![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
MATAPOS ang halos dalawang linggong pagbuhos ng ulan sa Metro Manila at mga kalapit pook, sumikat na ang araw pasado alas onse ng umaga kanina kasabay ng pag-aalis ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ng kanilang rainfall alert. Bagaman, pinayuhan pa rin ang mga mamamayan na magbantay ng mga anunsyo mula sa pamahalaan.
MGA PILIPINO, NAGSIMULA NANG DUMAGSA SA MALLS. Sa pagganda ng panahon, unti-unting bumalik sa normal ang buhay ng mga taga-Metro Manila. Unti-unti na silang bumalik sa mga shopping mall. Kuha ang larawan kaninang ika-12 ng tanghal, sa Lungsod Quezon.
Inalis na nila ang rainfall alert mula kaninang ika-12 ng tanghali at naging magaan hanggang banayad na lamang ang pag-ulang naganap mula ika-sampu ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali.
Samantala, nananatili ang datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council na 19 ang nasawi, apat ang sugatan samantalang may tatlong nawawala. Bukod inyo sa balitang nagmula sa Gitnang Luzon na sa nakalipas na tatlong araw ng tuloy-tuloy na pag-ulan, 19 na ang nasawi.
Lima katao ang sinasabing nasawi sa Bataan samantalang may pitong nasawi sa Bulacan at sa Pampanga naman ay nagkaroon ng anim na namatay.
Ibinalita rin ng mga mamamahayag na halos isang milyon at kalahating mga mamamayan (1,481,368) na nagmula sa higit sa tatlong daang libong pamilya (334,748) ang paketado ng pagbaha sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
BALIK-NORMAL ANG BUHAY SA METRO MANILA. Nagsimulang dumating ang mga customer ng SM North EDSA kaninang ika-12 ng tanghali matapos sumikat ang araw. Normal na maraming tao sa mga mall kahit karaniwang araw. Maraming mag-aaral, mga karaniwang tao ang namamasyal at namimili.
Ang mga lalawigan ng Bulacan, Zambales, Bataan at Pampanga ang nasa ilalim ng state of calamity. May 594 na barangay naman ang apektado ng baha sa Gitnang Luzon.
Ibinalita naman ngh Kagawaran ng Kalakal at Industriya na halos walang galaw ang presyo ng mga paninda at nasa loob pa rin ng iminumungkahing presyo samantalang sapat ang supply ng mga pangangailangan ng mga mamamayan kahit pa mayroong price control sa mga lalawigan, lungsod at bayang saklaw ng state of calamity.
Sinabi ni Kalihim Gregory Domingo na ang presyo ng mga karaniwang kailangan ng mga mamamayan at halos pareho pa rin liban na nga lamang sa presyo ng mga gulay.
Ang karaniwang binibiling isda ng mga Pilipino, ang galunggong, ay tumaas mula sa P 110 ay naging P 120 na bawat kilo dahilan sa sama ng panahon.
Wala rin umanong panic buying sa mga supermarket at ang pagkukulang ng instant noodles at sardinas ay dahilan sa malakihang pamimili ng mga sangkot sa relief operations.
Idinagdag pa ni Kalihim Domingo na tiniyak sa kanya ng mga may-ari ng supermarket, mga palengke at mga major manufacturers na may sapat na supply ng mga bilihin at walang anumang panic buying.
Ipinaliwanag din ni Kalihim Domingo na kung mayroong deklarasyon ng state of calamity, hindi maaaring magtaas ng presyo ang mga may tindahan. Mananatili ang dating presyo hanggang sa alisin na ang deklarasyon.
NAGHIHINTAY NG MGA BATANG CUSTOMER. Isang dalagang in-charge sa mga baby strollers ang naghihintay ng kanyang mga parokyano sa pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Metro Manila. Wala pa ni-isang umaarkila ng kanyang mga stroller hanggang kaninang ika-12 ng tanghali.
Ang mga pook na nasa ilalim ng state of calamity ay ang National Capital Region na binubuo ng Marikina, Malabon, Navotas, Valenzuela, Muntinlupa, San Juan, Pasig, Pasay, Caloocan, Maynila, Taguig at Pateros. Sa Region III ang mga ito ay ang lalawigan ng Bataan, Pampanga, Zambales at Bulacan. Sa Region IV-A, ang lalawigan ng Laguna at sa Region IV – B ay ang Palawan-Culion, El Nido at Linacapan.
Sa panig ng pulisya, itinanggi naman ni Chief Supt. Generoso Cerbo, tagapagsalita ng pambansang pulisya na mayroong mga nagaganap na nakawan sa mga biktima ng pagbaha sa nakalipas na ilang araw.
Pinangunahan naman ni Armed Forces Chief of Staff General Jessie D. Dellosa ang pamamahagi ng may 10,000 pakete ng relief goods sa Pasig City. May 4,000 evacuees ang nakinabang sa relief goods. Nasa iba't ibang evacuation centers ang mga naging biktima.
SIMBAHAN, TULOY PA RIN SA PAG-ALALAY SA MGA BIKTIMA
PATULOY na kasama ng mga biktima ng pag-ulan at pagbaha ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas.
SA Bataan, sinabi ni Bishop Ruperto Cruz Santos na patuloy siyang umiikot sa mga parokyang apektado ng baha. Hanggang kaninang umaga, ang mga bayan ng Dinalupihan at Hermosa ay nasa ilalim pa rin ng baha, ayon sa obispo.
Dalawang simbahan at walong mga kapilya sa mga barangay ang pansamantalang tinitirhan ng mga biktima ng baha.
Idinagdag ni Bishop Santos na kailangan pa nila ng mga de lata upang ipamahagi sa mga biktima ng trahedya.
Sa Zambales, naghihintay pa rin ng relief goods ang mga pansamantalang naninirahan sa iba't ibang public elementary schools.
Higit sa 13,000 mga mamamayan mula sa 12 lungsod at bayan ang mga nasa paaralan ngayon.
Kahit pa nakapagbigay na ang mga tauhan ng Social Action Center sa mga evacuees, hindi kakayahin ng simbahan ang lahat ng pangangailangan ng mga biktima.
Limitado umano ang kakayahan ng Simbahan, dagdag ng isang staff ng Social Action Center sa pahayag sa CBCP Online Radio. Nakapagbigay na sila ng bigas, de lata at mga noodles.
Wala pa umano ang biyaya mula sa pamahalaan.
Sinabi naman ni Fr. Ronaldo Santos na mayroon pang 1,000 pamilyang naninirahan sa Holy Family parish church sa Roxas District, may 800 pamilya pa ang nasa San Antonio de Padua parish at 300 pamilya pa ang nasa Sto. Domingo church. Nakauwi nang lahat ang mga evacuees sa Most Holy Redeemer parish sa Barangay Masambong.
Wala pa umanong natatanggap ang mga evacuees na ayuda mula sa pamahalaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |