|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Senado ng Pilipinas, sumang-ayon na sa kasunduan sa Australia
NATAPOS na ang botohan sa Senado ng Pilipinas at sumangayon na ang mataas ng kapulungan sa Status of Visiting Forces Agreement with Australia sa bilang na 17 pumabor at isang hindi pabor.
Unang ipinanukala noong 2004, ang SOVFA ay nilagdaan ng Canberra noong ika-31 ng Mayo 2007 at sinangayunan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III noong nakalipas na ika-23 ng Disyembre 2010. Two-thirds ang kailangan upang makapasa ito at maging taal na kasunduan at magkabisa.
Isa na namang mahalagang bahagi ito sa relasyon sa pag-itan ng Pilipinas at Australia. Samantalang ang 1995 Memorandum of Understanding on Cooperative Defense Activities ay isang sandigan ng bilateral defense and military cooperation, ang SOVFA ang higit na magpapayabong ng pagtutulungan sa capacity-building at pagsasanay ng mga kawal, pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster response operations. Kabilang din sa pagtutulungan ang counter-terrorism, border security at maritime security.
Katulong ng Pilipinas ang Australia sa maritime security capability tulad ng Coast Watch South project at Maritime Training Activity. Higit na mag-iibayo ang mga programang ito sa pamamagitan ng SOVFA.
Magtatakda rin ang Pilipinas at Australia ng Strategic Dialogue na pagtutulungan ng mga Kagawaran ng Ugnayang Panglabas at Tanggulang Pambansa.
Paglalabas ng bigas ng Pilipinas, napakalabong mangyari
MAHIRAP magkatotoo ang binanggit ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na matatamo ng Pilipinas ang self-sufficiency sa bigas lalo't higit ang maging rice exporter ang bansa sa susunod na taon.
Ito ang reaksyon ni Congressman Rafael Mariano ng Anakpawis Partylist. Kahapon ay sinabi ni Pangulong Aquino na ang National Food Authority ay bumili ng 860,000 metriko tonelada ng bigas noong 2011 mula sa 1.3 milyong metriko tonelada noong 2010. Bumaba umano ang rice import targets para sa 2012 sa 500,00 metriko tonelada.
Hindi binanggit ni Pangulong Aquino na mula sa 500,000 metriko tonelada ng total volume ng target rice imports para sa taong ito ay magkakaroon gn 380,000 metriko toneladang bibilhin ng mga pribadong mangangalakal at mga kooperatiba, puna ni Congressman Mariano.
Ayon kay Ginoong Mariano, hindi kailanman magkakaroon ng tunay na rice self-sufficiency samantalang ang industriya ay nasa kamay ng mga pribadong mangangalakal at mga panginoong maylupa na mayroong monopolyo ng mga palayan, mga binhi at mga pataba't pestisidyo, pautang at mga gilingan ng palay at bodega. Isa si Congressman Mariano sa mga kasapi sa Bantay-Bigas, isang price monitor watchdog.
Noong isang buwan, ang National Food Authority ay nagdesisyon na umangkat ng 120,000 metriko tonelada ng bigas mula sa Vinafood 2 ng Vietnam sa ilalim ng government-to-government arrangement. Nagkakahalaga ang bawat tonelada ng $ 470 dolyar. Ang NFA umano ay naggigiit na mas makakamura kung bumili sa pamilihan sa halip na bumili ng 10% ng local palay production mula sa mga magsasakang Pinoy.
RH BILL, hindi katanggap-tanggap sa mga obispo
HINDI katanggap-tanggap sa mga obispo mula sa Simbahang Katoliko ang panawagan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ipasa na sa kongresong ito ang Reproductive Health bill.
Ayon kay Malolos Bishop Jose F. Oliveros, pinuri ni Pangulong Aquino ang mga mamamayan bilang kanyang mga tunay na amo dahilan sa mga nagawa ng kanyang administrasyon.
Ngayon nama'y igigiit niya ang kanyang sariling paninindigan sa Reproductive Health bill, dagdag ng obispo. Sinabi niya na nararapat makinig si Pangulong Aquino sa tinig ng nakararaming mga Pilipino na pinamumunuan ng mga obispo.
Ipinaliwanag ni Bishop Oliveros na ang mga obispo ang nagsisilbing pastol ng mga Katoliko sa buong bansa.
Mas pinakikinggan umano ni Pangulong Aquino ang tinig mula sa labas ng bansa tulad ng pamahalaang Americano sa ilalim ni Pangulong Barack Obama. Hindi umano pananagutan ni Bishop Oliveros kung anong masama ang magaganap sa pagpapasa ng Reproductive Health bill sa mga mamamayan.
Nanawagan din ang obispo sa mga mambabatas na pakinggan ang tinig ng nakararaming mga Katoliko at pakinggan din ang kanilang konsensya upang mapanatili ang mga kinagisnang pinahahalagahan ng mga Pilipino tulad ng pagmamahal para sa mga bata at sa pamilya.
Samantala, sinabi ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, SVD na ang saglit na pagbanggit ni Pangulong Aquino sa mga katagang Responsible Parenthood ay isang masamang pangitain sapagkat salungat ito sa itinuturo ng Simbahan. Ang Responsible Parenthood ay katagang madalas marinig sa mga nagsusulong ng family planning at paggamit ng artificial birth control.
Nararapat umanong tawagan ang mga mamamayan na maging mapagbantay at turuan ang mga mambabatas ng masasamang epekto ng reproductive health bill.
Bilang reaksyon sa ikatlong State of the Nation Address, sinabi ni Bishop Bastes na masyadong "optimistic" ang talumpati at walang binanggit na mga problemang hinaharap ang bansa.
Ayon kay Marbel, South Cotabato Bishop Dinualdo Gutierrez, pasado naman sa kanya ang talumpati ni Pangulong Aquino bagama't walang binanggit tungkol sa mga isyu ng kapaligiran at kalikasan. Ni hindi man lamang binanggit ang pangalan ni Kalihim Ramon Paje ng Department of Environment and Natural Resources, dagdag pa ng obispo.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |