|
||||||||
|
||
Walo na ang nasawi sa bagyong "Gener"; libu-libong Pilipino, apektado
MALAKI ang posibilidad na umalis na sa Pilipinas ang bagyong "Gener" sa Huwebes bagama't mananatiling makulimlim pa rin ang bansa, kabilang na ang Metro Manila.
Kumikilos na si "Gener" patungong hilaga-hilagang kanluran at may lakas ng 120 kilometro bawat oras at pagbugsong hanggang 150 kilometro bawat oras.
Ayon kay Undersecretary Benito Ramos, Administrador ng Office of Civil Defense, walo ang nasasawi, tatlo ang nasugatan at apat ang nawawala samantalang 5,200 pamilya ang nasa evacuation centers sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Samantala, ibinalita naman ni Vice Admiral Edmunda Tan, commandant ng Philippine Coast Guard na isang motor vessel shuttle na may pangalang RoRo ang sumadsad may dalawang nautical miles sa timog-kanluran ng Agoho Point, Looc, Tablas Island, Romblon samantalang nagmamane-obra upang makaiwas sa malalaking alon.
Nagmula ang RoRo sa Dumaguit Island at patungong Odiongan, Romblon at Batangas. May 57 pasahero ang roro at 16 na sasakyan. Ayon sa Coast Guard Southern Luzon District, sumakay na ang mga pasahero sa mga liferaft matapos magdeklara ang kapitan ng roro na "abandon ship."
Dalawang bangkang de motor ang pinalabas ng Coast Guard Station Romblon upang magsagawa ng "search and rescue operations."
Assistant Secretary Hernandez, sinagot ang pahayag ng Sugo Ng Cambodia
ISANG professional diplomat si Undersecretary Erlinda Basilio na naglingkod ng may halos 50 taon sa bansa. Naging patas ang kanyang mga pahayag at pawang katotohanan lamang. Ito ang panimula ni Assistant Secretary Raul Hernandez ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa liham ni Cambodian Ambassador Hos Sereythonh sa isang pahayagan sa Maynila.
Ang pinakamahalaga umano ay dumalo si Undersecretary Basilio sa lahat ng pagpupulong sa Phnom Penh samantalang wala ang Cambodian ambassador sa mga naganap na pag-uusap.
Ipinatawag ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang Cambodian Ambassador to the Philippines subalit may karamdaman siya. Ipinadadla niya si Second Secretary Tan Chandaravuth at patuloy umanong ipatatawag siya hanggang sa makarating siya sa tanggapan ng Ugnayang Panglabas.
Nais ng Pilipinas na ipaliwanag ng Cambodian ambassador ang nais niyang ipahiwatig sa mga katagang "inflexible and non-negotiable position of two countries of ASEAN is dirty politics."
Nauunawaan daw nila na ang chair ng pagpupulong ay humirang ng isang lupon na kinabibilangan ng Pilipinas at Vietnam, na mayroong autoridad na maghanap ng kasunduan sa final draft. Lima umanong final drafts ang nabuo at nagkaroon ng consensus. Kahit na nagkaroon ng limang final drafts, ibinasura pa rin ito ng Cambodia.
Nais ding malaman ng Pilipinas kung saan nakuha ng Cambodian ambassador ang kanyang impormasyon sapagkat taliwas ito sa mga tala ng pagpupulong ng ASEAN.
Ipamumukha rin umano ng Pilipinas sa Cambodian Ambassador kung bakit naiba ang imahen ng ASEAN chair na nagsusulong ng interest na wala sa ASEAN na nakasasama sa posisyon ng Pilipinas at Vietnam.
Bilang paggalang sa mga kaibigang mula sa Cambodia, nais ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na ilabas sa publiko ng mga ebidesnyang papawi sa mga espekulasyon sa tunay na naganap sa Phnom Pehn, dagdag pa ni Ginoong Hernandez.
Kauna-unahang private equity fund para sa infrastructure investments sa Pilipinas inilunsad na
SINANG-AYUNAN na ng Asian Development Bank ang equity investment na nagkakahalaga ng $ 625 milyon private equity fund na nakatuon sa mga infrastructure projects ng Pilipinas. Ito ang pinakamalaki at kauna-unahang equity fund at napapanahong tustusan ang iba't ibang public-private partnership opportunities sa bansa.
Ang investment ng Asian Development Bank sa Philippine Investment Alliance for Infrastructure (PINAI) ay kasabay ng salaping mula sa Government Service Insurance System o GSIS, Dutch pension fund asset manager na APG at ang Macaquire Group.
Ayon kay Philip Erquiaga, Director-General ng Private Sector Operations Department ng ADB, maliban sa direct equity investment ng ADB, ang paglahok nila ay makatatawag-pansin sa dagdag na investments sa Pilipinas mula sa kanilang mga nangungunang kabalikat, magkakaroon ng kompetisyon sa domestic infrastructure finance, at pagkakaroon ng magandang infrastructure assets.
Sa panig ng GSI, sinabi ng pangulo at general manager nito na si Robert G. Vergara na ang paglahok nila ay makatutulong sa economic growth at investors' confidence. Mangangahulugan din ito ng dagdag na kita sa kanilang investments na magbibigay ng dagdag na biyaya sa mga kasapi at pensionado.
Investors' briefing, idinaos sa Madrid
MATAGUMPAY na idinaos ang investors' briefing para sa Manila Metro Line 1 Extension, Maintenance and Operations Project sa Madrid noong nakalipas na Lunes, ika-23 ng Hulyo sa punong tanggapan ng Spanish Confederation of Business Organizations. Dinaluhan ito ng may 50 kalahok mula sa 27 mga kumpanya.
Pinamunuan ng Embahada ng Pilipinas at Philippine Trade and Investment Center ang investors' briefing.
Kabilang sa mga kumpanyang dumalo sa pagpupulong ay ang Metro de Madrid, Renfe, CAF, Indra, Centunion, Ineco, Getinsa, IDOM, Cemex, OHL, Abengoa, AEDIP, Seopan at Talgo. Ang mga kumpanyang ito ay consultants, operators, contractors at suppliers.
Nagsalita sa pulong sina Senor Jose Luis Gonzales Valive, pangulo ng Council for Trade Promotion, Senor Antonio Fernandez-Martos, director-general ng Commerce and Investment ng Ministry of Economy and Competitiveness at Philippine Ambassador to Spain Carlos C. Salinas.
Sinabi ni Ambassador Salinas na mahalaga para sa Pilipinas ang mga pagawaing bayan sa pagpapaunlad ng bansa. Ang Philippine Development Plan mula 2011 hanggang 2016 ang kumikilala sa kahalagahan ng pagawaing bayan sa pagsulong ng Pilipinas.
Sa panig ni Director General Martos, mahalaga umano ang naging pagdalaw ni Queen Sofia sa Pilipinas na isang pagbabadya ngmalapit na pagkakaibigan ng dalawang bansa. Nagpasalamat din siya sa pagdalaw ng delegasyon mula sa Pilipinas at sa paanyaya na lumahok ang mga kumpanyang Kastila sa mga pagawaing bayan ng sa umuunlad na bansa.
Anim sa nangungunang sampung kumpanya sa larangan ng transportasyon ang nagmumula sa Espana na handang lumahok sa Public-Private Partnership. Isang PPP project na ang iginawad sa kumpanyang Kastila, ang Gentinsa, na bahagi ng isang consortium na lumahok sa proyekto.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |