpapraktis ng bagong isport na kung tawagin ay "Triple J." Ito ay isang isport kung saan sinisipa ang shuttlecock na parang soccer, ngunit gumagamit din ng ilang elemento ng badminton, katulad ng net at palaruan nito. Anila, inaasahan nilang mainit itong tatanggapin ng mga mahihilig sa larong football o soccer, at balang araw, ito ay magiging isang Olympic sport.
Ang pagsipa sa pamato o shuttlecock ay nagsimulang laruin sa Tsina noong 5th Century B.C. Ito ay kumalat sa buong Asya at ito ay naging paboritong pampalipas oras ng mga Asyano. Noong 2010, isang Tsinong nagngangalang John Du ang umimbento ng mga alituntunin at mga bagong kagamitan upang ang sinaunang larong ito ay maging ganap na makabagong isport, at muling ipakilala sa mundo.
Nilalaro ito ng dalawang koponan na parang badminton, pero, sa halip na gumamit ng raketa, mga paa nila ang ginagamit upang sipain at ilipat ang shuttlecock sa kabilang dako ng net. Pero, tulad din ng larong football, maaring gamitin ang ulo, paa, at katawan sa paglilipat ng pamato sa kabilang net. Parang kombinasyon ito ng badminton at football.
Ayon pa kay Du, mayroon na ngayong 8 probinsya sa Tsina ang naglalaro ng isport na ito at nagsisimula na rin itong makilala sa ibang bansa.
Ang pangarap ni Ginoong Du para sa larong Triple J, ay makilala ito bilang isang Olympic game.
Ayon pa sa kanya, sa buong kasaysayan ng olimpiyada, wala pang laro na nanggaling sa Tsina, kaya, pinagpupursigehan niyang makilala sa buong mundo ang larong "Triple J," nang sa ganoon, balang araw ay kilalanin ito ng Olympic Committee bilang isa sa mga laro ng olimpiyada.
Sinabi pa ni Du, na sa palagay niya, sa loob ng 10 taon, ang pangarap niya para sa "Triple J" ay magiging isa nang katotohanan.
Ngayong Hulyo, idaraos dito sa Beijing ang ikatlong kampeyonato ng Triple J. Bagamat, karamihan sa mga kalahok na koponan ay mula sa Tsina, umaasa pa rin si Du na makakarating ang mga koponan mula sa ibang bansa.
Nanawagan din siya sa Olympic Committee na kung maaari ay imbitahan ang kanyang grupo na mag-perform sa 2012 London Olympics upang maipakita niya sa mundo ang Triple J. Sa tingin ko, malayo pa ang kailangang lakbayin ng Triple J, bago ito ganap na maging Olympic sport. Pero, sa pagpupunyagi, tiyaga, at matibay na pananalig, walang imposible. Naalala ko ang ilan sa ating mga laro sa Pilipinas na itinutulak din natin upang maging Olympic sport na gaya ng arnis, sepak takraw, at iba. Para sa mga opisyal ng pamahalaang Pilipino, sana, huwag po tayong mawalan ng pag-asa, at patuloy lang tayong magtrabaho at manalig na isang araw, ilalahok na ang mga larong ito sa olimpiyada.
Audio
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |