|
||||||||
|
||
Nagsimula noong ika-27 ng Hulyo ang 2012 London Olympic Games, at nasungkit ng Tsina ang kauna-unahang medalyang ginto ng olimpiyada sa unang araw ng pagbubukas nito. Bago po tayo magsimula ngayong gabi, nais po nating ipaabot ang ating taos-pusong pagbati sa mga manlalarong nagtagumpay na. At para naman sa mga atleta na kasalukuyan pa ring nagpupunyagi para makakuha ng medalya, jiayou!!!
Jiaoyou, para sa mga manlalarong Tsino, at jiaoyou rin para sa mga atletang Pinoy!!! Kami po rito sa Serbisyo Filipino ay patuloy na naghahangad ng inyong tagumpay.
Kamakailan ay nagkaroon ng isyu hinggil sa uniporme ng Team USA, dahil ito raw ay gawa ng isang kompanyang Tsino. Bago magsimula ang 2012 London Olympic Games, naging mainit na isyu ito sa media, pamahalaan, at iba pang sirkulo ng lipunan ng Amerika. Pero, lingid sa kaalaman ng nakakarami, bukod sa Estados Unidos, marami pang ibang bansa ang may unipormeng gawa ng mga kompanyang Tsino, o sa pagkakataong ito, mas nararapat siguro kung tatawagin nating likha at idinisenyo sa Tsina.
Ilan po sa mga kompanyang ito ay Peak, Li-Ning, Adivon, Qiaodan, Erke, 361 degrees, Xtep, at iba pa.
Isa sa mga nagungunang kompanya ay ang Peak. Ito ang nag-isponsor sa 7 bansa, na kalahok sa 20 laro sa 2012 London Olympics. Ayon kay Liu Xiang, Deputy Director ng Departamento ng Public Relations ng kompanya, dahil ang proseso ng pagdidisenyo ay umaabot ng maraming buwan, at ang paggawa sa mga kasuotan ay maaring tumagal ng isang taon, tinanggihan nito ang paggawa sa uniporme ng 10 iba pang bansa. Aniya pa, ang mga tatak Tsina ay unti-unting sumisikat dahil sa mabilis na pag-angat ng ekonomiya ng bansa at mga pag-unlad na nakamtan nito sa larangan ng isports.
Ang isa pa ay ang kompanyang Li-Ning, na nag-isponsor naman ng 8 bansa at mahigit 600 indibiduwal na atleta mula sa 17 ibat-ibang nasyon. At ayon kay Jian Jie, Senior Sponsorship Products Manager ng Li-Ning, ang penomenong ito ay tanda ng paglaki ng papel sa internasyonal na arena ng mga kompanya ng isport ng Tsina. Dagdag pa niya, ito rin ay nagpapakita ng unti-unting paglaki ng importansya ng "tatak" ng kasuotan o "brand influence" sa larangan ng isports, at sa pamamagitan nito, ang mga katagang "Made in China" o Gawa sa Tsina ay unti-unting nagiging "Created in China" o Likha sa Tsina.
Napapalitan na rin nito ang kaisipang ang gawang Tsino ay mahinang klase. Sa ngayon, unti-unti nang umaangat ang kalidad ng mga kagamitang pang-isports na likha sa Tsina. Ilan sa mga koponan na inisponsoran ng Li-Ning ay: ang mga basketbol team ng Argentina at Espanya; mga badminton team ng Singapore, New Zealand, at Australya; mga track and field team ng Zimbabwe at Eritrea; at gumawa sa unipormeng panseremonya ng Sweden. Ito rin ang kauna-unahang pang-isports na kompanya ng Tsina na nag-isponsor ng dayuhang koponan sa olimpiyada, nang isponsoran nito ang Pransya noong taong 2000.
Ang kompanyang Adivon ang siya namang nagdisenyo sa mga uniporme ng mga bansang Syria, Cote d'Ivoire, at Lesotho. Ayon kay Liu Feng, Chief Brand Officer ng Adivon, isinasaalang-alang nila ang mga kultura ng kanilang mga kliyente sa kanilang mga disenyo. Halimbawa: ang brand identity na kanilang ginawa para sa mga nabanggit na bansa ay " new heroism." Bakit?
Kasi, ayon kay Liu, and I quote, "never judge a hero on the basis of success or failure, or in the number of medals achieved." Pinili nilang isponsoran ang mga bansang ito, partikular ang Syria, dahil, sa kabila ng digmaang nangyayari ngayon sa nasabing bansa, patuloy pa ring nagpupunyagi ang mga atletang Syrian, upang kahit papaano ay makapagbigay-karangalan sa kanilang bayan na nasasadlak sa digmaang sibil.
Ito, ayon sa kanya ang tunay na kahulugan ng "new heroism." Sa pamamagitan nito, umaasa ang Adivon na kakalat ang nasabing konsepto sa ibat-ibang bansa sa mundo at magsisilbing inspirasyon sa mga bagong henerasyon. Gumawa rin ang Adivon ng isang t-shirt na kung tawagin ay "Peace," at ang konsepto nito ay nanggaling sa isang estudyanteng Syrian na nag-aaral sa Tsina.
Dakuan naman natin ang masasabi ng ilan sa mga kliyente ng mga kompanyang ating nabanggit.
Sabi ni Stavros Michaelides, Public Relations at Marketing Administrative Officer ng Cyprus National Olympic Committee, ang pinakamalaking dahilan kung bakit nila pinili ang tatak na Peak, ay dahil mas maganda ang ibinigay nitong offer at insentibo.
Ayon naman kay Damianos Hadjidamianou, Tesorero ng nasabing komite, hindi lang maganda ang estilo ng mga uniporme ng Peak, napakaganda rin ng kalidad ng kanilang mga produkto. Aniya, ang oras ng pagdedeliber ay napakabilis din. Naidedeliber nila ang mga ito ng mas maaga sa nakatakdang oras. "Ito ay napakaimportante sa amin," dagdag niya.
Sinabi pa ni Hadjidamianou, na dahil talagang masaya sila sa kalidad, hitsura, at ginhawa ng mga kasuotan at kagamitan, na inihanda ng Peak para sa Team Cyprus noong 2008 Beijing Olympics, hindi na sila naghanap ng ibang suplayer para sa olimpiyada ngayong taon.
Sa bansang Slovenia. Ani Brane Dmitrovic, Press Attaché ng Team Slovenia, nagsimula ang kanilang kooperasyon sa kompanyang Peak noong nakaraang taon, at plano nilang pahabain pa ang nasabing kooperasyon dahil kasiya-siya ang naging resulta nito.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pakikipagkooperasyon at pag-uusap, nadiskubre niyang may parehong pagtingin ang dalawang panig sa pagsusulong ng isports. Kaya naman, sinasamantala ng Slovenia ang pagkakataon na ito upang maibigay sa kanilang mga atleta ang pinakamagandang kondisyon ng pagsasanay, kasama na ang mga kagamitang pang-isports.
Ang kulay ng disenyo ng uniporme ng koponan ng Slovenia ay berde, asul, at puti. Ang Berde ay kumakatawan sa magandang tanawin at kapaligiran ng bansa, ang asul ay karagatan, at ang puti naman ay sa niyebeng bumabalot sa mga kabundukan.
Mga kumare't kumpare, maliban sa mga medalyang nakukuha ng Tsina sa olimpiyada, nariyan din ang mga kompanyang nagbibigay ng dangal sa mga bagay na gawa at idinisenyo sa Tsina. Sa pamamagitan ng globalisasyon ng ekonomiya at free-trade paradigm na matagumpay na isinulong ng Amerika bilang sistema ng ekonomiya ng mundo, ang lahat ng mga bagay sa ngayon ay maaring idisenyo at gawin ng kahit sinuman para kaninuman.
Maraming kompanyang Tsino ang nagdisenyo at gumawa ng uniporme ng marami sa mga koponan sa olimpiyada, pero, marami pa rin naman sa mga bansang kalahok ang may suot na gawa ng Nike, Adidas, Puma, at iba pang malalking tatak. Sa ilang laro ng olimpiyada, ilan sa mga manlalarong Tsino ang makikita ninyong nakasuot din ng malalaking tatak na nabanggit. Ito ay tanda lamang ng nasabi kong globalisasyon ng ekonomiya.
Hanggang diyan na lamang po ang nakalaang oras para sa ating programa ngayong gabi. Pero, bago po kami lumisan sa himpapawid, iiwanan po naming bukas ang paksang ito para sa inyo. Sa palagay ninyo, may kakayahan na ba ang mga kompanyang pang-isports ng Tsina na makipagkompetisyon sa mga malalaking kompanya na gaya ng Nike, Adidas, Puma, Fila, at iba pa?
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |