|
||||||||
|
||
Kapatawaran, hiling sa mga taga hong kong
SA paggunita bukas sa ikalawang anibersaryo ng trahedyang naganap sa Luneta noong 2010, hiniling ni Teresita Ang See ng Kaisa para sa Kaunlaran Foundation, Inc. ang kapatawaran ng mga taga-Hong Kong.
Magugunitang walong turistang mula sa Hong Kong ang nasawi sa hostage crisis sa harap ng Quirino Grandstand dahilan sa sama ng loob ng isang nasuspindeng pulis- Maynila.
Sa pahayag na ipinadala sa CBCPOnline Radio, sinabi ni Teresita Ang See na dalawang taon na ang nakalilipas mula sa nakalulungkot na hosage ncrisis na ikinasawi ng hostage-taker at ng walong turista mula sa maunlad na special autonomous region.
"Malagim ang naganap at lubha naming ikinalulungkot ito. Hindi na rin maibabalik ang buhay ng mga nasawi," sabi ng Filipino-Chinese civic leader. Idinagdag pa niya na ang tanging magagawa ay mangako na natuto na ang bansa ng kaukulang leksyon at gumagawa na ng kailangang hakbang upang huwag nang maganap pa itong muli.
Binigyang diin ni Teresita Ang See na humihingi ang bansa ng kapatawaran at umaasang aalisin na ng Hong Kong ang black advisory sa paglalakbay ng kanilang mga mamamayan patungo sa Pilipinas.
Sa panig naman ng Philippine National Police, sinabi ni Chief Supt. Generoso Cerbo na may mga reporma nang ginawa ang kanilang tanggapan na nagsimula sa pagbabalik-aral sa mga standard operating procedures sa pagtugon sa krisis tulad ng hostage-taking incidents.
Sa panayam na ginawa sa kanyang tanggapan, sinabi ni Ginoong Cerbo, ang opisyal na taga-pagsalita ng PNP, na isinaayos na nila ang kanilang operational guidelines. May koordinasyon na rin sa mga pamahalaang lokal, tulad ng mga pamahalaang pangbayan, panglungsod at panglalawigan. Layunin nitong palakasin ang crisis management committees, dagdag pa ni C/Supt. Cerbo.
Nagkaroon na rin umano ng serye ng pagsasanay hindi lamang sa hanay ng pulisya kungdi sa iba pang mga kasapi ng kumite, ang mga nagmula sa local government units. Sinuri na rin ng PNP command ang mga kagamitan ng mga operatiba na tutugon sa mga hostage crisis situation. Bumibili na rin ang PNP ng mga makabagong kagamitan para sa Special Weapons and Tactics at Special Action Force personnel.
Tumanggi naman si C/Supt, Cerbo na magbigay ng kumpirmasyon sa mga balitang lumabas na may pamilyang Tsino na dinukot kamakailan. Ayon umano sa kanilang datos, bumaba pa ang bilang ng krimeng naganap sa nakalipas na ilang buwan. Mayroon din silang koordinasyon sa grupo ni Teresita Ang See upang higit na magtulungan sa pagsugpo ng krimen, dagdag pa ni C/Supt. Cerbo.
KAGAWARAN NG TRANSPORTASYON, NAG-UTOS NA MAGSIYASAT SA NAGANAP NA PLANE CRASH
Ito ang larawang kuha sa harap ng punong himpilan ng Philippine National Police sa Campo Crame, isa sa mga tanggapan ng namayapang Kalihim Jesse M. Robredo. Makikita ang bandilang nasa kalahatian ng tagdan bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Aquino na nagdeklara ng Araw ng Pagluluksa hanggang sa Martes, ika-28 ng Agosto sa araw ng libing na nasawing kalihim
INUTUSAN na ni Transport and Communications Secretary Manuel Araneta Roxas II ang Civil Aviation Authority of the Philippines sa ilalim ni Director General William Hotchkiss na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat upang malaman ang naging dahilan ng sakunang ikinasawi ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo at ng dalawang piloto ng sinamang-palad na Piper Seneca.
Bumuo ang Civil Aviation Authority of the Philippines ng isang koponan na magiging Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board na pinamumunuan ni Captain Amado H. Soliman, isang aviation industry expert sa flight safety sa nakalipas na apat na dekada at kasama sina Captain Ramon V. Flores at Elmer F. Pena.
Isang suspension order na ang ipinalabas ng CAAP sa lahat ng eroplanong ginagamit ng Aviatour Air samantalang wala pang kinahihinatnan ang pagsisiyasat.
Nagpadala na ng mga tauhan ang CAAP sa Masbate matapos ang insidente. Sila ang nagbigay ng posibleng kinalalagyan ng bumagsak na eroplano.
Sinabi ni Ginoong Hotchkiss na babantayang mabuti ang labi ng eroplanong bumagsak sa Masbate airport at susuriin ng composite team upang makuha ang lahat ng kailangang datos upang mabatid ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng eroplano noong Sabado.
SA LARANGAN NG KALAKAL:
ANG pinakamalaking food service company ng Pilipinas, ang Jollibee Foods Corporation ay nagbalitang ang kanilang subsidiaries na Jollibee Worldwide at Golden Plate ay nakipagkasundo sa Hoppime Ltd., isang subsidiary ng Wowprime Corporation of Taiwan at ilang key executives ng Wowprime na magtatayo ng kumpanyang JV Company na mag-aari at magpapatakbo ng 12 Sabu brand sa People's Republic of China, Hong Kong at Macau.
Ang subsidiaries ng Jollibee ang mag-aari ng 48% ng JV Company samantalang ang subsidiary ng Wowprime ang mag-aari ng 48% ng kumpanya at ang nalalabing apat na porsiyento ay magiging pag-aari ng ilang mga taong may karanasan sa retail sector sa Tsina.
Ang inaasahang investment mula sa Jollibee Foods Corporation mula sa taong ito hanggang 2015 ay aabot sa US$ 8 milyon.
Ang 12 Sabu brand ay magtatampok ng murang hot-pot dishes sa isang malinis at maliwanag na kainan. Ligtas at sariwa ang pagkain na niluluto sa mga palayok, Noong 2011, may 18 12 Sabu stores sa Taiwan na umabot ang kita sa NT$ 200 milyon.
Ang Wowprime ay itinatag noong 1990 at publicly-listed sa Taiwan, Kilala bilang pinakamalaking restaurant chain group sa Taiwan, may 210 tinadahan na may 11 uri sa Taiwan, 46 na tindahan at dalawang brand sa Tsina, at dalawang tindahan sa isang brand sa Thailand. Ito ang unang pagkakataong lumahok sa joint venture ang Wowprime.
Ang Jillibee Foods Corporation sa Tsina ay kinabibilangan ng 367 tindahan sa tatlong brands, ang Tonghe King, Hong Zhuang Yuan at San Pin Wang. Mayroon ding research and development at food processing facilities ang Jollibee sa Tsina.
Noong nakalipas na Hunyo 2012, may 2,022 tindahan ang Jollibee sa Pilipinas, Ang Jollibee ay may 756 tindahan, ang Chowking ay 385, Greenwich 201, Red Ribbon, 207, Mang Inasal, 448, Burger King 25,
Sa ibang bansa, may 524 tindahan. Yonghe King sa Tsina ay 278, Hong Zhuang Yuan sa Tsina ay 53 at Jollibee 83. Sa Estados Unidos ay mayroong 27, 34 sa Vietnam, 11 sa Brunei, 7 sa Jeddah, 2 sa Qatar, at tig-isa sa Hong Kong at Kuwait, May 32 Red Ribbon sa America, samantalang ang Chow King ay may 39 o 18 sa America, 16 sa Dubai, 2 sa Indonesia, dalawa sa Qatar at isa sa Oman.
MAGING MAINGAT SA PAGPILI NG KAPALIT NI GINOONG ROBREDO
KAILANGANG bantayan ng mga mamamayan ang pagpili ng pamahalaan ng kapalit ng namayapang Kalihim Jesse M. Robredo. Ito ang panawgan nina Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar V. Cruz at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
Mahalaga ang posisyon ng Department of Interior and Local Government kaya't nararapat maging mapagmasid ang mga mamamayan.
Ito ang sinabi ni Arsobispo Cruz na dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Malapit na kaibigan ni Kalihim Robredo si Arsobispo Cruz at magkasama sila sa kampanya laban sa jueteng.
Malaking hamon para sa pamahalaan ang paghahanap ng kapalit ni Ginoong Robredo. Ito naman ang pananaw ni Bishop Pabillo.
Kahapon nila natagpuan ang labi ng kalihim na sakay ng isang eroplanong bumagsak noong Sabado ng hapon sa Masbate. Idineklara na ni Pangulong Aquino ang araw mula kahapon hanggang sa Martes, ang nakatakdang libing ng kalihim sa Lungsod ng Naga bilang mga Araw ng Pagdadalamhati. Nababanggit ang pangalan ni Senador Panfilo Lacson na ilalagay sa DILG kahit pa hinirang na officer-in-charge si Executive Secretary Paquito Ochoa sa DILG.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |