Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Long-term Development Plan, isinasaayos na

(GMT+08:00) 2012-08-03 20:21:03       CRI

KASALUKUYANG isinasaayos ang mga pag-aaral upang mabuo ang pangmatagalang palatuntunan para sa pagpapaunlad ng bansa. Ito ang sinabi ni Kalihim Arsenio M. Balisacan, Secretary of Socioeconomic Planning at Director General ng National Economic and Development Authority sa isang panayam sa CBCPOnline Radio at China Radio International-Filipino Service.

Ito ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director General Arsenio M. Balisacan sa panayam ng CRI-Filipino Service at CBCPOnlineRadio sa idinaos na paglulunsad ng Angara Centre for Law and Economics sa Hotel Sofitel Manila kanina.  Magkakaroon ng mga konsultasyon sa oras na mabuo na ang buradol (draft) ng long-term development plan.  

Ayon kay Kalihim Balisacan, prayoridad ng Aquino Administration ang pagpapatibay ng sangay ng katarungan upang higit na magtiwala ang mga mangangalakal na maglagak ng kapital sa Pilipinas.

Sinabi ni Kalihim Balisacan na nakatuon ang pansin ni Pangulong Aquino sa pagsasaayos ng rules ang regulations at "sense of justice."

Hindi naman siya nahihirapan sa pagpasok sa burukrasya kahit pa galing siya sa Akademya. Naglingkod na rin siya sa Kagawaran ng Pagsasaka bilang Undersecretary of Agriculture sa ilalim ng liderato ni dating Kalihim at ngayo'y Senador Edgardo J. Angara.

Ipinaliwanag naman ni dating NEDA Director General Felipe Medalla na mas makabubuting pag-aralan ang impact ng anumang desisyong gagawin sapagkat hindi basta mababawi ang anumang pagkukulang na magaganap ngayon.

Binigyang diin ni Dr. Medalla na kahit pa wala pang nabubuong long-term development plans, hindi nararapat malimutan ang kahalagahan ng Edukasyon at Pagawaing Bayan. Ani Dr. Medalla, hindi mo na maibabalik ang isang out-of-school youth sa paaralan.

Inihalimbawa niya ang isyu ng Ninoy Aquino International Airport na iisa lamang ang runway. Ipinaliwanag umano ng isang high-ranking government official na pinag-aralan ang paglalagay ng pangalawang runway subalit hindi ito itinuloy sapagkat ang daraanan ng eroplano ay nasa itaas lamang ng Palasyo Malacanang. Nanaig ang prayoridad sa seguridad ng pangulo ng bansa kaysa sa pagkakaroon ng mas magandang paliparan.

MALACANANG NANAWAGAN SA MGA MAMAMAYAN, UMIWAS SA SAKUNA

NANAWAGAN ang tanggapan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga naninirahan sa mga peligrosong lugar at mga pook na dinaanan na ng baha at pagguho ng lupa na makinig naman sa pamahalaan at pumayag nang mailipat sa higit na ligtas na mga lugar.

Dumalaw si Pangulong Aquino sa mga mamamayang nasa peligrosong lugar matapos maglakbay mula Iriga City sa kanyang pagdalaw sa burol ng namayapang ama ni Justice Secretary Leila de Lima at sa tahanan ni Private First Class Arwin Martinez ng Philippine Army, isa sa sampung napaslang na kawal ng pamahalaan sa labanan sa Sumisip, Basilan noong ika-26 ng Hulyo.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte, umaasa ang pamahalaan na ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dala ng baha ay makikipagtulungan na sa Department of Social Welfare and Development na mayroong relocation plans para sa kanila.

Marapat lamang na pakinggan ng mga mamamayan ang payo ng pamahalaan para sa kanilang sariling kaligtasan. Mas makabubuting malayo sila sa mga peligrosong lugar, dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo.

Tinukoy ni Atty. Valte ang mga pamilyang mula sa Barangay 105 sa Vitas, Tondo, Maynila matapos gibain ng mga sasakyang dagat ang kanilang mga barung-barong sa tabing-dagat.

Ibinalita rin ng tagapagsalita ng pangulo na higit na sa isang daang truck ang pinagkargahan ng basurang lumutang sa karagatan at bumalik sa baybay-dagat ng Maynila.

Higit na sa 519,000 katao mula sa 110 libong pamilya ang apektado ng bagyong "Gener," dagdag pa ni Atty. Valte.

MGA SAMAHANG SIBIKO, MALAKI ANG MAGAGAWA PARA SA BANSA

KAILANGAN ni Pangulong Aquino ang tulong ng civic organizations upang matamo ang kaunlaran ng bansa. Umaasa ang pamahalaan sa mga socio-civic organizations tulad ng Rotary Club of Manila Midtown bilang mga kabalikat tungo sa kapayapaan, katatagan at patuloy na reporma.

Ito ang buod ng kanyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong pinuno ng samahan kasabay ng pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng pagkakatatag ng Rotary Club of Manila Midtown.

Magkakabalikat ang pamahalaan at ang mga socio-civic organizations sa pagkakamit ng isang maunlad na bansa at kakikitaan ng pagbabagong matagal nang kailangan ng mga mamamayan.

Malaki na rin ang naitulong ng Rotary Clubs sa buong bansa sa mga palatuntunang-pangkaunlaran.

PULISYA AT RESCUE GROUPS, NAKAPAGLIGTAS NG MGA MAGNGINGISDA

NAILIGTAS ng pinagsanib na mga tauhan ng Police Regional Office No. 13 , Agusan Del Norte at Butuan City Search and Rescue Teams at iba pang volunteer organizations ang may 63 mangingisda matapos palubugin ng malalaking alon ang kanilang mga bangkang pangisda sa Butuan Bay kamakalawa ng madaling araw.

Ang mga tauhan ng Buenavista Police Station, Tubay Police Station at Agusan del Norte Provincial Office at 13th Regional Public Safety Battalion ang sumakay ng kanilang rubber boats at naglunsad ng search and rescue operations.

Pitong Bangka mula sa Manapa. Buenavista at anim mula sa Tubay Agusan del Norte ang lumubog dahilan sa malalaking alon.

May ilang mga mangingisdang nasugatan at isa ang isinugot sa Nasipit Municipal Hospital dahilan sa sobrang taas ng blood pressure.

Ayon kay Angelito Canatoy, isa sa mga nakaligtas, mayroong higit sa 30 mangingisda ang sakay ng mga bangka ng hagupitin ng malalaking alon.

MGA KATOLIKO, MAGTITIPON SA EDSA SHRINE LABAN SA RH BILL

LIBU-LIBONG Katoliko ang inaasahang dadagsa sa EdSA Shrine sa panulukan ng Ortigas Avenue at Epifanio delos Santos Avenue sa Lungsod ng Quezon. Sila ang tutugon sa panawagan ng Simbahang Katoliko na magparamdam sa pamahalaan ng kanilang pag-kontra sa isinusulong na Reproductive Health Bill na pagbobotohan sa darating na Martes sa Mababang Kapulungan.

Ang pagbobotohan sa Martes ay kung itutuloy pa ang mga debate sa plenaryo o ipapasa na ang panukalang batas sa ikalawang pagbasa.

Nanawagan si Arsobispo Luis Antonio G. Tagle sa mga Katoliko ng Arkediyosesis ng Maynila na masama-sama sa EDSA Shrine upang suportahan ang mga mambabatas na kontra sa panukalang batas at ipakita ang saloobin ng simbahan sa isyu.

Magsisimula sa ganap na ala-una ng hapon at nakatakdang magtapos sa pamamagitan ng Misa sa ganap na ika-anim ng gabi at pamumunuan mismo ni Arsobispo Tagle. Makakasama ang mga kabataan at mga laykong kabilang sa iba't ibang samahan.

Mayroon ding mga pagkilos sa Arkediyosesis ng Lingayen-Dagupan sa Pangasinan, sa Cotabato sa Maguindanao Province at sa Arkediyosesis ng Cebu.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>