Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga obispo, nakakakita ng pag-asa sa sinimulan ni kalihim robredo

(GMT+08:00) 2012-08-28 18:35:51       CRI

Mga obispo, nakakakita ng pag-asa sa sinimulan ni kalihim robredo

ILANG obispo ang nagpahayag ng pag-asa sa sinimulan ng yumaong Kalihim Jesse Robredo na inihatid na sa huling hantungan kanina. Milyong Filipino ang sumaksi sa isang misa concelebrada sa Basilica Minore ng Birhen ng Penafrancia sa pamamagitan ng mga himpilan ng telebisyon.

Ayon kay Iloilo Auxiliary Bishop Gerardo Alminaza, maraming magagandang palatuntunang sinimulan ang namayapang kalihim at nararapat lamang na ituro sa mga paaralan, lalo't higit ang pagkakaroon ng "seal of good housekeeping" sa mga pamahalaang lokal.

Nakita ang magandang halimbawang iniwan ni Ginoong Robredo hindi lamang sa pamahalaan kungdi sa kanyang pagiging mabuting Kristiyano, dagdag pa ni Obispo Alminaza.

Sa panig naman ni Bishop Leopoldo Tumulak ng Military Ordinariate, ang simpleng pamumuhay ni Ginoong Robredo ay isang magandang halimbawa sapagkat sa kanyang pagiging simple, madali siyang nalalapitan ng kanyang mga kababayan at nahihingahan ng kanilang mga hinaing. Hindi na umano siya nagulat sa dami ng taong nagbigay pugay sa kanyang labi.

Samantala, sinabi naman ni Calbayog Bishop Isabelo Abarquez, na kinakiataan si Ginoong Robredo ng katangian ng pagiging simple, tapat at tunay na lingkod-bayan.

Hindi umano nalimot ni Ginoong Robredo ang mga mamamayang aba, naghihikahos at mga walang ibang mababalingan. Nakita rin sa namayapang opisyal ang kahulugan ng accountability, transparency at motivation. Naglingkod umano si Ginoong Robredo sa abot ng kanyang makakaya kahit walang kumpirmasyon mula sa Commission on Appointments.

Samantala, sinabi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar V. Cruz na kay Ginoong Robredo nakita ang integridad, sipag at pagiging simple. Sa ganitong pagkakataon, hindi umano basta mapapalitan ang nasawing kalihim.

Nanawagan si Bishop Alminaza sa mga politiko na huwag gamitin ang pagpanaw ni Kalihim Robredo para sa kanilang ambisyon sa larangan ng politika bagkos ay sundan ang halimbawang sinimulan na mayroong integridad, katapatan sa paglilingkod sa bayan at pagmamahal sa Diyos at sa bayan.

KALIHIM ROBREDO, INIHATID NA SA HULING HANTUNGAN

TINANGGAP ni Atty. Leni Robredo ng buong lakas ng loob ang parangal na iginawad ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na Philippine Legion of Honor, ang pinakamataas na parangal na maigagawad ng Pangulo ng Pilipinas ng walang kaukulang kumpirmasyon mula sa Kongreso. Tinanggap ni Atty. Robredo ang parangal sa isang makahulugang seremonya na idinaos pagkatapos ng misa concelebrada sa Basilica Minore ng Birhen ng Penafrancia sa Naga City bago nag tanghaling-tapat kanina.

Ginunita ni Gng. Robredo ang maganda nilang pagsasama ng namayapang kalihim. Nagpasamat din siya sa lahat ng mga nakiramay at tumulong sa kanyang pamilya sa panahon ng pagdadalamhati.

Kahit pa naging Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal, lagi umanong may panahon ang kanyang mister para sa kanyang pamilya, higit sa lahat sa tatlong anak na babae ng mag-asawang Robredo.

Sinabi ni Ginang Robredo na maaaring handang mamatay ang kanyang mister subalit hindi sila handang maulila nang maganap ang trahedya noong kamakalawang Sabado.

Sinabi naman ni Pangulong Aquino na ang ipinamalas ni Ginoong Robredo ang pagtatagumpay sa larangan ng politika ay hindi nangangahulugang makakasama na siya sa mga trapo o traditional politician.

Dinala ang labi ni Ginoong Robredo sa Funeraria Imperial upang isagawa ang cremation mga pasado ala-una ng hapon.

PANGALAWANG PANGULONG BINAY, MAGTUTUNGO SA IRAN

HULING ARAW NG PAGLULUKSA.  Makikita ang mga bandila ng Pilipinas sa Ninoy Aquino International Centennial Airport na nasa kalahatian ng flagpole bilang pagluluksa sa pagpanaw ni Kalihim Jesse M. Robredo noong ika-18 ng Agosto sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan niya at ng tatlong iba pa.  Tatlo ang nasawi.  Kaninang pasado ala-una ng hapon dinala ang labi ng yumao sa isang crematorium sa Naga City.  Pinarangalan din siya ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ng Legion of Honor with the rank of Commander. 

NAKATAKDANG umalis si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay patungong Tehran upang dumalo sa pagpupulong ng Non-Aligned Movement. Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Ginoong Binay na kailangan niyang maghanda sa paglalakbay bilang kinatawan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pulong. Ito umano ang dahilan kaya't hindi na siya nakapagbigay-galang sa yumanong Kalihim Jesse M. Robredo.

Tinanong siya ng mga mamamahayag kung sino ang kanyang imumungkahing kapalit ni Ginoong Robredo sapagkat nabanggit din ang kanyang pangalan bilang kandidato sa pagka-kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal. Ani Ginoong Binay, tatapusin na muna niya ang mga ipinagkatiwala ni Pangulong Aquino sa kanya tulad ng shelter sector, illegal recruitment at human smuggling.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>