|
||||||||
|
||
SA Maynila gagawin ang ika-limang pandaigdigang pulong ng mga mambabatas na aktibo sa kampanya laban sa korupsyon. Idaraos ang pulong mula ika-30 ng Enero hanggang ikalawang araw ng Pebrero 2013.
Ang pagtitipong ito ay itinataguyod ng Senado ng Pilipinas at ng Southeast Asian Parliamentarians Against Corruption at ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. Gagawin ang pulong sa Philippine International Convention Center at katatampukan ng capacity-building workshops.
Tema ng pulong ang "Good Leaders, Good Laws, Good Citizens." Panauhin si John Williams, nagtatag ng GOPAC (Global Organization of Parliamentarians Against Corruption) at Dr. Naser Al Sane, chairman ng pandaigdigang samahan ng mga mambabatas. Tinatayang aabot sa 500 ang mga banyagang delegado mula sa 46 na bansa.
MGA SENADOR NG PILIPINAS, LUMAGDA SA PANGAKONG LALABANAN ANG KATIWALIAN. Makikita sina Senador Edgardo J. Angara (kaliwa) at Franklin M. Drilon na lumalagda tarpaulin na nagtatampok sa adhikain at tema ng ika-5 Global Organization of Parliamentarians Against Corruption (GOPAC) international conference na gagawin mula Enero 30 hanggang Pebrero 2, 2013 sa Maynila.
Ayon kay Senador Edgardo J. Angara, sa pamamagitan ng pagpupulong na ito, maipapakita ng Pilipinas ang walang-humpay at tapat na adhikain ng pamahalaang malinis ang lipunan mula sa mga masasamang gawi, abuso at iba pang kinagawian noong mga nakalipas na panahon.
(Narito ang mga litrado hinggil sa 4TH INTERNATIONAL MOTOR SHOW. Tampok ang pinakabagong mga sasakayan sa exhibition na ito na itinataguyod ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay.)
Idinagdag ng mambabatas na nahaharap ang daigdig sa kawalan ng tiwala ng mga mamamayan. Responsibilidad umano ng mga kasapi ng kanilang samahang ibalik ang pagtitwala ng mga mamamayan sa mga sangay ng pamahalaan upang mapanatili ang maayos na kalakaran.
Ayon sa Transparency International, sa kanilang 2011 Corruption Perception Index, ika-129 ang Pilipinas mula sa 183 mga bansa sa daigdig. Malaking kaunlaran na ito sapagkat noong 2010, nasa ika-134 na puesto ang bansa. Noong taong 2011 sa pagpupulong sa Mexico, nahalal si Senador Angara sa GOPAC Board of Directors.
Sa panig ni Senador Franklin M. Drilon, matapos ang dalawang taong panunungkulan ang Administrasyong Aquino, naihabla na ng Bureau of Internal Revenue ang may 100 corrupt officials. Sa pagsunod sa tamang proseso sa pagbili ng mga kagamitan, nakatipid ang Department of Public Works and Highways ng higit sa 10. Bilyong piso sa loob lamang ng isang taon.
Nararamdaman na ang paggalaw ng mga pinapanday na mga batas sa Mataas at Mababang Kapulungan. Naipasa na umano ang Government-Owned and Controlled Corporations Governance Act na naglalagay ng kontrol sa mga kompanyang pag-aari ng pamahalaan. Magkakaroon din ng pagsusog sa Procurement Law na ngayo'y nasa mga komite ng Senado tulad ng Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws, Finance, at sa House Committee on Appropriations.
MEDIA OWNERSHIP, POSIBLENG PAG-AARALAN NG MGA NASA AKADEMYA
MAGANDANG pag-aralan ng mga nasa Akademya ang pagmamay-ari ng mga himpilan ng radyo at telebisyon at mga pahayagan. Ito ang sinabi ni Dr. Georgina Encanto, isang propesora sa Pamantansan ng Pilipinas sa kanyang pagtalakay sa papel ng media sa pagsugpo ng kuropsyon.
Ipinaliwanag ni Dr. Encanto na bagama't wala pang nakikitang relasyon ang pag-mamay-ari ng mga media outlet at mga napapaslang na mga mamamahayag, magandang suriin ang mga datos mula sa mga lalawigan at nang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga nasa propesyon ng pamamahayag.
Kung ang may-ari ng himpilan ng radyo ay isang politiko, delikado ang kanyang empleado sapagkat baka utusan ng may-ari ang mga kawani na punahin at sirain ang sinumang lalaban sa kanya. Sa ganitong pagkakataon, maaaring mauwi sa pananakit o pagpatay sa mamamahayag o brodkaster.
Sa ganitong paraan, makikita ang kahalagahan ng pamamahayag sa paglaban sa mga katiwalian. Binanggit din ng propesora na kung nooy, pangalawa ang Pilipinas sa pinakapeligrosong bansa sa mga mamahayag, pangatlo na lamang ngayon ang bansa dahilan sa pagpasok ng Pakistan na pumangalawa na. Nangunguna pa rin ang Irag at pangalawa na ang Pakistan.
Isang dahilan ang nabatid sa pag-uusap na ang mga mamamahayag ay nasa peligro dahilan sa mga expose tungkol sa corruption sa pamahalaan.
SA LARANGAN NG KALAKAL, IKA-APAT NA INTERNATIONAL MOTOR SHOW, SINIMULAN NGAYON
SINIMULAN na ang ika-apat na International Motor Show sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay kanina.
Sa isang panayam kay Atty. Rommel Gutierrez, pangulo ng Chamber of Auto Manufacturers of the Philippines, Inc., sinabi niyang maganda ang kanilang nakikitang pangitain sa kalakal ng mga sasakyan.
MAGANDA ANG KALAKAL NG MGA SASAKYAN SA PILIPINAS. Ito ang sinabi ni Atty. Rommel Guiterrez, Pangulo ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. sa pagbubukas ng 4th International Motor Show kanina.
Tampok ang pinakabago at magagandang mga modelo ng sasakyan sa motor show na siyang tugon sa mga hamong kanilang hinarap noong nakalipas na taon sa mga krisis sa Japan at Thailand, dagdag pa ni Ginoong Gutierrez.
Idinagdag niya na kahit anumang problema ang kinaharap ng industriya, patuloy na lumalago ang kanilang kalakal.
Maraming mga environment-friendly cars na papasok sa bansa tulad ng mga hybrid ng Honda at mga tinaguriang supercars mula sa Toyota at M-Plus ng Mercedes Benz at iba pang magagandang modelo ng Mitsubishi.
Isang magandang taon umano ang 2012 sa industriya ng mga sasakyan at tataas pa ang kanilang benta ngayon kaysa noong nakalipas na ilang taon. Umaasa silang makapaglalabas ng 185,000 unit ng mga sasakyan ngayong 2012.
Si Atty. Gutierrez ay bise presidente ng Toyota Motors Philippines, Inc.
SEMINAR TUNGKOL SA AIDS, ISASAGAWA NG SIMBAHAN
DALAWANG hiwalay na workshop sessions ang gagawin para sa mga pari, relihiyoso, mga seminarista at mga layko ng Arkediyosesis ng Maynila tungkol sa HIV-AIDS ayon kay Arsobispo Luis Antonio G. TAgle.
Dalawang araw ang seminar workshop para sa mga pari at relihiyoso at isang araw naman para sa mga seminarista at mga layko. Ang unang workshop ay gagawin sa Miyerkoles at Huwebes ng susunod na linggo sa San Carlos Seminary Auditorium sa EDSA, Makati City at ang pangalawa ay sa Layforce Chapel sa San Carlos complex sa darating na Biyernes, ika-24 ng Agosto.
Pangangasiwaan ni Msgr. Robert Vitillo, special adviser sa HIV-AIDS ng Caritas Internationalis at siya ring pinuno ng International Delegation to the United Nations sa Geneva, Switzerland. Dadalaw si Msgr. Vitillo sa Pilipinas sa paanyaya ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Layunin ng workshop na makatugon ang simbahan sa pangangailangang dulot ng pagkalat ng HIV-AIDS. Mayroon nang CBCP Pastoral Letter on AIDS na inilabas noong 2011 na pinamagatang "Who is my neighbor?" na naglalaman ng paniniwala ng mga Obispo ng bansa na ang mga naglilingkod sa Simbahan, ang mga seminarista at mga pari ay nararapat magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa HIV-AIDS at makagawa ng palatuntunan upang makatulong sa may karamdaman, magkaroon ng healing at reconsilitation sa mga namimiligro sa virus, sa mga may impkesyon at mayroon nang HIV, sa pamamagitan ng mga sakramento at pastoral care.
Ayon kay Arsobispo TAgle, may reports na 52% ng HIV infections ang nasa National Capital Region at samantalang ang pandaigdigang bilang ay bumababa, ang bilang ng HIV cases sa Pilipinas ay nadodoble.
Mula umano sa 9,669 mula 1984 hanggang Mayo 2012, 5,245 kaso o 54% ang naitala mulas 2010 hanggang 2012. Ang pinakamaraming kaso ay mga taong mula 20-29 na taong gulang, dagdag pa ni Arsobispo Tagle.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |