Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Dating comelec chairman abalos, pinayagang magpiyansa

(GMT+08:00) 2012-08-17 18:37:40       CRI
PUMAYAG si Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112 na makapagpiyansa si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos sa halagang P 1 milyon.

Hindi umano naipakita ng pag-uusig ang malinaw at malakas na ebidensya laban sa akusadong si Ginoong Abalos kaya't walang anumang magagawa ang hukuman kungdi ang pumayag na makapagpiyansa at pansamantalang makalaya mula sa pagkakapiit.

Kinilala ng hukuman ang edad ni Ginoong Abalos at kanyang kalusugan tulad na isinasaad sa usaping Dela Rama v. Peoples Court noong ikalawa ng Oktubre 1946 na nagsabing makasasama sa sinumang akusado lalo pa't may edad na at may karamdaman pa kung hindi siya papayagang makapagpiyansa. Ito ang napaloob sa limang pahinang desisyon.

Pinagpiyansa siya ng tig P 500,000 sa bawat usaping inihain laban sa kanya. Akusado siya ng electoral sabotage charges dahilan umano sa pangdaraya sa halalan sa pagkasenador noong 2007. Nahaharap din siya sa 11 counts ng electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court Branch 117 kung saan siya nakapaglagak na ng P 2.2 milyong piyansa.

Nakapagpiyansa na rin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kasong electoral sabotage.

MGA MANGGAGAWANG PILIPINO SA KUWAIT, MAKAKAUWI NA RIN SA WAKAS

DUMATING na sa Pilipinas ang mga manggagawang nagkaroon ng iba't ibang problema sa Kuwait. Kabilang sa nakauwi ay si Minerva V. Tayag, ang overseas Filipino worker na kinasuhan ng pagpatay at nabilanggo ng limang taon at limang buwan. Nakauwi na sila sa ilalim ng repatriation program ng Kuwaiti government. Kasama na rin nila ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sa patuloy na kahilingan ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait para sa kapatawaran sa mga nahatulang mga OFW, si Tayag ang isa sa 20 pinalad na mga Pilipinong nabigyan ng Amiri Pardon sa pambansang araw ng Kuwait noong Pebrero 2012. Labing-walo sa mga nabigyan ng Amiri Pardon at napauwi na sa Pilipinas gamit ang mga airline tickets na sinagot ng Kuwaiti government.

Dinalaw na nina Muammar Hassan at Musa Ibrahim ng Assistance to Nationals Office si Tayag at ang 23 iba pa bago sumakay ng eroplano noong Lunes. Sa tulong ng Talha deportation Center, nakausap ng dalawang opisyal ang mga papauwing mga manggagawa.

Dalwang hiwalay na flights ang kanilang sinakyan, ang Emirates Air na dumating sa Maynila noong Martes ng hapon at ang pangalawang flight na sinakyan ni Tayag at dumating sa Maynila noong Martes sa ganap na ika-sampu ng gabi,

DALAWANG TAONG TULANG NA AMERICANO, NAILIGTAS, DALAWANG KIDNAPPERS NADAKIP

NAILIGTAS ng mga tauhan ng pulisya ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki kaninang umaga at nadakip ang dalawang pinaghihinalaang kidnappers sa Mabalacat, Pampanga.

Ipinag-utos ni Philippine National Police Director General Nicanor Bartolome kay Sr. Supt. Renato Gumban, officer-in-charge ng Anti-Kidnapping Group na dakpin ang mga pinaniniwalaang kasapi sa mga sindikatong sangkot sa kidnap-for-ransom activities.

Nailigtas ng pulisya ang dalawang taong gulang na anak ni Jayvee Woo, isang US citizen malapit sa San Lorenzo church sa Dau, Mabalacat, Pampanga.

Dinukot umano ang bata mula sa tahanan ng mga Woo sa San Fernando City noong nakalipas na Miyerkoles, ika-15 ng Agosto, 2012. Dinala rin ng kidnappers ang isang maliit na kaha de yero na naglalaman ng mga alahas at isang kulang pilak na BMW X3 sa kanilang pagtakas.

Humingi umano ang kidnappers ng P 50 m ransom. Matapos ang serye ng negosasyon sa pamilya, tinanggap ng mga kidnapper ang P 250,000 na may kaakibat n autos na dalhin ang ransom sa Dau, Mabalacat, Pampanga.

Nadakip ang suspect na nagnangalang Michael Roque, 36 na taong gulang ng San Carlos City, Pangasinan matapos tanggapin ang ransom at maibigay ang bata kay Jayvee Woo. Sa ginawang follow-up operation, nadakip din si Rogelio Ramos alias Jun-Jun sa DAu Homesite, Mabalacat, Pampanga. Nabawi rin ang ninakaw na sports utility vehicle sa Friendship Highway sa Angeles City.

SIMBAHANG KATOLIKO, NANGANGALAP NG PONDO PARA SA RELIEF ASSISTANCE

NAGHIHINTAY na ang Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace ng tugon mula sa Caritas Internationalis na kanilang hiningan ng tulong sa ngalan ng mga napinsala ng bagyong "Gener" at matinding hagupit ng panahong habagat.

Ayon kay Fr. Edu Gariguez, nangangailangan sila ng may P 19 milyon upang tugunan ang pangangailangan ng may 7,000 pamilya mula sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Rizal, Cavite at Laguna.

Sinabi ni Fr. Gariguez sa isang panayam kaninang umaga na sa halip na bigyan ng mga food commodities ang mga napinsala ay bibigyan na lamang sila ng cash vouchers upang mabili nila ang kanilang mga kailangan. Sinubukan na nila ang iskemang ito noong nakalipas na taon sa Bicol Region at Pampanga. May inilaang P 1,500 para sa mga pagkaing kailangan nila at P 1,000 para sa non-food items.

Isang mahirap na ginagawa nila ngayon ay ang pagkilala sa mga nangangailangan ng tulong. Ani Fr. Gariguez, iba't iba ang pangangailangan ng mga nasalanta kaya't ang pinakanangangailangan ang siyang bibigyan nila ng cash vouchers.

Mayroon na umanong salapi mula sa Canada at Singapore na bunga ng bilateral agreements ng Pilipinas at ng dalawang bansa. Dalawang milyong piso ang magmumula sa Canada samantalang isang milyong piso naman ang magmumula sa Singapore. Ang salaping ito ang pangdagdag sa P 1 milyon mula sa Alay Kapwa funds.

Samantala, nanawagan na rin sila sa iba't ibang diyosesis sa Pilipinas na tumulong din. Ang ikinatutuwa ni Fr. Gariguez ay ang tugon Diyoses ng San Carlos sa Negros na may inilaang P 50 libo, ang maliit na Diyosesis ng Boac sa Marinduque ay nakapagpadala na ng P 88 libo samantalang nangako rin ang Apostolic Vicariate of Calapan (Oriental Mindoro) na tutulong din sila sa mga nasalanta.

Nagpadala na ang Arkediyosesis ng Jaro (Iloilo) ng tsekeng nagkakahalaga ng P 100 libo, ang Diyosesis ng Surigao ay nagpadala na rin ng P 100 libo tulad rin ng mga Diyosesis ng Bacolod at Cabanatuan.

Ibinalita rin ni Fr. Gariguez na tuloy pa rin ang rehabilitation projects ng kanilang tanggapan sa mga napinsala ng bagyong "Sendong" noong nakalipas na Disyembre 2011. May mga itinatayo na silang pabahay sa mas ligtas na lugar sa Iligan, Cagayan de Oro at maging sa Dumaguete sa Negros Oriental.

MARIAN REGATTA, GAGAWIN SA LAWA NG TAAL

SA kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ng isang regatta o pruysisyon sa pamamagitan ng mga bangka sa Lawa ng Taal sa darating na Setyembre 8, kaarawan ni Santa Maria. Itinataguyod ito ng Arkediyosesis ng Lipa at ng mga pamahalaang panglalawigan at pangbayan ng Batangas at ng pribadong sektor.

Ito rin ang pasimula ng ika-siyam na Marian National Pilgrimage to Lipa sa darating na ika-12 ng Setyembre.

Napapanahon ang pagdiriwang na ito upang tugunan ang palatuntunang nagbibigay ng halaga sa kapaligiran. Ayon kay Fr. Eleuterio Ramos, punong-abala sa darating na okasyon, sumang-ayon ang 13 punong bayan na nakapaligid sa lawa ng Taal na isulong ang programang mag-aalaga sa kapaligiran at makatawag ng pansin ng mga banyaga at mga Pilipinong turista.

Ayon naman kay Pepe Alcantara, may 50 mga bangka na may dalang imahen ni Mama Mary ang lalahok sa tulong na rin ng Philippine Coast Guard, Maritime Police at Batangas Provincial Police Office.

Sinabi ni Arsobispo Ramon Arguelles na marapat lamang itong bigyang pansin sapagkat kinikilala rin ng mga Batangueno ang sinabi ni Gaudencio Cardinal Rosales, na dating Arsobispo ng Lipa, na ang Lawa ng Taal ang puso at pagkakakilanlan ng Batangas.

Dadalhin ni Arsobispo Arguelles ang Santisimo Sacramento sa pag-ikot sa lawa. Makakasama sa regatta sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto at iba pang mga lider ng lalawigan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>