|
||||||||
|
||
MALAKI ang posibilidad na maging modelo ang Pilipinas sa pagtulong sa mga bansang mula sa Timog Silangang Asia na masugpo ang human trafficking ayon kay Ambassador Luis CdeBaca ng Office to Monitor and Combat Trafficking Human Persons ng U.S. State Department.
Sa liderato ni Pangalawang Pangulo ng Pilipinas Jejomar C. Binay at ng Inter-Agency Council Against Trafficking na pinamumunuan ni Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan, nakita ng Estados Unidos ang panibagong paraan upang masugpo ang makabagong uri ng pang-aalipin sa Pilipinas, ayon kay Ambassador CdeBaca sa pagdalaw sa tanggapan ni Ginoong Binay sa Coconut Palace.
Ang paraan ng "prevention, protection, prosecution and partnership" ay hindi magaganap kung wala ang liderato ni Pangulong Aquino at Pangalawang Pangulong Binay, dagdag ng panauhing mula sa US State Department.
Sinabi naman ni Ginoong Binay na naganap ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Kitang-kita ang pagsasama-sama ng National Bureau of Investigation, Department of Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Labor and Employment at Office of the Vice President.
Ipinagmalaki ni Ginoong Binay na noong nakalipas na administrasyon ay mangilan-ngilang usapin lamang ang nabalita na nagkaroon ng mas mababang conviction rate.
Commander ng US Pacific Command, sinalubong ng AFP
DUMATING sa Pilipinas si Admiral Samuel J. Locklear, commander ng United States Pacific Command para sa tatlong araw na opisyal na pagdalaw.
Binigyan siya ng pormal na parangal sa AFP General Headquarters ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Jessie D. Dellosa. Pagkatapos ng pormal na pagsalubong, idinaos ang pagpupulong sa ikatlong palapag ng AFP general headquarters.
Nagkausap na sina Admiral Locklear at Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at Kalihim ng Ugnayang Panglabas Albert F. Del Rosario bago dumalaw sa Kampo Aguinaldo. Dumalaw na rin siya sa tanggapan ni Kalihim Voltaire Gazmin ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni General Dellosa na isang karangalan para sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pagdalaw ni Armiral Locklear na nagpapakita ng alyansa at magandang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa at mga kawal nito.
Magtutungo rin sa Camp General Basilio Navarro sa Zamboanga City si Admiral Locklear upang dalawin ang mga kawal mula sa US Armed Forces Joint Special Operations Task Force – Philippines.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |