Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Paghahanap sa mga Pilipino sa Syria, pinag-iibayo

(GMT+08:00) 2012-07-17 19:13:27       CRI

SINABI ng Malacanang na pinag-iibayo ng pamahalaang mapauwi ang mga Pilipinong manggagawa na nasa magulong bansa ng Syria. Ayon ang paghahanap na ito sa mandatory evacuation program.

Ayon kay Kalihim Edwin Lacierda, nananatili ang Alert Level 4 sa Syria at nangangahulugan ito na ipagpapatuloy ang mandatory repatriation.

Ilan umano sa mga manggagawang Pilipino ang nakapag-asawa na ng mga Syrian nationals. Inamin niyang kung may mga pamilya na ang mga manggagawa sa Syria, mahihirapan na silang pauwiin sa Pilipinas.

Nananawagan pa rin ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa mga Pilipinong nasa Syria na umuwi na muna sa Pilipinas kaysa mapahamak sila sa mga labanang nagaganap sa bansa. Maaari umanong tumawag ang mga mahal sa buhay ng mga manggagawang nasa Syria at ibalita sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers' Affairs at tumawag sa 02-8344996 at 02-8343333.

PAGCOR, KINASUHAN ANG MGA DATING OPISYAL

PORMAL na nagsampa ng reklamo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR sa Tanggapan ng Ombudsman ng kasong pangungulimbat laban sa tatlong dating opisyal ng korporasyon at isang may-ari ng kapihan dahilan sa napakamahal na presyo ng kape na ipinagbili sa limang sangay ng Casino Filipino noong nakalipas na administrasyon.

Kinasuhan sina dating Chairman Efraim Genuino, dating Pangulo ng PAGCOR Rafael Francisco, dating PAGCOR Senior Vice President at Senior Managing head Rene Figueroa at ang may-ari ng Promolabels na nagngangalang Carlota Cristi Manalo-Tan.

Dalawampu't limang pahina ang reklamo na nilagdaan ng dalawang director ng korporasyon. Lumagda ang mga ipinagsakdal sa pitong kontrata na nagbigay sa Promolabels ng monopolyo ng kape sa pitong sangay ng PAGCOR.

Nabatid na nagbayad ang may limang sangay ng PAGCOR na halagang P 258 milyon sa Promolabels para sa café at mga kakanin. Mas mataas umano ang presyo sa loob ng casino kaysa alinmang sangay ng Figaro Coffeeshop.

Mataas umano ang presyo ng Promolabels sa presyo ng Figaro Coffeeshop ng may 78%.

KONTROBERSYA SA LIKOD NG MAGNETITE SAND MINING SA LEYTE, PATULOY PA

PATULOY na nababahala si Palo Archbishop John F. Du sa magiging pinsalang idudulot sa mga palayan ng MacArthur, Leyte sa pagminina ng Leyte Magnetite Project. Sa panayam ng CBCPOnline Radio, sinabi ng arsobispo na dumalaw siya sa minahan at nakita niya ang mga pagkapinsala ng mga palayan.

MAKAKAPINSALA ANG PAGMIMINA SA MGA PALAYAN.  Ito ang sinabi ni Palo Archbishop John F. Du sa panayam ng CBCPOnline Radio at CRI Filipino Service noong Linggo ng umaga sa Lalawigan ng Leyte.  Nanawagan ang arsobispo na maging responsable ang nasa likod ng pagmimina at tiyaking may maayos na hanapbuhay ang mga mamamayan.  Ipinaliwanag naman ng kumpanya ng minahan na mayroon silang epektibong palatuntunan sa pagsasaka.

Idinagdag ng arsobispo na sa pagkawala ng sustansya, tiyak ang pagkapinsala ng mga palayan na mauuwi sa pagkagutom at ibayong paghihirap ng mga magsasaka.

Bagama't mayroong mga manggagawang mula sa MacArthur at mga kalapit bayan, sa oras na maubos ang magnetite sand ay tiyak na mawawalan din sila ng hanapbuhay. Ipinaliwanag ng arsobispo na bagama't hindi siya tahasang salungat sa pagmimina, nais niyang maging responsable ang mga taong nasa likod ng industriyang ito.

Dalangin umano ni Arsobispo Du na bago man lang lumisan ang mga nagmimina ay matulungan nila ang mga magsasakang magkarooon ng maayos na hanapbuhay.

Tinawagan na rin niya ang mga mamamayan na dumalaw sa minahan at alamin ang nagaganap doon.

Sinabi pa ng arsobispo na ang mga mamamayan ang may karapatang magdesisyon kung makakatulong nga ba ang industriya ng pagmimina sa kanilang pook.

Samantala, nabatid ng CBCP Online Radio na sakop ng permiso ng Department of Environment and Natural Resources ang MacArthur, Mayorga, La Paz at Javier sa Lalawigan ng Leyte. Nabigyan ng Environmental Compliance Certificate and minahan noong ika-11 ng Hunyo 2010 at nilagdaan ni noo'y Kalihim Horace C. Ramos ang dokumento.

Saklaw ng permiso ang may 1,300 ektarya sa ilalim ng dalawang Mineral Production Sharing Agreement na nakapangalan sa Nicua Corporation.

Batay sa mga papeles na nakuha ng CBCP Online Radio, tinatayang tatagal ang minahan ng 12 taon sapagkat mayroon itong 12 milyong metriko tonelada. Maaaring mamina ang isang milyong metriko toneladang mineral resource sa bawat taon.

Sa panayam kay Elmer Ragas, Manager ng Nicua Mining Corporation, sinabi niyang nagmimina sila ng buhanging mayroong magnetite. Sampung porsiyento lamang ng lupaing kanilang namimina ang masasabing magnetite sand. Ang magnetite sand ay nabibili sa ibang bansa sa halagang $ 100 bawat tonelada.

Itinanggi rin ni Ragas na natitiwang-wang ang mga lupaing kanilang pinagkukunan ng magnetite sand sapagkat mayroon silang mga pamamaraan ng pagpapalusog ng lupain sa pamamagitan ng mga natural at subok na teknolohiya. Binanggit niya ang pagpapasok ng vermiculture.

Handa umano silang magpaliwanag sa kinauukulan upang patunayang epektibo ang kanilang teknolohiya sapagkat umaani ang mga magsasaka ng 130 cavan sa bawat ektarya na mas malaki kaysa 60 cavan ng palay sa bawat taon bago nila ipinakilala ang organic farming.

Nanindigan si Ragas na maayos at mapapakinabangan ng madla ang kanilang paraan ng pagsasaka tulad ng pagtatanim ng palay, pag-aalaga ng mga baboy, itik at pato bilang pangdagdag sa kinikita ng mga kawani ng Nicua Corporation.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>