Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Botohan sa debate sa Reproductive Health Bill, ngayon na gagawin

(GMT+08:00) 2012-08-06 19:04:49       CRI

SA isang hindi inaasahang pagkakataon, ngayon na isasagawa ang botohan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung tatapusin na o ipagpapatuloy pa ang mga debate tungkol sa kontrobersyal na Reproductive Health bill na mahigpit na tinututulan ng Simbahan.

Naganap ang desisyon ng Mababang Kapulungan matapos ang isang "all-party caucus" na ipinatawag ng Malacanang upang pag-usapan ang mga isyu tungkol sa mga debate sa panukalang batas.

May 180 mga mambabatas ang dumating sa Palasyo Malacanang kanina. Ayon sa pahayag ni Congressman Ben Evardone ng Eastern Samar, nanawagan si Pangulong Aquino sa mga mambabatas na tapusin na ang mga debate upang makapasok sa sinasabing "period of amendments."

Ayon kay Congressman Danilo Suarez ng Oposisyon, wala namang anumang mensahe ang pangulo liban sa pagtatapos ng mga debate upang magkaroon ng amendments at maging tunay na batas ang matagal nang ipinanukala.

Sinabi naman ni Spokesperson Edwin Lacierda na tiyak na hindi pabor si Pangulong Aquino sa abortion, di tulad ng ikinakalat ng ibang kontra sa panukalang batas.

Nagtapos na ang botohan at karamihan ng mga mambabatas ang bumutong tapusin na ang mga debate tungkol sa Reproductive Health bill. Hindi na rin nagkaroon ng paliwanagan tungkol sa mga naging pagboto ng mga mambabatas sa pagtatapos ng debate tungkol sa Reproductive Health bill.

Sa panig ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas, nababahala sila sa napipintong botohan sapagkat magdudulot ito ng higit na suliranin sa bansa. Iyo ang pananaw ni Jaro Archbishop Angel N. Lagdameo, dating pangulo ng CBCP.

Sinabi naman ni Lipa Archbishop Ramon V. Arguelles na bahagi ito ng pagkilos ng mga imperialistang puersa sa bansa. Ikinalulungkot niya ang pagkakaroon ng mga tau-tauhan ang mga imperialista sa Pilipinas. Anang arsobispo, ang nagsusulong ng panukalang batas ay mga tauhan ng dayuhang kumakatawan sa 500 milyong katao.

Hindi umano kasama ang mga Pilipino sa kalahating bilyong mauunlad na mamamayan. Layunin umano ng panukalang batas na mawala na sa mundo ang mga mahihirap at mga taong naniniwala sa Diyos.

Lalo namang babagal ang kaunlaran sa Pilipinas sa oras na maipasa ang Reproductive Health bill sapagkat kailangan ng mga tao upang maganap ang kaunlaran. Layunin ng RH bill na maiwasan ang pagsilang ng mga sanggol kaya'y magkakaroon ng "kultura ng kamatayan at kadiliman."

Sa panig ni Malolos Bishop Jose Oliveros, maihahambing ang ginawang desisyong gawin ang botohan ngayon sa halip na bukas sa magnanakaw na nananalakay sa kalaliman ng gabi,

"A law passed through stealth is not an honest law," sabi ng Obispo. Nararapat umanong makinig ang pangulo ng bansa sa tinig ng mga mamamayan na kinikilala niyang mga "Boss." Nakikinig umano si Pangulong Aquino sa ibang tinig ng mga nagtatangkang maging mga amo ng mga mamamayan.

"God save us from foreign domination," dagdag pa ni Bishop Oliveros.

Kaluluwa ng bansa ang nakataya sa panukalang batas na bobotohan ngayon sa House of Representatives. Ito ang pahayag ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo. Puwersahan umanong ginagamit ng mga imperialista ang kanilang poder upang mapasunod ang Pilipinas sa kanilang mga ninanais maganap sa bansa. Nararapat lamang umanong kontrahin ang mga ganitong uri ng panukala.

50 NASAWI, ANIM ANG NAWAWALA MULA NG MANALASA SI "GENER"

LIMAMPU katao ang nasawi na mula ng manalasa ang bagyong "Gener" na siya ring nagpalakas ng panahong habagat. Ito ang nabatid kay Defense Undersecretary Benito Ramos na siya ring Administrador ng Office of Civil Defense sa panayam ng CBCP Online Radio ngayong hapon.

Anim katao ang nawawala at umabot na sa 35 ang mga nasugatan dala ng masamang panahon.

Higit na rin sa P 341 milyon ang napinsala sa mga sakahan at mga pagawaing-bayan, dagdag pa ni Undersecretary Ramos.

May mga pamahalaang lokal sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan ang nagdesisyong magsuspinde ng klase dahilan sa matinding ulan at pagbaha.

MGA REBELDENG MUSLIM, NANALAKAY SA MAGUINDANAO

KINONDENA ni Kalihim Teresita Quintos-Deles, pinuno ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process ang pananalakay ng mga armadong kalalakihang nasa ilalim ni Ustadz Carialan, chief of staff ngh Bangsamoro Islamic Freedom Movement kagabi. Naganap umano ang pananalakay ng walang anumang ginawang pananalakay ang mga kawal ng pamahalaan sa Talayan, Datu Unsay, Datu Saudi Ampatuan at Shariff Aguak sa Maguindanao at Midsayap sa North Cotabato.

Ang mga pananalakay ng mga armadong ito sa panahon ng Ramadhan ay nagpapakita lamang ng kawalan ng paggalang sa tradisyon ng mga Muslim at walang anumang paggalang sa mga mamamayan na mawawalan ng buhay at tahanan sa mga walang saysay na mga pagkilos na ito.

Ang BIFM ay hindi bahagi ng Moro Islamic Liberation Front at hindi saklaw ng ceasefire agreement. Ang grupong dating kilala sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ang BIFM ay pinangungunahan ni Ameril Ubra Kato na lumayo na sa MILF aty nagdeklara sa kanyang sarili na hindi kikilala ng anumang utos o kautusan. Binuo ni Kato ang sariling grupo at pinaghahabol na ng mga kawal ng pamahalaan.

Handa umano ang pamahalaan na ipagtanggol ang mga komunidad. Pinaghahanap na ng mga kawal sina Carialan at mga tauhan at dalhin sa katarungan.

Sa panig ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang naganap na harassment ng mga kawal ni Umbra Kato ay hindi makakaapekto sa peace talks. Ang gobyerno ay nakikipagtulungan sa MILF at mayroong magandang linya ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig.

Walang anumang sagupaang naganap sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan mula noong nakalipas na Enero. Ang mga kawal ng bansa ay nasa active defense posture upang maiwasan ang paglawak ng armed clashes.

Ang mga kawal ay gumagawa ng lahat upang maipagtanggol ang mga mamamayan. Umaasa rin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ang serye ng mga pananalakay ay huhupa sa madaling panahon.

P 160 MILYON PARA SA TATLONG PALIPARAN

NAKATAKDANG gumastos ang pamahalaan ng may P 160 milyon para sa tatlong paliparang aayusin sa San Vicente sa Palawan, Kalibo sa Aklan at Sanga-sanga sa Tawi-Tawi.

Sa "Invitation to Bid" na inilathala ngayon, sinabi ng Department of Transportation and Communication na ang pagawaing-bayan ay para sa airside development at terminal facilities improvements.

Aabot sa P 72 milyon ang para sa San Vicente Airport upang matapos ang runway extension, pagsisemento ng runway at pag-aalis ng burol sa tabi ng paliparan. Kasama na rin sa budget ang pagtatayo ng mga himpilan ng mga sasakayan, bakod at iba pang pasilidad.

Malapit ang San Vicente sa El Nido, isang malaking tourist destination sa Palawan.

Halos P 60 milyon naman ang nakalaan sa Kalibo International Airport Development Project, isa sa pinakamadalas gamiting paliparan sa bansa. Noong 2010, umabot sa higit sa isang milyong pasahero ang dumaan sa paliparan ng Kalibo.

P 29 na milyon naman ang nakalaan para sa Sanga-Sanga Airport sa Bongao, TAwi-Tawi.

MGA DALUBHASA SA STATISTICS, MAGPUPULONG SA DAVAO

IDARAOS sa darating na linggo, mula sa ika-16 hanggang ika-17 ng Agosto ang 2012 Philippine Statistical Association, ang nag-iisang scientific society ng mga dalubhasa sa statistics, sa Davao City. Taunang pagtitipon ito ng mga statisticians, practitioners at mga mananaliksik sa larangan ng scholarly discussion ng mahahalagang isyu na matutugunan ng statistical system.

Ang tema ng pagpupulong ay "Strengthening Capacity in Statistics for Food Security." Magkakaroon din ng mga pagtatanghal tungkol sa research investigations na gumagamit ng iba't ibang paraan ng statistics sa pagsusuri ng datos na kinatatagpuan ng impormasyon na mahalaga sa food security concerns.

Noong 1996, sa World Food Summit, napagkasunduang mayroong food security kung makakamtan ang pagkain sa lahat ng oras, lahat ng tao'y mayroong makakain, sapat na supply at maayos ang uri at kalidad ng pagkain at higit sa lahat ay katanggap-tanggap ang pagkain sa iba't ibang kultura.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>