|
||||||||
|
||
Labi ng nepalese co-pilot, natagpuan na
MATAPOS ang ilang araw na paghahanap ng mga maninisid para sa mga labi ng tatlo kataong nasawi sa pagbagsak ng isang Piper Senaca noong Sabado ng hapon, natagpuan na rin ang labi ni Kshitz Chand, ang Nepalese co-pilot ni Capt. Jessup Bahinting.
Magugunitang unang natagpuan ang labi ni Kalihim Jesse Robredo noong Martes. Kahapon naman natagpuan ng mga maninisid ang labi ni Capt. Jessup Bahinting. Natagpuang lumulutang ang labi ni Chand malapit sa crash site, may 500 metro mula sa paliparan ng Masbate, ayon sa mga unang balitang lumabas sa telebisyon.
Isang sasakyang mula sa Philippine Navy ang nagbalitang natagpuan nila ang labi sa karagatan. Isang rubber boat ang ipinadala upang kunin ang labi.
Kagabi nakuha ang labi ni Capt. Bahinting.
Ang Piper Seneca na kanilang sinakyan ay pinaniniwalaang nagkaroon ng engine trouble sa paglalakbay patungong Naga City mula sa Cebu City at tumawag sa Masbate airport na humihingi ng pahintulot na makalapag. Hindi na nakarating sa paliparan ang eroplano sapagkat bumagsak na sa karagatan.
Tanging ang aide-de-camp lamang ni Kalihim Robredo, si Police Sr. Inspector June Abrazado ang nakaligtas matapos lumusot sa isang bahagi ng eroplano. Nailigtas siya ng mga mangingisdang dumaraan sa lugar ng insidente.
KALIHIM JESSE ROBREDO, DADALHIN SA MALACANANG BUKAS
DADALHIN ang labi ni Kalihim Jesse M. Robredo sa Kalayaan Hall ng Malacanang. Magkakaroon ng dalawang araw na paglalamay bago ibalik sa Lungsod ng Naga.
May 25 taon na ang nakalilipas ng palitan ni Pangulong Corazon C. Aquino ang pangalan ng bulwagan mula sa Maharlika Hall ay ginawa niya itong Kalayaan Hall upang gunitain ang pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas. Makabuluhan lamang na doon dalhin ang labi ni Kalihim Robredo, ayon sa pahayag ng Tanggapan ng Pangulo.
Itinayo ang Kalayaan Hall noong panahon ng mga Americano sa Pilipinas. Ang gusali ay halos buo pa tulad ng mga gusaling itinayo bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa gusaling ito nanirahan ang mga Governors-General at mga naging Pangulo ng Pilipinas bago ideneklara ang Batas Militar noong 1972.
AKUSADO NG PANANAKIT SA ISANG TRAFFIC ENFORCER, HUMINGI NG PAUMANHIN
ANG kontrobersyal na executive ng isang kumpanya ng sigarilyo na nakita sa internet na nananakit ng isang traffic enforcer at binatikos ng maraming netizens ang humingi na ng paumanhin kanina sa isang press conference sa Metro Manila Development Authority.
Binasa ni Robert Blair Carabuena ang kanyang pahayag sa pangbubugbog kay Traffic Constable Saturnino Fabros. Hindi lumaban si Fabros sa pangamba na baka may dalang baril sa Carabuena sapagkat isang mamahaling sasakyan ang dala nito ng magkasagupa sila sa lansangan sa Quezon City.
Tinanggap ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang paumanhin ni Carabuena subalit nagsabing haharapin pa rin ng nambugbog ang usapin inihain laban sa kanya. Dinala si Carabuena sa tanggapan ng taga-usig matapos ang kanyang public apology.
Binatikos ng maraming Pilipino si Carabuena na nakunan ng video film na sinasaktan si Fabros matapos sitahin ang motorista sa paglabag sa batas-trapiko. Kumalat ang pelikula sa internet kaya't maraming humingi na kasuhan ang motoristang mayabang.
ARSOBISPO NG CAGAYAN DE ORO, NALUNGKOT SA PAGPANAW NI KALIHIM ROBREDO
NAGPAABOT ng kanilang pagdadalamhati ang mga taga-Cagayan de Oro sa pagpanaw ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo.
Pinamunuan ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio J. Ledesma at ilang civil society leaders ang pagbibigay-galang kay Robredo bilang taong kumatawan ng katapatan, kasipagan at paglilingkod sa mga mamamayan.
Ayon kay Arsobispo Ledesma, hahanap-hanapin niya ang katapatan at kasipagan ni Kalihim Robredo. Ito ang kanyang reaksyon matapos lumabas ang balitang kumpirmadong nasawi ang masipag na miyembro ng gabinete. Umaasa ang arsobispo na sa pagpanaw ni Robredo ay magsisimula itong magpalaki ng mga adhikain niyang maayos na pamamalakad sa pamahalaan, transparency at accountability mula sa liderato ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at sa mga susunod na pangulo ng bansa.
Ipinakita ni Robredo na posibleng maganap ang good governance sapagkat may kampanya rin si Pangulong Aquino tungo sa paglaban sa katiwalian, dagdag pa ng arsobispo.
Isa umanong tunay na kaibigan ng Cagayan de Oro si Robredo sapagkat nakita ang kanyang pagtulong sa mga mamamayan noong nakalipas na trahedya dala ng bagyong "Sendong" noong Disyembre, 2011.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |