Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Tsina: Magandang paglagakan ng kalakal

(GMT+08:00) 2012-08-30 18:17:08       CRI

NANANATILING maganda ang bansang Tsina na paglagakan ng kalakal. Ito ang pananaw ng dalawang tanyag ng chief finance officers ng dalawang malalaking kumpanya sa Pilipinas.

Sa katatapos "CFO Forum: The Philippine CFO - Rising to Global Challenges," sinabi ni Jose Sio, CFO ng SM Investments Corporation na magtatayo sila ng pinakamalaking shopping mall sa Tsina na hamak na mas malaki sa SM North Edsa na mayroong 450,000 metro kwadrado at Mall of Asia na mayroong laking 400,000 metro kwadrado.

"Itinatayo na ang aming pinakabagong mall na magiging pinakamalaki sa Tsina na may sukat na 550,000 metro kwadrado," dagdag ni Ginoong Sio. Ayon kay Ginoong Sio, inanyayahan ang SM Investments Corporation ng pamahalaang sentral ng Tsina na maglagak ng kapital. Ang pamahalaan mismo ang naghanap ng lupang pagtatayuan ng mall.

Kung noong mga nakalipas na taon ay umabot lamang sa 5% ang ambag ng mga tindahan ng SM sa Tsina sa kabuuhang kita ng korporasyon, noong nakalipas na taon ay umabot na sa 15% ang naiambag ng apat na shopping malls sa Tsina.

Sinabi ni Ginoong Sio na walang anumang masamang epekto ang sinasabing 'di pinagkakaunawaan isyu sa Scarborough Shoal. Umaasa rin siya na walang anumang pagkilos na makasasama sa relasyon ng dalawang bansa. Napakaliit na isyu ng Scarborough Shoal sa buong larawan ng relasyon ng dalawang bansa.

Sa panig ng Jollibee, sinabi ni Ginoong Ysmael Baysa, ang chief finance officer ng isa sa pinakamalaking food corporation ng Pilipinas, umaasa siyang lalaki ang kanilang kita ng may 30% bawat taon. Ang 80% ng mga kainan sa Tsina ay nagsisilbi ng pagkaing Tsino kaya't ang Jollibee ay bumili na ng tatlong food brands na matatagpuan sa kanilang mga tindahan sa 22 lungsod sa anim na lalawigan ng Tsina.

Hindi umano sila nagkaroon ng anumang problema sa pamahalaan ng Tsina bagkos ay naging matulungin pa ang mga nasa pamahalaan. Nakapagtayo na sila ng commissary sa isang lalawigang may limang oras mula sa Shanghai sapagkat higit na mura ang presyo ng kuryente, pasahod, mga gulay at poultry products.

Bagama't maliit pa ang bahagi ng Jollibee sa buong pamilihang nasa Tsina, umaasa silang makalalamang sila sa Kentucky Fried Chicken at McDonald's.

Ang pagtitipon ay itinaguyod ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, Financial Executives Institute of the Philippines at ING Bank N.V. at dinaluhan ng mga pinuno ng iba't ibang kumpanya, mga mamamahayag sa larangan ng kalakal at mga kasapi ng FoCAP.

EKONOMIYA NG PILIPINAS, LUMAGO SA IKALAWANG KWARTER NG TAON

LUMAGO ang ekonomiya ng Pilipinas ng 2.3% sa ikalawang kwarter ng taon. Ito ang sinabi ni Kalihim Arsenio Balisacan sa isang press briefing sa National Statistics Coordination Board kaninang umaga.

Ayon kay Kalihim Balisacan, nakarating sa 5.9% ang growth rate sa ikalawang kwarter ng taon na mas malaki sa 3.6% na naitala noong nakalipas na taon. Sa pangyayaring ito, umabot sa 6.1% ang first semester growth mula sa 4.2%.

Nagmula ang paglago sa Services sector samantalang nanatili ang kalagayan ng Manufacturing sector at muling pagsigla ng Construction sector.

Ang paggasta ng mga mamamayan at pagsigla ng kalakal patungo sa ibang bansa (external trade) ay nakatulong din.

Ang patuloy na paglago ng remittances ng mga manggagawang na sa ibang bansa ang nagsulong ng Net Primary Income at natamo ang 4.5% growth mula sa pagbaba ng 1.1% noong 2011 kaya't sumigla ang Gross National Income at nagkaroon ng 5.6% mula sa 2.4%.

Sa kabuuhan, ang Gross National Income ay lumago ng 5.4%

TAMANG PAGGASTA NG SALAPI NG PAMAHALAAN TINIYAK

MAKAAASA ang mga Pilipinong pakikinabangan ang salaping mula sa kaban ng bayan sa pagpapatupad ng panibagong budget para sa taong 2013. Ayon kay Kalihim Florencio Abad ng Department of Budget and Management, mahigpit na ipinatutupad ang nilalaman ng Executive Order No. 43 na kumilala sa limang Key Result Areas ng Aquino Social Contract.

Ito ang kanyang pahayag sa idinaos na pakikipagpulong sa National Competitiveness Council sa Bahia Function Room ng Hotel Intercontinental Manila kaninang katanghalian. Isinusulong ng Administrasyong Aquino ang panukalang budget na aabot sa higit sa dalawang trilyong piso para sa 2013.

Layunin ng pamahalaan na matiyak ang paghahatid ng social at economic services sa pamamagitan ng maayos na pamamalakad ng pamahalaan. Bukod sa mga palatuntunang naglalayong mabawasan ang kahirapan, nararapat lamang itong sabayan ng mga programang magdudulot ng maayos na hanapbuhay at kaunlaran. Kabilang sa mga pamamaraan ay ang pagkakaroon ng kapayapaan at pagkilala sa batas, kaunlarang magsasama ng mahirap at mayaman, paggalang sa kalikasan at kapaligiran at tuwirang pagpapababa ng kahirapan sa lungsod at kanayunan.

Ipinaliwanag ni Kalihim Abad nasa Good Governance and Anti-Corruption Cluster, magiging bukas, malinaw, may pananagutan at paglahok ng mga mamamayan at tiyak na makababawas sa pangungulimbat.

Ang Department of Public Works and Highways ang siyang lead agency sa lahat ng mga pagawaing bayan, mula sa mga lansangan at tulay hanggang sa mga paaralan, pagamutan at iba pang pinakikinabangan ng mga mamamayan. Ang mga ahensya ng pamahalaan ay may responsibilidad na patotohanan ang mga nakatalang mga programa para sa kaunlaran ng bansa. Maayos na rin ang proseso ng pagsubasta at mababantayan ng madla ang mga nagaganap sa mga transaksyon ng pamahalaan.

Binanggit ni Kalihim Abad na kakaiba ang kalakaran ng budgeting ngayon sapakat maituturing na performance-based o nakasalalay sa nagagawa ng ahensya ang kanyang magiging panukalang budget. Pinagsanib na rin ang lahat ng maituturing na performance systems sa pamahalaan at may inilaang insentibo o pabuya sa mga magiging maganda ang nagawa. Ang budget na nakalaan sa taong 2012 ay nararapat gastusin sa taong 2012 sapagkat kung hindi ito magagamit, hindi na ito maisasama sa susunod na panukala, paliwanag pa ni Ginoong Abad.

MGA PERMISO AT LISENSYA NG EROPLANO AT PILOTO AY MAAYOS

NILIWANAG ni Director General William Hotchkiss III ng Civil Aviation Authority of the Philippines na ang eroplanong Piper Seneca na bumagsak sa karagatan ng Masbate noong ika-18 ng Agosto ay may kaukulang permiso para sa chartered flights. Mayroon ding lisensya ang namayapang pilotong si Capt. Jessup Bahinting.

Ang pahayag ni Hotchkiss ay nakabase sa Civil Aviation Safety Oversight Reporting and Tracking System database. May lisensya ang eroplano bilang isang air taxi hanggang ika-14 ng Nobyembre, 2012. Ang mga lisensya ni Capt. Bahinting bilang flight instructor at commercial pilot ay kalalabas lamang noong ika-30 ng Abril 2012 at may bisa hanggang sa Marso 2013. Mayroong kaakibat na permisong gumamit ng single at multiple engine.

Nakalulungkot umano na ilang mga tauhan ng CAAP na walang permisong maglabas ng balita ang nagpakalat ng walang basehang impormasyon, sabi ni Ginoong Hotchkiss. May kaukulan na umanong usapin ang mga taong ito, dagdag pa niya,

Ang permiso ng Aviatour Flying School ay nawalan lang ng bisa kahapon, dalawang linggo matapos ang insidente.

Dinala na rin ang makina sa kanang pakpak ng eroplano sa Maynila at susuriin ng lima-kataong Special Investigation Committee, dagdag pa ni Ginoong Hotchkiss.

PAGHAHANDA PARA SA 2013 WORLD YOUTH DAY SA BRAZIL, SINISIMULAN NA

ANG mga kabataang nagbabalak lumahok sa World Youth Day na idaraos sa Brazil ang maaari nang maghanda para sa paglalakbay na ito. Ayon sa Episcopal Commission on Youth, ang mga delegado ay maaaring gumastos ng mula $ 2,300 hanggang $ 2,500 o higit sa isang daang libong piso. Ang halagang ito'y para sa pamasahe pa lamang.

Sa mga dadalo sa linggo patungo sa World Youth Day kailangan nilang magdagdag ng US $ 365 para sa isang linggong paninirahan sa Rio de Janeiro. Sa mga lalahok sa Pre-Missionary week, kailangan nilang mag-handa ng $ 475 para sa Missionary Week sa ibang lungsod ng Brazil mula ika-17 hanggang ika-20 ng Hulyo.

Kailangang mayroong minimum budget na P 120,000 ang mga lalahok sa World Youth Day. Ang halagang ito ay para lamang sa mga nagbabalak lumahok sa delegasyon ng Episcopal Commission on Youth.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>