|
||||||||
|
||
Foreign minister ng indonesia, dumalaw
NAG-USAP SINA Kalihim Albert F. del Rosario at Indonesian Foreign Minister Marty Natalegawa. Ang Pilipinas ang unang bansang dinalaw ni Ginoong Natalegawa sa kanyang nakatakdang pakikipag-usap sa iba't ibang kalihim ng mga bansang kasapi sa ASEAN.
Mahahalagang paksa ang pinagusapan ng dalawang opisyal tulad ng mga isyung pang rehiyon at kung paano maisusulong ang samahan. Nagkasundo sila sa paraan ng pagpapalakas ng ASEAN dahilan sa hindi pagkakapalabas ng joint communiqué sa pagtatapos ng ika-45 ASEAN Ministerial Meeting sa Phnom Penh, Cambodia noong isang linggo.
Umalis din ngayong hapon si Ginoong Natalegawa upang ituloy ang konsultasyon sa ibang mga bansang kasapi ng ASEAN.
Kabilang sa ASEAN ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas.
Kawalan ng asean joint communique, ipinaliwanag
MARAMING lumabas na balita kung bakit walang ASEAN Joint Communique sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na 45 taon. Ayon kay Undersecretary Erlinda F. Basilio ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, nagkasundo na ang ASEAN sa mahahalagang bahagi ng panukalang Code of Conduct on the South China Sea na kailangang pag-usapan ng samahan at ng Tsina.
Naging matagumpay umano ang Pilipinas na maisama sa panukalang dokumento ang mahahalagang punto na magbibigay halaga sa kasunduan. Wala umanong kasalanan ang Pilipinas sa isyung ito sapagkat hindi nabuo ng chair ang kailangang consensus.
Hindi naglabas ng communiqué ang ASEAN dahilan sa pagtanggi ng presiding officer na isama ang mga nagaganap sa South China Sea, ani Undersecretary Basilio.
Pasensyoso umano ang Pilipinas sa layuning sa payapang paraan malulutas ang 'di pagkakaunawaan. Bagama't maraming sasakyang-dagat ang Tsina sa karagatang nasa kanluran ng Luzon, iisa lamang ang barko ng Pilipinas sa pook. Hindi umano mananahimik ang mga Pilipino sa mga nagaganap ngayon.
Idinagdag ni Ginang Basilio, mula pa noong 2010, mayroon nang bilateral consultations sa mga kaibigang bansa upang malutas ang iba't ibang claims. Noong nakalipas na taon, isinulong na ng Pilipinas ang panukalang paraan upang malutas ang mga 'di nagkakaunawaan sa loob mismo ng ASEAN forum. Ang proseso ng konsultasyong ito ang naging dahilan upang iparating ng ASEAN ang panukala ng Pilipinas sa maritime legal experts ng samahan.
Remittances ng mga pinoy sa ibang bansa, tumaas pa
SA likod ng Eurocrisis at American economic meltdown, ang personal remittances ng mga manggagawang Pilipino mula sa iba't ibang bansa ay umabot sa $ 9.3 bilyon sa unang limang buwan ng taong 2012. Nagtala ito ng 5.5% increase mula sa datos noong nakalipas na taon.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco, Jr. ang nagmula sa paglago ng ipinadadala ng mga land-based overseas Filipino workers na mayroong kontrata mula isang taon pataas at umabot sa 2.7% at mga magdaragat at land-based workers na maiksi ang mga kontrata na mayroong 14.7%. Halos umabot sa $ 2 bilyon ang remittances noong nakalipas na buwan ng Mayo.
Ang remittances na idinaan sa mga bangko ay umabot sa $ 8.3 bilyon, mas mataas ng 5.3% na naitala noong nakalipas na taon.
Nagmula ang mga padala ng mga manggagawang Pilipino sa Estados Unidos (28.9% at umabot sa $ 6.4 bilyon), Canada (10.1%), Saudi Arabia (7.6%), United Arab Emirates (3.9%), Japan (3.4%), United Kingdom (3.2%) and Singapore na mayroong 3.1%.
Patuloy umanong naghahanap ang daigdig ng mga propesyunal at may kakayahang mga manggagawang Pilipino, ayon pa kay Governor Tetangco.
Umabot sa halos apat naraang libong (395,336) na job order ang naproseso ng Philippine Overseas Employment Administration. Sa bilang na ito, 29.1% ang para sa service, production, at professional, technical at related workers. Marami sa mga trabahong naproseso ay sa Saudi Arabia, UAE, Qatar, Kuwait at Taiwan.
Fr. Michael sinnot, pauwi na sa ireland
Nagpapasalamat si Fr. Michael Sinnot sa kanyang mga kasama at kaibigan na tumulong sa kanyang misyon sa Pilipinas na tumagal ng higit sa 40 taon. Sa Ireland na siya magreretiro.
Masayang niyakap ni Novaliches Bishop Antonio Tobias (kaliwa) si Fr. Michael Sinnot, ang misyonerong mula sa Ireland na naglingkod sa Pilipinas ng higit sa 40 taon. Si Fr. Mick ang pinakahuling banyagang na-kidnap ng mga rebeldeng Muslim sa Pagadian City noong 2009.
PABALIK na sa kanyang lupang sinilangan si Fr. Michael "Mick" Sinnot na naglingkod sa Pilipinas bilang isang misyonero ng higit sa 40 taon. Nakatakda siyang maglakbay sa Biyernes, ika-20 ng Hulyo.
Matapos ordenahan sa pagka-pari noong Disyembre 1954, ipinadala siya ng kanyang kongregasyon sa Pilipinas noong 1956 at naglingkod sa mga mamamayan ng mga kanayunan sa Mindanao.
Matatas na siya sa wikang Cebuano.
Siya rin ang pinakahuling banyagang misyonero na dinukot ng mga hindi pa nakikilalang rebeldeng Muslim noong ika-11 ng Oktubre 2009 mula sa bakuran ng mga Kolumbano sa Pagadian City matapos makapaghapunan. Nasa kamay siya ng kidnappers sa loob ng 32 araw. Napalaya siya sa isang liblib na barangay ng Zamboanga City noong ika-12 ng Nobyembre.
Ani Fr. Mick, malugod niyang tinanggap ang kanyang assignment sa Pilipinas at hindi kailanman siya nalungkot sa pagkakatalaga sa bansa. Sa kanyang pahayag kagabi matapos ang isang hapunan sa kanyang karangalan sa Our Lady of Remedies Parish sa Malate, Maynila, sinabi ni Fr. Mick na mas marami siyang natutuhan sa mga mamamayan. Sana raw na nakapagbahagi siya ng kanyang kaalaman sa mga mamamayan. Siya umano ang nakinabang sa kanyang mga karanasan sa Pilipinas.
Naging saksi rin siya sa mga pagtitiis ng mga Pilipino noong ideklara ang Batas Militar ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.
Namamangha si Fr. Sinnot sa pananampalataya ng mga karaniwang mamamayan, na walang anumang pag-iimbot at pagkukunwari.
Nagpasalamat din siya sa mga kasamahan sa Mission Society of St. Columban na tumulong sa kanya sa lahat ng pagkakataon. Pinasalamatan din niya si Novaliches Bishop Antonio Tobias. Magugunitang naging obispo ng Pagadian mula Setyembre 1984 hanggang Mayo 1993 si Monsignor Tobias.
Mahirap umano ang kanyang desisyong ginawa, ang umuwi sa Ireland upang magretiro. Noong nakalipas na dalawang linggo, sinimulan niyang gawin ang mga karaniwang ginagawa niya sa huling pagkakataon. Tumpak din ang kanyang desisyon na umuwi na sa Ireland subalit maiiwan niya sa Pilipinas ang malaking bahagi ng kanyang puso at mga ala-ala sa kanayunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |