|
||||||||
|
||
KUMPIRMADO ang pagkasawi ng 60 katao dala ng walang humpay na pag-ulan at pagragasa ng baha sa Metro Manila at mga kalapit pook samantalang libu-libo katao ang nasa evacuation centers pa sapagkat maraming palayan ang baha hanggang ngayon.
Tila ito ang tanong ng mga batang nasa isang evacuation center sa Malabon, malapit sa Tullahan River, isa sa pinakanasalanta ng bahang dulot ng panahong habagat. Ayon sa pamahalaan, 2,442,135 na pamilya ang apektado ng mga pag-ulan at pagbaha sa malaking bahagi ng Luzon. (Salamat kay Roy Lagarde/CBCP Media)
Ayon sa pamahalaan, 26 katao ang nasawi sa National Capital Region samantalang 19 naman ang namatay sa Gitnang Luzon o Region III. Sa Timog Katagalugan, 12 ang namatay at may tig-isang casualty ang Ilocos Region at Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan.
Ito ang larawan sa isang barangay sa Malabon City matapos ang matinding pagbaha dulot ng panahong habagat. Nakaligtas nga ang mga mamamayan sa panganib, malaki pa rin ang posibilidad na magkasakit dala ng maruming kapaligiran. Umabot na sa 60 katao ang nasawi sa mga pag-ulan at pagbaha ngayong linggong ito. (Salamat kay Roy Lagarde/CBCP Media)
Nabatid na 39 ang nalunod samantalang 11 ang natabunan ng lupa, apat naman ang nakuryente, dalawa ang inatake sa puso at apat ang 'di mabatid ang dahilan ng pagkamatay. Natriple ang bilang ng nasawi sa datos kahapon.
Mula noong Hulyo nang magsimula ang mga pag-ulan, umabit na sa 113 katao ang nasasawi at 1,849 na barangay ang napinsala. May 2,442,135 na pamilya ang apektado ng mga pag-ulan at pagbaha. Ayon sa pamahalaan, 3,135 na tahanan ang napinsala.
ASEAN COMMUNITY SA 2015 MAHALAGA
GINUNITA ni Kalihim Albert F. del Rosario ang naganap 45 taon na ang nakalilipas ng itatag ang Association of Southeast Asian Nations sa Bangkok, Thailand sa paglagda sa ASEAN Declaration noong 1967.
Ang paglagda sa ASEAN Declaration ang simula ng pagsasama-sama ng sampung bansang iba't iba ang kultura subalit nagkakaisa sa mga pinahahalagahan ang mga mithiing tulad ng kapayapaan at kaunlaran para sa lahat ng mamamayan.
Ayon kay Kalihim del Rosario, may 600 milyong katao mula sa Pilipinas, Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam ginugunita ang makasaysayang okasyon samantalang naghahanda para sa pagtatatag ng ASEAN Community sa taong 2015.
Kasabay ng pagdiriwang ng pagkakatatag ng ASEAN, ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas kasama ang Bangko Sentral ng Pilipinas, inilunsad ang tig-lilimampung pisong may ASEAN logo sa may 10 milyong piraso ng salapi. Bahagi umano ito ng pagtatangka ng ASEAN na maitatag ang isang komunidad ng mga bansa at mga mamamayan sa buong Timog Silangang Asia.
Ang pagkakaisa ng komunidad ng mga bansang ASEAN ang magbibigay ng benepisyo sa mga mamamayanb ng rehiyon at makatutulogn sa patuloy na pagsigla at pag-unlad ng ekonomiya, kapayapaan at katatagan sa rehiyon, dagdag pa ni Kalihim del Rosario.
ASEAN, DAPAT MAGKAISA, KAPAYAPAAN ANG MAHALAGA, SABI NI DATING PANGULONG FIDEL V. RAMOS
MALAKI ang suliraning hinaharap ng Association of Southeast Asian Nations dahilan sa hindi pagpapatupad ng Declaration of Conduct na kinabibilangan na rin ng dialogue partners at iba pang may interes sa komunidad ng mga bansa sa timog-silangang Asia.
Ito ang pananaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na nakapanayam ng CBCPOnline Radio sa pagdiriwang ng ika-45 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Association of Southeast Asian Nations sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas kaninang umaga.
Sinabi ni Ginoong Ramos na kailangang gumawa ng higit na makabuluhan at nagkakaisang pagkilos ang samahan tungkol sa deklarasyon ng joint resolution, joint development ng mga isyung may kinalaman sa West Philippine o South China Sea at Eastern Sea.
Ang pinakamahalaga, ayon kay Ginoong Ramos ay ang kapayapaan at sustainable development na nararapat maganap sa rehiyon. Sa aking tanong kung uubra pa ang ASEAN way na kinabibilangan ng konsultasyon at nagkakaisang tinig, sinabi ni Ginoong Ramos na magaganap ito sapagkat nasa kasaysayan na ito ng timog silangang Asia.
BAGONG AMBASSADOR NG KAHARIAN NG CAMBODIA, DARATING NA
MAGKAKAROON na ng bagong Ambassador sa Pilipinas ang Kaharian ng Cambodia. Ito ang lumabas ng balita mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas.
Sinabi ni Assistant Secretary Raul S. Hernandez, noong Lunes, ika-anim sa buwan ng Agosto, sinabi ng Ministry of Foreign Affairs at International Cooperation of the Kingdom of Cambodia na tapos na ang paglilingkod ni Ambassador Hos Sereythonh sa Pilipinas. Mayroon na umanong kapalit ang dating ambassador at hiniling pa na madaliin na ang pagtanggap sa kanilang bagong sugo sa Maynila.
Ang bawat home office ng mga ambassador ang may karapatang humirang at magpa-uwi ng kanilang mga tauhan,
Ayon kay Ginoong Hernandez, maganda ang relasyon ng dalawang bansa sa nakalipas na 55 taon at patuloy ang pagtutulungan at pagbabalikatan sa nakalipas na lima't kalahating dekada.
Samantala, sa isang panayam kay Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, sinabi niya na hindi siya naniniwalang walang pahintulot ng pamahalaan ng Cambodia ang ginawa ni Ambassador Hos Sereythonh na pagpapadala ng mahabang liham sa pahayagan sa Maynila. Magugunitang pinuna ni Ambassador Hos ang naging pahayag naman ni Undersecretary Erlinda Basilio sa mga naganap sa Phnom Penh sa pagtitipon ng mga kasapi ng ASEAN at mga dialogue partners.
Ang Pilipinas at Cambodia ay aktibong kalahok sa ASEAN. Kanina, lumahok ang mga ambassador ng iba't ibang bansa sa ASEAN sa ASEAN Day sa Department of Foreign Affairs.
ARMM GOVERNOR, INUTUSAN NA ANG TASK FORCE RANAO SA GULO SA MINDANAO STATE UNIVERSITY
MALAKI ang posibilidad na matapos na ang gulo sa loob ng Mindanao State University sa Marawi City.
Ayon kay Governor Mujiv Hataman ng ARMM, inutusan na niya ang DILG Regional Secretary na pulungin ang Task Force Ranao na kinabibilangan ng 103rd Brigade sa ilalim ni Colonel Daniel Lucero.
Ang Task Force ay binuo upang sugpuin ang kriminalidad. Ang task force na ito ang siyang aalam at magpapatibay ng mga gagawing legal ng 103rd Brigade at ng ARMM Regional Government upang ipagtanggol ang mga mamamayan sa kawalan ng anumang kaguluhan.
Samantala, magpupulong na ang Regional Peace and Order Council upang alamin ang pinag-ugatan ng labanan sa Maguindanao.
Ani Governor Hataman, makakasama sa pulong ang mga tauhan ng 6th Infantry Division.
Umabot na umano sa 3,000 ang lumikas at ngayo'y nasa siyam na evacuation centers, dahilan sa mga sagupaan sa Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao.
SIMBAHAN, NAGLABAS NA NG P 850,000 PARA SA MGA NASALANTA
IPINADALA na ng National Secretariat of Social Action, Justice and Peace ang mga tsekeng nagkakahalaga ng P 850,000 para sa mga apektadong diyosesis ng bagyong "Gener" at ng matinding hagupit ng panahong habagat.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng NASSA, nagpadala na sila ng P 250,000 para sa Archdiocese of San Fernando sa Pampanga, P 250,000 para sa Diocese of Antipolo sa lalawigan ng Rizal, P 150,000 para sa Diocese of Iba sa Zambales, P 100,000 para sa Diocese of Alaminos at P 100,000 din para sa Diocese of San Pablo sa Laguna.
Ayon kay Fr. Gariguez, ang salapi ay nagmula sa Alay Kapwa 2012 na nagkakahala ng higit sa P 2.3 milyon. Maliit umano ang pondong ito para sa pangangailangan ng iba't ibang pook na sinalanta ng trahedya.
Kasabay nito ang panawagan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick S. Pabillo na siyang Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace sa iba't ibang mga dioyesis na tumulong sa mga nasalanta.
Ibinalita ni Bishop Pabillo na sa Zambales ay higit na sa 2,000 pamilya ang apektado ng baha samantalang mayroon ding 200 pamilyang mula sa Diocese of Alaminos sa Pangasinan samantalang binaha ang 160 barangay sa 11 bayan sa Archdiocese of San Fernando sa Pampanga. Mayroon ding 25,000 katao ang nasa evacuation centers sa Marikina City saklaw ng Diocese of Antipolo. Mayroon ding 175 barangay ang binaha sa Bataan at 121 Barangay ang binaha sa Diocese of Malolos sa lalawigan ng Bulacan.
ARMM GOVERNOR, INUTUSAN NA ANG TASK FORCE RANAO SA GULO SA MINDANAO STATE UNIVERSITY
MALAKI ang posibilidad na matapos na ang gulo sa loob ng Mindanao State University sa Marawi City.
Ayon kay Governor Mujiv Hataman ng ARMM, inutusan na niya ang DILG Regional Secretary na pulungin ang Task Force Ranao na kinabibilangan ng 103rd Brigade sa ilalim ni Colonel Daniel Lucero.
Ang Task Force ay binuo upang sugpuin ang kriminalidad. Ang task force na ito ang siyang aalam at magpapatibay ng mga gagawing legal ng 103rd Brigade at ng ARMM Regional Government upang ipagtanggol ang mga mamamayan sa kawalan ng anumang kaguluhan.
Samantala, magpupulong na ang Regional Peace and Order Council upang alamin ang pinag-ugatan ng labanan sa Maguindanao.
Ani Governor Hataman, makakasama sa pulong ang mga tauhan ng 6th Infantry Division.
Umabot na umano sa 3,000 ang lumikas at ngayo'y nasa siyam na evacuation centers, dahilan sa mga sagupaan sa Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |