|
||||||||
|
||
ANG anumang pagtaas sa presyo ng bilihin ay pansamantala lamang at 'di magtatagal. Ito ang sinabi ni Gobernador Amando Tetangco ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga.
PAGTAAS NG PRESYO, PANSAMANTALA LAMANG. Ito ang binigyang-diin ni Gobernador Amando S. Tetangco ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanyang pagharap sa Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga. Sinabi rin ni Ginoong Tetangco na tataas pa rin ng may 5% ang foreign remittances ngayong 2012 kahit pa may krisis sa Europa at Amerika.
Sinabi ni Ginoong Tetangco na ang paggasta ng pamahalaan sa iba't ibang proyekto ang magpapalaki sa growth figures, partikular ang paggasta sa infrastructure.
Ginagawa umano ng pamahalaan ang lahat upang makatugon sa pangangailangan ng mga mamayan.
Bagaman, may dalawang nagaganap sa labas ng bansa na maaaring magkaroon ng epekto sa Pilipinas at ito'y kinabibilangan ng mahinang pandaigdigang pag-unlad at ang mabuway na pagdaloy ng kapital.
Ipinaliwanag ni Ginoong Tetangco na ang pandaigdigang ekonomiya ay mayroon na sanang senyal ng paglago sa unang bahagi ng taon at ang global output ay lumago ng 3.6% sa unang tatlong buwan ng 2012, mas mataas ng isang porsiyento kaysa 2.6% increase sa pagtatapos ng 2011.
Mula noon, nanatiling mahirap ang katayuan ng ekonomiya ng daigdig. Kumipot ang mga magagawa ng advanced economies tulad ng Europa na walang nakikitang liwanag samantalang tila na sa bangin ang ekonomiya ng Estados Unidos. Ang mga pangyayaring ito ay baka makaapekto sa mga umuunlad na ekonomiya tulad ng Tsina at India kaya't pinagtuunan ng pansin ng mga dalubhasa ang pagpapayabong ng ekonomiya ng bansa.
Pinaluwag ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang policy rates ng may 25 puntos kaya't ang overnight rate ng BSP ay umabot sa 3.75%. Binawasan na rin ang policy rates ng may 50 basis points. Sa pagkakaroon ng mas magandang First Quarter GDP turnout na 6.4%, ilan ang nagtanong kung bakit kailangan pa ang panibagong 25 basis points cut noong Hulyo.
Ipinaliwanag ni Gobernador Tetangco na ito ay isang pre-emptive measure laban sa mga peligrong may kinalaman sa global slowdown. Ang inflation forecasts ay kinakitaan na ang inflation ay mananatiling malapit sa lower end ng inflation target range mula 2012 hanggang 2013.
Kahit pa may mga peligrong nakikita, umaasa pa rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas na mananatiling maayos ang takbo ng ekonomiya ng bansa sapagkat ang growth dynamics ay self-sustaining at makaaasang ang domestic demand ay magpapapatuloy na magpagalalaw sa ekonomiya, Ang debt dynamics at sapat na international reserves ang nagpapakita ng maayos na external payments position. Pangatlo, ang matibay na banking sysem ay patuloy na umaagapay sa domestic activity at maglingkod bilang isang epektibong padalyunan ng monetary transmission.
Naniniwala rin si Gobernador Tetangco na magpapatuloy na tataas ang foreign remittances ng mga manggagawang Pilipino ng may limang porsiyento (5%) sa pagtatapos ng taong 2012. Umaabot umano sa 40% ang nagmumula sa Estados Unidos bagama't mayroong limang porsiyento (5%) ang nagmumula sa ibang bansa na idinadaan lamang sa Amerika.
KAGAWARAN NG PAGSASAKA, MAGBIBIGAY NG LIBRENG PANANIM, CROP INSURANCE
MAGBIBIGAY ng libreng binhi at crop insurance ang Kagawaran ng Pagsasaka sa mga manggagawang bukid na napinsala ng baha at bagyong "Ferdie" at "Gener" at ng panahong habagat.
Ayon kay Kalihim Proceso J. Alcala, makakatanggap ang mga magsasaka ng libreng binhi upang makapagtanim na muli at crop insurance na nagkakahalaga ng P 10,000.00 bawat ektarya.
Ang pinsalang umabot sa 20,000 metriko toneladang palay ay mumunti at mapupunuan ng inaasahang aanihin sa may 180,000 ektaryang palayan na lumahok sa palatuntunang "magtanim ng maaga." Ang mga magsasakang kabilang sa major irrigation systems sa Gitnang Luzon at Isabela sa ilalim ng National Irrigation Administration ay kabilang sa programang ito.
Nananawagan ang Kagawaran ng Pagsasaka sa mga manggagawang bukid na magtanim ng ikatlong ulit matapos ang regular na taniman.
BAGONG KABLE NG TELEPONO, MAGDODOBLE NG PLDT INTERNATIONAL BANDWIDTH
ANG nangungunang telecoms provider, ang PLDT ang nakapagdoble ng international bandwidth capacity at nagtaas ng resiliency ng overseas links sa pagtatapos ng $ 400 milyong Asia Submarine Cable Express optical fiber cable system noong nakalipas na linggo, Agosto 10.
Ang proyekto na isinagawa ng PLDT kasama ang mga nangungunang kumpanya ng telecommunications sa Asia, ang 7,200 kilometrong kable sa ilalim ng dagat na gumamit ng 40 Gigabits per second technology na puede pang gawing 100 gigabits per second at may minimum design capacity na 15 Terabits. Gumastos ang PLDT ng may $ 55 milyon.
Ayon kay Napoleon Nazareno, pangulo ng PLDT at siya ring Chief Executive Officer, ito ang pinakamakaling international submarine cable system na nakarating ng Pilipinas. Ito umano ang pinaka-secure.
Sa pagkakaroon ng landing station sa Daet, Camarines Norte, ang ASE ang nagbibigay ng una at direktang cable connection mula sa Pilipinas patungong Japan na iiwas sa mga nililindol na karagatan ng katimugang Taiwan na karaniwang dinaraanan ng mga cable system ng ibang kumpanya.
Sa lindol na mayroong magnitude 7.1 sa may timog-kanlurang baybay-dagat ng Taiwan noong Disyembre 2006, napinsala ang ilang undersea cables kaya't naputol ang telecoms service sa ilang bansa sa Asia, kabilang na ang Pilipinas.
Sa pagkakaroon ng ganitong koneksyon, higit na magkakaroon ng mga investor sa Busines Process Outsourcing, dagdag pa ni Ginoong Nazareno.
Ito ang magiging koneksyon sa Japan, Pilipinas, Hoing Kong, Malaysia, Singapore sa pamamagitan ng fiber optic cable. Sa mga susunod na palatuntunan, ang Asia Submarine Cable Express ay mapapalawak at makakarating sa Tsina, Vietnam at Indonesia. Puede rin itong magkaroon ng koneksyon sa Europa, sa Gitnang Silangan at iba pang bahagi ng Asia at maging sa Estados Unidos ng America.
Kabilang sa ASE consortium ang NTTCom ng Japan, StarHub ng Singapore at TM ng Malaysia. Mula sa NEC Corp, at Fujitsu Ltd. ang submarine cable system. Makatutulog din ito sa Smart at Sun cellular sa paglawak ng international bandwidth requirements ng kanilang dumaraming customers.
CBCP, NALUNGKOT SA MANEOBRA NOONG ISANG LINGGO
NALUNGKOT ANG CBCP SA MANEOBRA NG KONGRESO. Ito ang paninindigan ni Arsobispo Jose S. Palma, (kanan) pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pagmamadali ng liderato ng Mababang Kapulungan sa pagtatapos ng mga debate sa kontrobersyal na Reproductive Health bill noong Agosto 6. Nakatakda sana ang botohan noong Martes, ika-pito ng Agosto.
LUBHANG ikinagulat ni Arsobispo Jose S. Palma ang pagmamane-obra ng mga mga mambabatas noong nakalipas na Lunes, ika-anim ng Agosto SA Mababang Kapulungan Ito ang nilalaman ng kanyang mensaheng ipinalabas sa ngalan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kanina.
Ayon sa arsobispo, handa na ang lahat sa botohang nakatakdang gawin noong Martes, ika-pito sa buwan ng Agosto subalit sa bilis at determinasyong ipinakita ng mga nasa mayorya, nagawa nilang matapos ang debate sa RH bill. Minadali nila, samantalang walang nagmamasid.
Ikinalulungkot ng CBCP ay paggamit ng ganitong paraan. Ikinalulungkot din ng CBCP ang pagpapawalang-saysay sa napagkasunduan na pinagtakpan ng personal na interes. Tinutuligsa rin ng CBP ang kawalan ng pagkilala sa kahulugan ng fair play at pagtatangkang maikahon ang pagpapasa ng panukalang batas. Naganap umano ito sa pakikialam ng Pangulo ng bansa, na kahalintulad ng kanyang ginawa sa impeachment proceedings.
Binanggit din ni Arsobispo Palma ang pagkakaroon ng malaking pondong nasa likod ng pagpapasa ng RH bill tulad ng mga nagmula sa mga banyagang tanggapan, Nananatili ang paninindigan ng Simbahan sa pakikibaka nito sa maituturing na nakamamatay na palatuntunan dahilan sa pagmamahal sa Diyos, sa mga mamamayan at sa bansa.
Nanawagan si Arsobispo Palma sa lahat ng mga debotong Katoliko na magkaisa laban sa RH bill. Higit umanong manalangin at makita ang pinag-isang pagkilos laban sa nakamamatay na panukalang batas. Nasa panig ng mga Katoliko ang katotohanan, dagdag pa niya。
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |