|
||||||||
|
||
MGA TSINONG SANGKOT UMANO SA SCAM, ARESTADO SA PILIPINAS
UMABOT sa 357 mga banyaga na karamiha'y mga Tsino mula sa mainland ng Tsina at Taiwan ng Tsina, ang nadakip ng pinagsanib na tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at Presidential Anti-Organized Crime Commission sa sinasabing pinakamalaking operasyong inilunsad ng mga alagad ng batas sa kasaysayan ng anti-cyber crime campaign.
Kahapon ng umaga, ayon kay Criminal Investigation and Detection Group Director Samuel Pagdilao, ang mga alagad ng batas ang sumalakay sa 20 tahanan sa ilang subdivision sa Quezon City, Maynila, Marikina, Cainta at Antipolo city na kinatagpuan ng mga banyaga.
Kabilang sa mga nadakip ang dalawang Filipino Chinese na pinaniniwalaang kapitalista ng sindikato. Kinilala sila sa mga pangalang Maria Luisa Tan at Jonson Tan Co.
Sa pagsalakay na ito. nakita ang pagiging tapat ng Pilipinas sa pagsugpo sa cyber crimes. Dinala ang mga suspect sa Philippine National Police Training Institute sa Campo Vicente Lim sa Laguna. Ipinagsumbong sila sa mga taga-usig ng paglabag sa Access Device Act. Akala umano ng sindikato ay ligtas na ang kanilang operasyon sa Pilipinas.
Ayon naman kay Police Sr. Supt. Keith Singian, ang mga nadakip ay gumagamit ng international telecoms at kumikita sa pamamagitan ng financial fraud. Ginamit nila ang Maynila bilang base ng kanilang operasyon.
Sa paggamit nila ng internet, tinatawagan nila ang kanilang mga kababayang nasa Tsina na depositor sa bangko at sinasabihang ang kanilang bank accounts ay ginagamit sa money laundering. Uutusan nila ang mga depositor na ilipat ang bank accounts sa ibang account na nagmumula sa sindikato. Tinatayang kumikita ang mga sindikato ng may $ 450,000 bawat araw.
Nagkaroon na rin ng ganitong operasyon noong 2010 at inilayo sa Tsina ang kanilang operasyon ng mga miyembro ng sindikato.
Samantala, sa panig ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, tumanggi namang magbigay ng anumang pahayag si Ginoong Zhang Hua tungkol sa pagkakadakip sa mga Tsinong sangkot sa cyber crime.
Ayon kay Ginoong Zhang, aalamin muna niya ang detalyes at nangako namang magbibigay ng updates.
ASSOCIATE JUSTICE MARIA LOURDES SERENO, BAGONG CHIEF JUSTICE
NAKAPILI na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ng kapalit ni Chief Justice Renato Corona matapos pangalanang Chief Justice si Maria Lourdes Sereno. Si Presidential Spokesman Secretary Edwin Lacierda mismo ang nagpahayag ng balita.
Sa pagkakahirang kay Chief Justice Sereno, siya ang magiging kauna-unahang babaeng Chief Justice sa Pilipinas. Si Chief Justice Sereno ay 52 taong gulang pa lamang at nangangahulugang maglilingkod siyang Chief Justice hanggang 2030. Ang mga mahistrado sa Pilipinas ay naglilingkod ng hanggang 70 taong gulang.
Ayon sa pahayag, sa gitna ng marubdob na pagluluksa sa pagpanaw ni Kalihim Jesse Robredo, sa pagkakabatid ni Pangulong Aquino ng kanyang obligasyon batay sa Saligang Batas, kanyang hinirang si Associate Justice Maria Lourdes Punzalan Aranal-Sereno bilang ika-24 na Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman ng Pilipinas.
Umaasa ang punong ehekutibo na pamumunuan ng maayos ni Chief Justice Sereno ang Hudikatura nang may kaakibat na reporma. Maibabalik ang pagtitiwala ng taongbayan sa Hudikatura sa pagluklok ni Chief Justice Sereno.
EMERGENCY LOCATOR NG EROPLANO, HINDI NAPAKINABANGAN
HINDI nagamit ang emergency locator ng sinamang-palad na Piper Seneca na bumagsak sa karagatan ng Masbate noong Sabado. Ang sakunang ito ang naging dahilan ng pagkasawi ng tatlo katao. Ayon sa inisyal na pagsusuri ng tatlo-kataong Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board, nabatid na wala sa tamang posisyon ang locator noong maganap ang sakuna.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines Director General William Hotchskiss, bago naganap ang sakuna noong Sabado ay maayos ang ELT noong isagawa ang pagsusuri noong ika-21 ng Nobyembre 2011. May validity ang pagsusuri ng isang taon.
Sinabi ni Ginoong Hotchkiss na napakaaga pa upang gumawa ng anumang espekulasyon sapagkat sinusuri pa ng kanilang mga tauhan ang labi ng eroplano upang alamin ang dahilan ng pagbagsak nito.
Natagpuan ang ELT noong Miyerkoles subalit hindi pa nakukuha ang kanang bahagi ng eroplano. Ang labi ng sakuna ay bantay-sarado ng mga tauhan ng pamahalaan sa Masbate Airport.
Tuloy ang search and retrieval operations sa karagatan ng Masbate.
Mahalaga ang pagsusuri sa makina ng eroplano sapagkat ito ang magsasabing kung ang pagbagsak ay dahilan sa technical o mechanical problem, sabi pa ni Ginoong Hotchkiss.
Wala umanong basehan ang balitang malabnaw na gasolina ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano. Hindi umano makakatulong ang ganitong pahayag sa imbestigasyon. Bagaman, inaalam nila ang pinagkunan ng gasolina bago lumipad ang eroplano mula sa Cebu City.
Mahirap umano ang isinasagawang imbestigasyon subalit sa kautusan ni Kalihim Manuel Araneta Roxas II, kailangan nilang gawin ang ibayong pagsisiyasat.
LIBU-LIBONG KABATAAN, INAASAHANG DADALO SA PRO-LIFE, CHASTITY CONFERENCE
MAY 15,000 mga kabataan mula sa iba't ibang pamantasan sa Pilipinas at mga kalapit-bansa ang dadalo sa pro-life and chastity conference na nakatakdang gawin sa susunod na buwan sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay.
Binubuo ng samahang CATALYST mula sa University of Asia and the Pacific, ang ikalawang serye ng Real Love Revolution ay suportado ng Episcopal Commission on Family and Life ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Magaganap ito sa unang araw ng Setyembre mula ala-una hanggang alas singko ng hapon na katatampukan ng koponan ni Jason Evert, bantog na pro-life and chastity speakers na sina Leah Darrow at Chris Stefanick.
Si Leah Darrow, isa sa mga finalists ng 3rd season ng America's Next Top Model, ang tatalakay sa paksang "forgiveness, true love at ability to change." Si Stefanick naman ay Director of Youth, Young Adult and Campus Ministry sa Archdiocese of Denver, Colorado at isang kilalang guitarist at songwriter. Paksa naman niya ang mga kwentong buhay na hango sa Bibliya. Noong isang taon, may 8,000 ang nakinig kay Jason Evers.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |