|
||||||||
|
||
TINIYAK ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz na kumikilos ang pamahalaan ng Pilipinas upang masugpo ang human trafficking. Kahit pa umano nasa Tier II sa watchlist ng Estados Unidos ang bansa, ay nagkaroon na ng improvements sa kalagayan ng Pilipinas.
KAGAWARAN NG PAGGAWA AT HANAPBUHAY AKTIBO SA KAMPANYA LABAN SA HUMAN TRAFFICKING. Ipinaliwanag ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz na aktibo ang kanyang tanggapan sa preventive measures laban sa human trafficking. Sa ilalim ng Kagawaran ng Paggawa, ang Philippine Overseas Employment Administration ang namumuno sa kampanya laban sa human trafficking. Nakapanayam ng CBCP News si Kalihim Baldoz kanina.
Seryoso ang pamahalaan na magawa ang karapat-dapat na palatuntunan upang mapigilan ang human trafficking. Ipinaliwanag pa niya na kung magtatagumpay ang programa ng pamahalaan, ito'y magaganap sa pamamagitan ng performance ng mga nagpapatupad ng batas tulad ng pulisya at iba pang mga tanggapan tulad ng National Bureau of Investigation, ng pag-uusig na saklaw ng Kagawaran ng Katarungan at paglilitis sa mga hukuman na saklaw naman ng Korte Suprema. Sumusuporta ang Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay sa kampanya kontra sa human trafficking.
Sa ilalim ng kagawarang pinamumunuan ni Kalihim Baldoz, ang Philippine Overseas Employment Authority ang mayroong malaking kontribusyon sa preventive measures. Ginunita niya ang ulat ng State Department noong nasa POEA pa lamang siya ay ipinaliwanag na ang kahalagahan ng prevention campaign.
Nararapat umanong magtulungan ang mga nasa pamahalaaan tulad ng mga local government units at ang mga nagmumula sa national government agencies. Ang preventive aspect ng palatuntunan ay mahalaga upang huwag nang mapahamak ang mga nabibiktimang mga Pilipino.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Ginang Baldoz sa kanyang mga tauhan na gawing regular ang pag-uulat sa kalagayan ng mga stranded na manggagawa sa mga Filipino Workers' Resource Centers sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Kailangan umanong madaliin ng pamahalaan ang pagpapa-uwi sa mga na pansalamantalang naninirahan sa mga tanggapan sa embassy complex. Ang mga naninirahan sa mga Philippine Overseas Labor Office ay karaniwang tumakas sa kanilang nga amo dahilan na rin sa hindi makayanang trabaho at kalupitan ng kanilang mga employer.
TRADE UNDERSECRETARY NG PILIPINAS, NAKIPAG-USAP SA MGA MANGANGALAKAL NG HONGKONG
INANYAYAHAN ni Trade and Industry Undersecretary Cristino Panlilio ang mga pinuno ng mga mangangalakal sa Hong Kong na dumalaw din sa Pilipinas at maglagak ng kapital upang higit na sumigla ang kalakalan. Ginawa ni Ginoong Panlilio ang panawagan at paanyaya sa Hong Kong Summit, isang okasyon na binuo ng Chinese General Chamber of Commerce sa Hong Kong Convention and Exhibition Center.
Maganda na umano ang mga nagaganap sa Pilipinas sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Kabilang ditto ang malakas na 6.4% growth sa gross domestic product sa unang tatlong buwan ng taong 2012, ang patuloy na pagpapadala ng dolyar, euros at yen mula sa mga manggagawang Pilipino sa buong daigdig na umabot sa $ 21 bilyon at ang kakayahan ng mga mula sa pribadong sektor na kumita ng may $ 11 bilyon at ang pagpapababa ng budget deficit sa 2.1% ng GDP at n gang pagkakautang ng pamahalaan na umabot sa 50% ng GDP at sunod-sunod na upgrade ng ratings agencies na naging dahilan upang matamo ang investment-grade instruments.
Ani Ginoong Panlilio, ang Hong Kong ang siyang pinaka-tulay ng Tsina sa Association of Southeast Asian Nations. Umaasa siyang magiging maganda ang relasyon ng ASEAN at Hong Kong tulad ng kasabihan ng Olympics na "faster, higher, stronger."
TATLONG KUMPANYANG KOREANO, PINAKIUSAPANG GAWIN ANG PALIPARAN SA MISAMIS ORIENTAL
UMAASA ang Pilipinas na isa sa tatlong kumpanyang Koreano ang gagawa ng air navigation system sa Laduindingan Airport sa Misamis Oriental na nagkakahalaga ng $ 13. 29 milyon o higit sa kalahating bilyong piso.
Ipinaliwanag ni Kalihim Manuel Araneta Roxas na ang pondo ay sa pamamagitan ng pautang mula sa Economic Cooperation Development Fund ng Republika ng Korea na idadaan sa Export-Import Bank ng Korea.
Kabilang sa mga inaasahang magagawa ay ang instrument landing system, isang Doppler radar, isang communications system, automated weather observation system, electrical works para sa air navigation system at aeronautical ground lighting system at iba pa,
Halos tapos na ang paliparan at 90% na ng civil works ang natapos ng Yooshin Engineering Corporation, SCHEMA Konsult, Inc at ang Hanjin Heavy Industries and Construction Co. Ltd.
Darami ang turista sa Misamis Oriental sa oras na mabuksan ang paliparan, dagdag pa ni Kalihim Roxas.
HIMNO PARA SA BAGONG EBANGHELISASYON, INILUNSAD NA
SA unang pagkakataon, inilunsad na ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang opisyal na himno ng bagong ebanghelisasyon sa siyam na taong paglalakbay tungo sa taon ng pagdiriwang sa 2021.
Pinamagatang "Live Christ, Share the Eucharist," ipinarinig na sa mga kasapi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa plenary assembly noong Sabado.
Si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangalawang pangulo ng CBCP ang may akda ng mga titik at nilapatan ng angkop na musika ni Ryan Cayabyab.
Ang 86 na mga ecclesial provinces sa Pilipinas ang tumanggap sa himno na siyang magiging official sng para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas. May mga ginawa na ring awitin si Arsobispo Villegas tulad ng Our lady of EDSA at tungkol kay Jaime Cardinal Sin.
Naglabas na rin ng pahayag ang CBCP na pinamagatang Live Christ, Share the Eucharist.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |