|
||||||||
|
||
MAGANDANG halimbawa ang iniwan ng mga bayani ng Republika ng Pilipinas upang gawin ang tama at nararapat. Ito ang buod ng talumpati ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagdiriwang ng bansa ng Araw ng mga Bayani sa Libingan ng mga Bayani sa Lungsod ng Taguig.
Ani Pangulong Aquino, ang mga bayani ang siyang kinakitaan ng mga paninindigan at nagawa para sa kapwa. Niliwanag niyang may mga nagsusukat ng tagumpay ayon sa yaman, sa mga parangal at medalyang natamo at maging sa katanyagan.
Ang mga bayani ay yaong mga taong humarap sa mga pagsubok sa 'di pangkaraniwang panahon at kahit na anong pagsusukat ang gawin ay mapapatunayang hindi sila nagkulang, dagdag ni Pangulong Aquino. Pinapurihan niya ang mga bayaning bukod sa kahusayan sa pakikidigma at humarap sa bala at nagdilig ng sariling dugo para sa lupang sinilangan.
Nasaksihan na rin umano ang kabayanihan ng mga pulis, sundalo at kawani ng pamahalaan noong dumaan ang bagyong "Gener" at hagupitin ng panahong habagat ang kalakhang bahagi ng Luzon at ilang lalawigan sa Kabisayaan.
Ginamit din ni Pangulong Aquino ang okasyon upang payuhan ang bagong Punong Mahistrado ng Pilipinas na si Maria Lourdes Sereno. Ayon kay Pangulong Aquino nararapat lamang timbangin ni Chief Justice Sereno ang hatol at pasya upang mapanumbalik ang pagtitiwala ng taumbayan sa Korte Suprema.
Binanggit din niya ang namayapang Kalihim Jesse M. Robredo na ihahatid sa huling hantungan bukas. Maituturing umanong bayani si Ginoong Robredo dahilan sa simpleng pamumuhay, tumutok sa kapakanan ng kapwa sa halip na sarili at nangibabaw ang prinsipyo laban sa kanyang tinaguriang transaksiyonalismo.
LABI NI KALIHIM ROBREDO, DINALA SA BASILICA MINORE NG PENAFRANCIA
DINALA na kaninang umaga ang labi ni Kalihim Jesse M. Robredo sa Basilica Minore ng Penafrancia sa labas ng kalagitnaan ng Lungsod ng Naga mula sa Pamahalaang Panglunsod. Ginawaran ng Departure Honors ang labi ni Kalihim Robredo ng mga tauhan ng Philippine National Police. Umikot ang karo ng punerarya sa Lungsod ng Naga bago tumuloy sa Basilica Minore at binigyan din ng karampatang parangal.
Tuloy ang pagdalaw ng mga mamayan hanggang ika-lima ng hapon. Pamumunuan ng Arsobispo ng Caceres Msgr. Leonardo Z. Legazpi, OP, ang isang Pontifical Mass. Magpapatuloy ang public viewing sa ganap na ika-anim ng gabi hanggang bukas ng ika-walo ng umaga. Mula ika-walo hanggang ika-sampu ng umaga, magkakaroon ng paghahanda para sa Misa at parangal.
Matapos ang concelebrated Mass, igagawad ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang Philippine Legion of Honor na may ranggong Chief Commander. Ang parangal na ito ang pinakamataas na maigagawad ng Pangulo ng Pilipinas nang walang pagsang-ayon ng Kongreso ng Pilipinas. Igagawad sa kanya ang parangal sa kanyang pagiging Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal at pagiging punong-lungsod ng Naga.
Sa seremonya, babasahin ni Kalihim Florencio Abad ang nilalaman ng parangal. Ang insignia ay ibibigay ni Pangulong Aquino sa maybahay ni Kalihim Robredo, si Ginang Leni Robredo. Isang miyembro ng pamilya ang magbibigay ng kaulungang tugon.
Nakatakdang magsalita si Pangulong Aquino bago dalhin ang labi palabas ng Basilica Minore ng Penafrancia ang labi ng namayapang kalihim. Pagkatapos nito'y magkakaroon ng cremation sa labi.
KALIHIM DEL ROSARIO NAKAUSAP SI FOREIGN MINISTER YANG JIECHI
NAGKAUSAP sina Kalihim Alberto F. Del Rosario at ang kanyang Chinese counterpart, si Minister Yang Jiechi sa Beijing. Ito ang ibinalita ni Assistant Secretary Raul S. Hernandez sa kanyang mensaheng ipinadala noong Sabado ng hapon.
Nasa Beijing si Kalihim del Rosario noong Sabado upang dalawin si Ambassador Sonia Brady na nararatay sa isang pagamutan matapos magkaroon ng stroke.
Naging mabunga ang pag-uusap ng dalawang kalihim ng ugnayang panglabas ng Pilipinas at Tsina.
Ayon kay Ginoong Hernandez "The issues of mutual concern were discussed in a positive atmosphere."
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |