|
||||||||
|
||
MATAPOS manalasa ang matinding baha dala ng panahong habagat na naging dahilan ng pagkasawi ng 26 katao sa Metro Manila noong nakalipas na linggo, mayroon na umanong nakakasang plano ang pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Ito ang sinabi ni Kalihim Rogelio Singson sa kanyang pahayag sa media sa Malacanang kaninang umaga. Matutugunan umano ang malubhang pagbaha at maipagsasanggalang ang buhay ng mga mamamayan, maiiwasan ang pagkapinsala ng mga ari-arian ng pamahalaan at mga mamamayan.
Ito raw ang magsisilbing road map ng pamahalaan sa pagsugpo ng baha hanggang sa taong 2035. Kabilang umano sa plano ang paraan ng pagsasaayos ng Laguna de Bay at makakasama rin ang Gitnang Luzon.
Saklaw ng pag-aaral nila ang 4,354 square kilometers kabilang ang Marikina-Pasig River Basins at Laguna Lake. Pangmatagalan na ang gagawin nilang solusyon sa problema ng mga mamamayan, dagdag pa ni Kalihim Singson.
EUROPEAN UNION, NAGLAAN NG 700,000 EURO SA PITONG REHIYONG APEKTADO NG BAHA SA PILIPINAS
BILANG tugon sa pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng pagbaha noong nakalipas na linggo, naglaan ang European Union ng 700,000 Euro para sa emergency response at relief assistance.
Ayon kay Lubomir Frebort, Charge d'Affaires, a.i. ng European Delegation sa Pilipinas, ang European Commissioner for International Cooperation, Humanitarian Air and Crisis Response ang nagsabing ilalabas na ang tulong kasunod ng pagsusuring ginawa ng kanilang koponan sa mga nasalantang lugar sa bansa.
Gagamitin ang pondo sa pamamahagi ng relief items, tubig na maiinom, sanitation, paglilinis ng kapaligiran, food assistance, shelter support at medical aid. Higit sa 127,000 katao ang nangangailangan ng tulong ang makikinabang sa tulong ng European Union.
Noong 2011, nagbigay na rin ang EU ng 7.6 milyong Euro sa mga pamilyang nasalanta ng mga bagyong Pedring, quiel at Sendong. Ipinasa ng European Union ang karagdagang 3.5 milyong Euro noong Marso 2012.
Nabatid na ang European Union ang nangungunang nakapaglaan ng tulong sa mga biktima ng bagyong Sendong noong 2012.
SEKTOR NG PAGSASAKA, LUMAGO NG 1% SA UNANG BAHAGI NG 2012
IBINALITA ni Kalihim Proceso J. Alcala na ang sektor ng pagsasaka sa Pilipinas ay lumago ng 0.93% sa unang bahagdan ng taong 2012. Mayroong gross value ang paglagong ito ng P691.4 bilyon.
SEKTOR NG PAGSASAKA UMUNLAD NG 1%. Ito ang ipinaliwanag ni Kalihim Proceso J. Alcala sa mga mamamahayag kaninang umaga. Kahit pa umano nagkaroon ng mga pagbaha at mga nakalipas na bagyo, positibo pa rin silang makakapaglabas sila ng bigas tungo sa ibang bansa sa susunod na taon. Mga de-kalidad na bigas ang Pilipinas ang ilalabas ng bansa, dagdag pa ni Kalihim Alcala.
Nanguna sa sektor ng pagsasaka ang poultry na lumago ng 5.5%, crops na nagkaroon ng 1.5% samantalang mayroong 0.5% growth ang livestock sector.
Bumagsak ang fisheries sector ng 3.3% kung ihahambing sa unang anim na buwan ng 2011.
Ang crops sub-sector ay nakapag-ambag ng 52% sa buong agricultural production na pinamunuan ng palay na mayroong 4.15% at mais na mayroong 4.8%.
Umabot ang inaning palay sa unang anim na buwan ng 7.89 milyong metriko tonelada na mas mataas ng 4.2% na 7.58 mmt. Ang corn production ay umabot sa 3.47 milyong metriko tonelada, na mas mataas ng 4.8% na mas mataas kaysa 3.31 milyong metriko tonelada.
Sa larangan ng iba pang pananim, tiniyak ni Kalihim Alcala na mayroong sapat na hakbang ang kanyang tanggapan upang matiyak na ligtas ang anumang prutas na dinadala sa ibang bansa tulad ng Tsina.
Sa press briefing kaninang umaga, sinabi niya na mayroon siyang pinatalsik na quarantine officer sa Davao City na nagpalusot ng mga saging ng hindi dumadaan sa mahigpit na standards. Mayroon na rin umanong mga order mula sa Timog Korea at iba pang bansa sa saging na mula sa Mindanao.
DATING AGRICULTURE MINISTER SALVADOR H. ESCUDERO III, NAMAYAPA NA SA EDAD NA 69
NAMAYAPA na si Dr. Salvador H. Escudero III kaninang madaling araw. Siya ang pinakabatang Dekano ng College of Veterinary Medicine sa edad na 26 sa University of the Philippines. Naging Kalihim ng Pagsasaka noong panahon ni Pangulong Marcos at noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos.
Matagal na naglingkod bilang Congressman ng Sorsogon si Dr. Escudero at naging House Minority Leader mula 1986 hanggang 1992. Pinalitan siya ng kanyang anak na si Atty. Francis G. Escudero na ngayo'y isang senador na.
Bumalik si Dr. Escudero sa House of Representatives noong 2007 hanggang sa kanyang pagpanaw kaninang umaga. Dinala na ang kanyang labi sa Mt. Carmel Church sa Broadway St., Quezon City. Wala pang detalyes kung saan ililibing ang kanyang labi.
Magugunitang namayapa rin si dating Agriculture Secretary Roberto S. Sebastian sa edad na 69 noong nakalipas na ika-25 ng Hulyo 2012. Naglingkod naman siya sa gabinete ni Pangulong Ramos noong mga unang taon ng kanyang panunungkulan.
PAPA BENEDICTO XVI, NAKIISA SA MGA PILIPINONG NABIKTIMA NG BAGYO AT BAHA
IPINARATING ni Pope Benedict XVI ang kanyang pakikiisa sa mga Pilipinong nasalanta ng pagbaha oong nakalipas na linggo na ikinasawi ng higit sa 70 katao. Kasama sa kanyang ipinanalangin ang mga mamayan ng Tsina at Iran.
Magugunitang hinagupit din ng bagyong "Haikui" ang hilagang-silangang bahagi ng Tsina noong nakalipas na linggo samantalang niyanig naman ng malakas na lindol ang Iran na ikinasawi ng may 250 katao.
Ayon sa pahayag, sinabi ng Santo papa na ipinananalangin niya ang mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas at People's Republic of China na hinagupit din ng bagyo at baha, at mga taga-Iran na niyanig ng malakas na lindol.
Ginawa ni Pope Benedict XVI ang pahayag sa kanyang summer residence sa Gastel Gandolfo sa katimugan ng Roma kasabay ng pananalangin ng Orasyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |