|
||||||||
|
||
Panahong habagat patuloy na hinagupit ang metro manila, halos isang milyong pilipino apektado
PANGANGAMBAHANG walo katao ang nasawi sa pagguho ng lupa sa Lungsod ng Quezon sa patuloy na pagbuhos ng ulan dala ng panahong habagat sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan.
Ayon kay Undersecretary Benito Ramos ng Office of Civil Defense, lumakas ang habagat dahilan sa paghigop ng bagyong si "Haikui" may 300 kilometro sa hilagang silangan ng Taiwan at patungo na sa Tsina.
Naging madalas ang malakas na buhos ng ulan at nadama rin sa mga lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Tarlac, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas at Metro Manila.
Sinabi ng mga dalubhasa sa PAGASA, ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomic Services Administration, na tatagal pa hanggang bukas ang mga pag-ulan na magdudulot ng pagbaha.
Naganap ang mga pagbaha at paglilikas ng mga mamamayan sa Valenzuela, Malabon, Muntinlupa, Makati, Navotas, Paranaque, Quezon, Marikina at Pasig. Sa mga lalawigan, apektado ng baha ang Calasiao sa Pangasinan, Mercauayan at Obando sa Bulacan, Cardona sa Rizal, Sta. Rosa, Binan, Calamba, San Pedro, Cabuyao, Los Banos, Bay, Victoria, Sta. Cruz, Lumban, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Mabitac, Sta. Maria at Famy sa Laguna at Noveleta at General Trias sa Cavite.
Nagtungo si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Office of Civil Defense, sa Kampo Aguinaldo at nakinig sa mga balita ng kanyang cabinet officials tulad nina Transport and Communications Secretary Manuel A. Roxas, Social Welfare Secretary Corazon Juliano Soliman, Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, Public Works and Highways Secretary Rogelio L. Singson, Energy Secretary Jose Rene D. Almendras, mga kinatawan ng Kagawaran ng Kalusugan at Edukasyon.
SA pagkakataong ito, inutusan ni Pangulong Aquino ang kanyang gabinete na higit na pag-ibayuhin ang paglilingkod sa mga mamamayang nangangailingan ng tulong at paglilingkod dala ng masamang panahon sa Metro Manila at siyam na lalawigan ng Luzon.
Partikular na inutos ni Pangulong Aquino ang pag-ikot at pagmomonitor ng mga naninirahan sa mga Barangay at tiyakin ang kanilang kaligtasan. Ipinag-utos din niyang tiyaking mayroong sapat na pagkain sa mga apektadong lugar.
Ibinalita ni Kalihim Soliman na higit na sa 900,000 katao ang apektado ng pag-ulan at pagbaha sa Metro Manila at sampung rehiyon ng Pilipinas. Sa National Capital Region ay mayroong 42 evacuation centers samantalang 36 na evacuation centers naman ang nasa Timog Kagatalugan. Ayon sa kinatawan ng Kagawaran ng Edukasyon, dahilan sa pagkakasuspinde ng klase ay magsasagawa sila ng klase sa bawat araw ng Sabado upang masunod pa rin ang school calendar.
Idinagdag ni Laguna Gobernador E. R. Ejercito na mayroon nang 114 evacuation centers na pansamantalang tinitirhan ng mga nasalanta. Ito ang nabatid sa panayam ng mga taga-media sa gobernador kaninang hapon. Umaabot umano ng hanggang anim na buwan bago humupa ang baha sa Laguna na saklaw na ng "state of calamity." Isinasaayos na ng pamahalaang panglalawigan ang relief packs para sa 100,000 pamilya. Apat na rin ang nasasawi mula sa lalagiwan ng Laguna, dagdag ni Gobernador Ejercito
Karaniwang ginagamit ang mga paaralan bilang "evacuation centers."
Ibinalita rin ni Kalihim Rogelio Singson ng Department of Public Works and Highways na mayroon ding mga lansangang hindi madaanan ng mga sasakyan dahil sa pagbaha.
Nagpalabas na rin ng mga tauhan ang Hukbong Dagat ng Pilipinas, Philippine Coast Guard, Philippine National Police at mga kawal ng Hukbong Katihan at Panghimpapawid ng Pilipinas upang tumulong sa paglilikas ng mga apektadong mamamayang nasa peligro.
Sinuspinde ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang klase mula kindergarten hanggang kolehiyo sa National Capital Region at mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Pampanga, Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal. Walang opisina sa mga tanggapan ng pamahalaan liban sa may responsibilidad ng paghahatid ng health services, relief goods at ibang pang tulong.
MINDORO NILINDOL PA
ISANG lindol na may lakas na Magnitude 5.3 ang yumanig sa Lubang, Occidental Mindoro kaninang ala-una ng hapon.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum, tinatayang nagmula ang lindol sa lalim na 31 kilometro. Nagmula ang lindol sa may 42 kilometro sa kanluran ng Lubang Island, Occidental Mindoro.
May lakas itong Intensity III sa Lubang Island, Intensity II sa Maynila, Pasay City, Clark, Pampanga at Olongapo City. Intensity I naman ang naramdaman sa Quezon City.
Walang sinumang ibinalitang nasugatan o nasawi sa lindol.
SIMBAHAN, TUMUTULONG SA MGA NASALANTA
IBA'T IBANG obispo ang nagbabantay sa mga nagaganap sa kanilang nasasakupan at nagsimula nang tumulong sa mga apektado ng paghagupit ng panahong habagat.
Ayon kay Iba (Zambales) Bishop Florentino Lavarias, patuloy na nagbabalita ang kanyang mga pari mula sa iba't ibang parokya at ilang mga barangay ang lubog sa baha.
Idinagdag ni Bishop Lavarias na maraming barangay sa Lungsod ng Olongapo ang binabaha.
Ibinalita naman ni Novaliches Bishop Antonio Tobias na lahat ng mga parokya ay tumutugon na sa pangangailangan ng mga apektado. Humiling na rin siya ng relief goods mula sa mga parokyang hindi apektado ng pag-ulan at pagbaha. Sabi ni Bishop Tobias, humiling na siya ng mga de latang pagkain upang makatulong sa mga biktima.
Higit umano silang magpapasalamat kung makatatanggap sila ng tulong mula sa ibang diyosesis.
Sa panig ni Paranaque Bishop Jesse Mercado, nabatid na niya ang kalagayan ng mga taga-Muntinlupa at limang mga kalapit-bayang nasa baybay ng Laguna de Bay.
May 500 pamilya na ang nabalitang apektado ng pagbaha samantalang sa Paranaque, may isang libong pamilya na ang apektado ng pagbaha. Mayroon ding mga apektado sa Las Pinas.
"Pinakilos ko na ang lahat ng anim na bikaryo at naghahanda na ng kanilang relief goods," dagdag pa ni Bishop Mercado.
Pagtatangkaan ng obispong dalawin ang mga apektadong pook sa kanyang nasasakupan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |