|
||||||||
|
||
PAMUMUNUAN ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang delegasyon ng Pilipinas sa Asia-Pacific Economic Cooperation Leaders Week sa Russky Island, Vladivostok, Russia mula sa ikalawang araw hanggang ika-siyam ng Setyembre. Kasama niya sa delegasyon sina Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo at Finance Secretary Cesar V. Purisima.
Ang pagpupulong ay may kasabihang "Integrate to Grow, Innovate to Prosper."
Sa Concluding Senior Officials' Meeting at Ministerial Meetings patungo sa Leaders' Meeting, ang delegasyon ng Pilipinas, kasama ang mga kaibigan sa APEC ang tatalakay sa mga paraan upang isulong ang kalakal at investment liberalization, ibayong pagtutulungan, food security, pagsasama-sama upang maibsan ang pinsala ng mga kalamidad at diversification at pagpapaunlad sa transportasyon at logistics chains.
Idaraos ang 20th APEC Economic Leaders Meeting sa ika-walo at ika-siyam ng Setyembre, ang mga punong-bansa ay mag-uusap-usap tungkol sa apat na prayoridad na itinakda ng Russia para sa 2012, ang trade and investment liberalization and regular economic integration; ang pagpapalakas ng food security; pagbuo ng higit na maaasahang supply chains at pagtutulungan para magkaroon ng mas magandang kaunlaran.
Lalahok din si Pangulong Aquino sa APEC Business Advisory Council Dialogue with Leaders na isang mahalagang bahagi ng APEC Economic Leaders Meeting.
Ang mga kinatawan ng Pilipinas sa ABAC ay sina Doris Magsaysay-Ho, Pangulo at Chief Executive Officer ng A. Magsaysay Inc., Tony Tan Caktiong, chairman at chief executive officer ng Jollibee Foods Corporation at Jaime Augusto Zobel de Ayala, chairman at chief executive officer ng Ayala Corporation.
PAGLILINGKOD SA MANGGAGAWANG PILIPINO, TINIYAK NG PAO
HANDA ang Public Attorney's Office na maglingkod sa mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa. Ito ang tiniyak ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa halos isang daang mga lider ng mga samahan ng mga Pilipinong naghahanapbuhay sa Singapore.
MAKAKAASA ANG MGA MANGGAGAWANG PILIPINO NG TULONG MULA SA PUBLIC ATTORNEY'S OFFICE. Ito ang buod ng mensahe ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa mga pinuno ng iba't ibang samahan ng mga manggagawa sa Bayanihan Center sa Singapore. Naroon din sa pagpupulong si Ambassador Minda Cruz. Ang mga Pilipino sa Singapore ay mula 170,000 hanggang 200,000 katao.
Inihalimbawa ni Atty. Acosta ang pagtutulungan ng kanyang tanggapan at ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa kaso ni Gwen Aguilar, ang kasambahay na nahatulan sa pagpatay sa kapwa kasambahay na si Jane La Puebla. Nahatulan si Aguilar na mapiit ng sampung taon. Sinabi ni Atty. Acosta na binigyan nila ng payong-legal ang akusado at nagtulungan sila ng DFA at ng abogadong mula sa Singapore. Napababa ang kaso mula sa murder at naging homicide na lamang. Nabatid na mayroong masked depression ang akusado.
Mas maganda na umano ang katayuan ng mga manggagawang nasa ibang bansa sapagkat naiibsan na ang kanilang kalungkutan sa pamamagitan ng teknolohiya. Nakatulong na rin ang pag-usad at pagyabong ng mobile communications at nagagamit na rin ang internet upang makausap ng mas madalas ng isang nangingibang-bansa ang kanyang mahal sa buhay na nasa Pilipinas.
Ang Public Attorney's Office ay nagbibigay ng payong legal sa pamamagitan ng may 1,533 na abogado ng bayan, higit sa isang libong mga kawani sa Central Office, 17 regional offices at 295 mga sub-district at district offices sa buong bansa.
Nakapagbibigay din sila ng legal counseling sa loob ng 24 na oras.
NAKAHANDA ANG PUBLIC ATTORNEY'S OFFICE. Ito ang pagtiyak ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa isang pagpupulong ng mga manggagawang Pilipino sa Singapore. Itinaguyod ng Globe Telecoms ng Pilipinas at Sing-Tel ng Singapore ang pagpupulong. Handa umano ang PAO sa pagbibigay ng legal advice kahit sa pamamagitan ng telepono at electronic mail.
Inihalimbawa ni Atty. Acosta ang karanasan ng Bonita Baran na minaltrato ng kanyang pinaglingkuran sa loob ng apat na taon, sinaktan sa pamamagitan ng plantsa, hinambalos sa ulo ng matitigas na bagay, pwersahang pinakain ng mga sirang pagkain at mga insekto, karaniwang sinusuntok sa mata at hindi pinalalabas ng bahay ng kanyang mga amo. Ikinalungkot ni Atty. Acosta na nabulag nang tuluyan ang kanang mata ni Ginang Baran at halos 10% na lamang ang napapakinabangan sa kaliwang mata.
Kinasuhan na ng Public Attorney's Office ang mga dating amo ni Ginang Baran ng attempted murder, physical injuries at serious illegal detention sa Tanggapan ng Tagausig sa Lungsod ng Quezon.
Ayon kay Atty. Acosta, maaaring tumawag ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang central office at gamitin ang telephone numbers +63 2 9299436 local 106 o 107 at pag lampas sa oras ng opisina, maaaring tumawag sa + 63 2 9299436 local 159. Maaari ding gamitin ang email address na pao_executive@yahoo.com at makakarating ang kanilang hinaing sa Public Attorney's Office, dagdag pa ni Atty. Acosta.
MGA PAGLABAG SA KARAPATANG PANGTAO NABAWASAN SA TAONG 2011
MALAKI ang nabawas sa bilang ng mga paglabag sa Karapatang Pangtao at 'di maipaliwanag na pagkawala ng tao sa nakalipas na taon.
Ayon kay Chairperson Loretta Ann Rosales, pinuno ng Commission on Human Rights, sa kanyang pagharap sa House Committee on Appropriations, umabot na lamang sa 132 insidente at 215 ang naging biktima noong nakalipas na 2011. Hamak na mas mababa ito sa 183 insidente at 408 mga biktima noong 2010.
Sinabi ni Chairperson Rosales na ang panukalang budget ng kanyang ahensya ay P 318.904 milyon para sa taong 2013. Mas mataas ito sa budget na P 289.783 milyon sa taong 2012.
Umabot umano sa 2,988 na reklamo tungkol sa iba't ibang uri ng paglabag sa Karapatang Pangtao na kinasasangkutan ng may 3,478 na biktima at 3,766 na may kagagawan. Idinagdag pa ni Chairperson Rosales na 1,238 ang kalalakihang biktima at 814 na kababaihang naging biktima. Sa mga insidenteng ito, 1,980 kalalakihan at 264 ang babaeng sinasabing lumabag sa karapatang pangtao.
Sa may 2,115 reklamo, 237 lamang ang nangailangan ng malawakang imbestigasyon samanatalang 1,807 ang nangailangan ng payong legal at counseling services. May 32 mga reklamo ang hindi na saklaw ng Commission on Human Rights kaya't ipinadala kaagad sa tamang ahensya.
Kabilang sa mga usaping pinagtuunan ng pansin ang pagkakapaslang kay Leonard Co, ang tanyag na dalubhasa sa Botany at dalawang kasama niya at ang pagpapasakit sa mga kadete ng Philippine National Police.
MAKINA NG EROPLANONG BUMAGSAK, SINUSURI NA
PINAG-AARALAN na ng lima-kataong Special Investigation Committee na binuo ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang kanang makina ng eroplanong bumagsak noong kamakalawang Sabado.
Layunin ng pagsusuri na mabatid ang dahilan ng pagbagsak ng eroplanong ikinasawi ni Kalihim Jesse M. Robredo at ng dalawang piloto.
Ayon kay Director General William Hotchkiss tutulong ang Airframe/Structure Special Group sa pagsisiyasat sa makinang nabawi ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Tiniyak naman ni Kalihim Manuel Araneta Roxas II na inatasan niya ang kanyang mga tauhan na maging masigasig sa pagsisiyasat at tinitiyak niya sa madla na ligtas ang paglalakbay sa Pilipinas.
Pag-aaralan din ang komunikasyon sa pagitan ng piloto at ng control tower sa Masbate.
Sinabi naman ni Atty. Nicasio Conti, tagapagsalita ng Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon na binubuo ang Special Investigation Committee ng mga iginagalang na tao sa aviation industry. Maganda rin ang kanilang track record sa pagsisiyasat.
PAG-UUSAP, MAHALAGA SA ISYU NG REPRODUCTIVE HEALTH BILL
ISANG mahalagang bagay ang pag-uusap lalo't mayroong hindi pagkakaunawaan sa pag-itan ng magkabilang panig. Ito ang mensahe ni Arsobispo Socrates B. Villegas sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa pagbubukas ng 17th General Assembly ng Catholic Educational Association of the Philippines sa SMX, Mall of Asia kaninang umaga.
Ayon sa arsobispo na pinuno ng Episcopal Commission on Catholic Education, hindi kailangang padalus-dalos sa mga igagawad na parusa sa mga sinasabing lumalabag sa alituntunin ng Simbahan. Magugunitang may ilang mga propesor sa Ateneo de Manila University ang lumagda sa isang kasulatan na sang-ayon sila sa pagpapasa ng kontrobersyal na Reproductive Health Bill.
Idinagdag ni Arsobispo Villegas na sa paaralan, kung may isang batang nagkakamali, hinihingan siya ng paliwanag at nagkakaroon ng pag-uusap. Pinakikinggan ang panig ng nagkasala at pinakikinggan din ang panig ng mga nasa pamunuan ng paaralan. Kung hindi tumalab ang dialogue, babalikan ang nasusulat sa mga itinatadhanang kaparusahan na maaaring humantong sa written reprimand.
Sa karagdagang pahayag ng arsobispo, niliwanag niyang napakahalaga ng pag-uusap. Bagaman, kung tatanggi ang alinmang panig na makipag-usap, nakalulungkot ito sapagkat ang mga pamantasan ay nararapat magsulong ng maayos na pagpapaliwanagan.
Ang pag-uusap ang nananatiling mahalaga sapagkat karaniwan itong nagaganap sa tao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |