|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
TUMAAS ang bilang ng mga nasawi sa serye ng mga sagupaan kahapon sa pag-itan ng mga kawal ng pamahalaan at mga kasapi ng Abu Sayyaf at umabot na sa 19 ayon sa mga militar.
Ayon kay Major Harold Cabunoc, Chief ng Public Affairs ng Philippine Army, sampung kawal na ang nasawi samantalang siyam naman sa panig ng mga armado ang napaslang. May 17 mga kawal ang sugatan at 13 naman sa mga armadong kalalakihan ang nagtamo ng iba't ibang sugat sa katawan.
May impormasyong lumabas na ang mga napaslang ay mga dating kawani ng isang kooperatiba at ang sagupaa'y nag-ugat sa usaping agraryo.
Sa kaugnay na balita, sinabi ni Isabela Bishop Martin Jumoad na may koneksyon ang naganap na ambush noong ika-7 ng Hulyo na ikinasawi ng mga manggagawa sa isang taniman ng goma sa Tumahubong. Anim na manggagawa ang nasawi sa pananambang noon.
Nanawagan ang obispo sa pamahalaan, partikular sa Kagawaran ng Repormang Agraryo na kilalanin kung sino ang tunay na benepisyaryo ng lupain sa Tumahubong na hawak ngayon ng isang kooperatiba.
Sa panayam sa Radyo Veritas, ang himpilan ng radyong pag-aari ng Arkediyosesis ng Maynila, sinabi ni Bishop Jumoad na hindi talagang lehitimong Abu Sayyaf ang nakasagupa ng militar kungdi manggagawa ng rubber plantation na maaaring napaalis bilang mga manggagawa ng taniman.
Lumalabas na kakulangan ng Kagawaran ng Repormang Agraryo ang pinagmulan ng kaguluhan sa Basilan.
Itinaggi naman ni Col. Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command na nag-ugat ang sagupaan sa repormang agraryo. Usapin daw ito ng pangingikil ng mga armado sa mga nasa kooperatiba.
BOTOHAN TUNGKOL SA PAGTATAPOS NG DEBATE SA RH BILL GAGAWIN NA
MAGBOBOTOHAN na ang mga mambabatas sa kahihinatnan ng Responsible Parenthood bill at madali nang makapasa sa ikalawang pagbasa.
Ayon kay Speaker Feliciano Belmonte, Jr., sa ika-7 ng Agosto, magdedesiyon ang mga mambabatas kung tatapusin at pahahabain pa ang mga pagtatanong at pagkakaroon ng dagdag na panahon para sa interpellation at debate sa kontrobersyal na panukalang batas.
Ipinaliwanag ni Speaker Belmonte na kung papabor ang karamihan sa mga mambabatas na tapusin na ang debate, maipapasa na ito sa ikalawang pagbasa. Samantala, kung mas marami ang gustong magtanong at makipag-debate, ibabalik ito sa plenary at doon pagtatalunan.
Sa pagbubukas ng sesyon, sinabi ni Speaker Belmonte na matagal na itong pinagdedebatehan kaya't mas makabubuting tapusin na ito at magbotohan.
Kung matatapos na ang mga debate, magkakaroon ng panahon para sa mga amendment at papayagan ang lahat na makapagmungkahi ng pagbabago o pagsasa-ayos ng panukalang batas.
PAGKAKAROON NG SAPAT NA GULAY SA BANSA, LAYUNIN NG KAGAWARAN NG PAGSASAKA
LAYUNIN ng pamahalaan sa pamamagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka na magkaroon ng sapat na supply ng gulay sa buong bansa. Ito ang pahayag ni Kalihim Proceso J. Alcala sa kanyang talumpati sa harap ng may 1,000 mga magsasaka, mga opisyal ng pamahalaan kasama na ang mga maggugulay sa isang pagpupulong sa Butuan City.
Ang Kagawaran ng Pagsasaka, ayon kay Ginoong Alcala, ay mayroong palatuntunang pinangalanang High Value Crops Development Program at naglalayong madagdagan ang sufficiency level sa gulay na nagmula sa 65% at magawa itong 100 percent o higit pa sa loob ng medium term na magtatapos sa taong 2016.
Umaaabot sa 40 kilogams ang per capita consumption ng mga Pilipino noong nakalipas na taon na kahalintulad ng tauhang requirement na 3.8 million metric tons ng gulay para sa 95 milyong Pilipino. Ang consumption na ito ay one-fourth lamang ng recommended dietary requirement na 146 kilo sa bawat taon, base sa impormasyon mula sa World Health Organization.
Ani Ginoong Alcala, kailangang makipag-ugnayan ang mga maggugulay sa malalaking negosyante ng gulay mula sa Divisoria Wholesale Market upang alamin kung ang kanilang mga gulay at pangangailangan ng mga mamimili. Ang anumang impormasyon ay maaaring iparating sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at mga grupo upang maisaayos nila ang kanilang planting calendar, pagtatanim, pag-ani at pagdadala ng mga produkto sa mga pamilihan.
P 202 MILYONG HALAGA NG MGA PROYEKTO ISUSUBASTA
ILALABAS a ng Kagawaran ng mga Pagawaing Bayan at mga Lansangan ang detalyes para sa pagsusubasta ng preventive maintenance ng bahagi ng Maharlika Highway sa Camarines Norte na kilala sa pangalang Bicol Road.
Isang pre-bid conferece ang isasagawa sa ika-31 ng Hulyo sa Central Procurement Office sa punong tanggapan ng DPWH sa Port Area, Manila. Detalyadong pag-uusapan ang mga mahahalagang bagay sa kontrata.
Nakatakdang buksan ang mga bid sa ika-14 ng Agosto sa ganap na ika-sampu ng umaga na siyang deadline sa pagsusumite ng mga bid. Umaasa ang tanggapan na maraming kontratista ang lalahok sa proyekto lalo na sa mga pagbabagong ipinatutupad ng liderato ngayon.
Upang matiyak ang transparency at accountability, binago ni Kalihim Rogelio L. Singson ang procurement process, nilutas ang mga karaning problema at inalis ang maraming pinagmumulan ng leakage at corruption kaya't nakatipid ang pamahalaan upang magkaroon ng salaping magagastos sa mga susunod na proyekto.
Tatagal ang proyekto ng may 300 araw at magkakaroon ng habang 16 na kilometro na kasasangkutan ng pag-aaspalto, pagsisemento, paglalagay ng thermoplastic pavement markings at paggawa ng kailangang road shoulders.
Aabot sa P 202 milyon ang proyekto na magmumula sa DPWH Infrastructure program para sa taong 2012, 30% mula sa pautang ng Japan International Cooperation Agency at 20% mula naman sa Motor Vehicle User's Charge fund.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |