|
||||||||
|
||
PILIPINAS, UMAASANG MAGKAKAROON NG PEACE AGREEMENT SA MILF BAGO MATAPOS ANG TAON
NANINIWALA si Kalihim Teresita Quintos-Deles, ang Presidential Adviser on the Peace Process na magkakaroon ng paglagda sa peace agreement ang magkabilang panig ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front sa pagpapatuloy ng pag-uusap sa mga hindi pa natatapos na paksa. Magaganap ito sa ika-31 paghaharap ng mga kinatawan sa Formal Exploratory Talks sa Kuala Lumpur.
Sa pahayag na inilabas ng kanyang tanggapan ngayon, sinabi ni Ginang Deles na nanatili silang umaasang maganda ang kahihinatnan ng mga pag-uusap at malaki ang posibilidad na malagdaan ang kasunduang pangkayapaan sa taong ito.
Ayon kay Ginang Deles, desidido ang magkabilang panig na magkaroon ng kasunduan tulad ng ipinakitang paghahanda ng magkabilang panig sa bawat pag-uusap, kabilang na ang pag-aalok ng mga solusyon upang masagot ang mahihirap na isyu na tinatalakay ng pamahalaan at ng MILF.
Sa pahayag na inilabas kamakailan, sinabi ng Technical Working Groups na may kasunduan sa mga isyu tulad ng power sharing at revenue generation kabilang na ang wealth-sharing sa Pamahalaan ng Pilipinas. Mayroon na ring maituturing na kasunduan tungkol sa bagong autonomous political entity na ipapalit sa kasalukuyang Autonomous Region of Muslim Mindanao.
Subalit idinagdag din ni Kalihim Deles na hindi magiging madali ang paglutas sa detalyes ng power at wealth sharing, territorial scope at normalization na kabibilangan ng disarmament, demobilization, at ang paglahok ng mga kawal ng MILF sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Nakikita ang katapatan ng MILF na magkaroon ng kasunduan sa pamahalaan sa kanilang pagkilos upang masugpo ang pananalakay ng mga kabilang sa Bangsamoro Islamic Freedom Movement at ng armadong kasama ng grupo na kilala sa pangalang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa mga bayan ng Maguindanao at Hilagang Cotabato noong nakalipas na buwan.
KALIHIM DEL ROSARIO, UMALIS PATUNGONG SYRIA
UMALIS patungong Syria si Kalihim Albert F. del Rosario upang alamin ang kalagayan ng mga Pilipinong apektado ng patuloy na kaguluhan doon. Makikipag-usap din siya sa mga pinuno ng pamahalaan ng Syria upang madali ang pagpapauwi sa mga manggagawang naroon pa.
Sinamahan siya ni Undersecretary Rafael E. Seguis. Noong nakalipas na Abril at Disyembre ng nakalipas na taon ay nagtungo na si Kalihim del Rosario sa Syria upang hingin ang tulong ng pamahalaan na pangalagaan ang mga Pilipinong manggagawa.
Nagtungo na rin si Undersecretary Seguis sa Syria noong Hulyo at nagkaron ng exit visas ang may 140 mga Pilipinong nakauwi noong ika-31 ng Hulyo at unang araw ng Agosto. May 1,000 pang mga manggagawang Pilipino doon.
Halos 300 mga Pilipino ang pansamantalang naninirahan sa halfway house na inilaan ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus. May 26 ang darating ngayong gabi at bukas. Aabos na higit sa 2,000 mga manggagawa ang nakauwi mula sa magulong bansa ng Syria mula ng itaas sa Alert Level 4 status ang situasyon at nangangahulugan ng puwersahang pagpapauwi sa mga Pilipino doon.
PANGULONG AQUINO AT KALIHIM ROXAS, PINAKIUSAPANG LUTASIN ANG NAKAGAGAMBALANG KRIMEN
UMAASA ang Amnesty International na tutulong si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at Kalihim Manuel Araneta Roxas II ng Department of Interior and Local Government na malutas ang pagkakapaslang kay Jordan Manda, labing-isang taong tulang, panganay na anak ni Timuay Lucenio Manda, na nasugatan din sa pananambang na naganap kaninang umaga. Hindi pa kilala ang mga taong nanambang sa kanila.
Ayon sa pandaigdigang samahan, ang pagkakapaslang sa binatilyo at pagkakasugat sa kanyang ama ay nararapat lamang siyasatin upang maihabla ang mga may kagagawan at maparusahan. Ang pagpaslang kay Jordan Manda na inihahandang kapalit na Timuay ay isang masakit na paggunita na walang proteksyong natatanggap ang mga katutubo. Ang pangangalaga ni Timuay Manda sa mga lupain ng mga Subanen at ang kanyang paninindigan para sa pagpapahinto ng mining concessions sa Bayog ang posibleng dahilan ng pananalakay sa kanya at sa kanyang anak.
Ang pamilya ni Manda ay patuloy nang nakararanas ng panggigipit bago pa man pinaslang ang kanyang pinsan na si Timuay Giovanni Umbang Manda may sampung taon na ang nakalilipas. Ayon sa Amnesty International, ang karapatan ng mga katutubo ay nakaligtaan na hindi lamang ng Administrasyong Arroyo kungdi ng naunang pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Corazon C. Aquino. Hindi umano nakikita ng mga taga-pamahalaan ang mga lumad kahit pa nabiktima na sila ng mga pang-aabuso. Ito ang pahayag ni Dr. Aurora Parong, ang Director ng Amnesty International Philippines.
Tinambangan si Timuay Manda na kasapi rin ng Amnesty International Philippines samantalang inihahatid ang kanyang anak sa paaralan. Pinaputukan si Timuay Manda at ang kanyang anak na nasawi sa mga tama ng bala.
Binanggit ng Amnesty International ang panggigipit na kagagawan umano ng mga tauhan ng Toronto Ventures Inc. Resources Development noon pa mang nakalipas na Hulyo. Sangkot ang TVIRD sa pagmimina ng ginto at pilak sa pook. Nagiging dahilan ito ng sigalot sa pag-itan ng small scale miners at mga kumpanyang malalaki.
SIMBAHAN, MAY TUGON SA MGA PANGANGAILANGAN NG MGA OFW
MAY mga palatuntunan ang Simbahan sa Pilipinas upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawang nangingibang-bansa. Ito ang sinabi ni Digos Bishop Guillermo Afable sa panayam ng CBCP Online Radio kanina.
Sinabi ni Bishop Afable na ang Metropolitan of Davao sa ilalim ni Archbishop Romulo Valles ang namumuno sa mga palatuntunang layuning mapanatiling nagmamahalan ang mga mag-anak kahit pa nangingibang-bansa ang ama o ina ng tahanan. Sinabi ng obispo na ang mga programa ng apat na diyosesis na saklaw ng Arkediyosesis ng Davao ay nakikipagtulungan din sa CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na nasa ilalim na pamunuan nina Maasin (Southern Leyte) Bishop Precioso Cantillas at Fr. Edwin Corros.
Bagama't wala pa silang kumpletong datos sa mga kinahaharap na mga suliranin ng mga manggagawang nasa ibang bansa, mayroon din naman mga Filipino chaplain na nag-aalaga sa mga kanila. Ang mga chaplain na ito ay nakatalaga sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Samantala, sinabi rin ni Bishop Afable na hindi matitinag ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa paninindigan nito laban sa Reproductive Health bill na pinag-uusapan sa Kongreso. Sinabi niya na kahit pa ang dalawang mambabatas ng kanyang lalawigan ay panig sa kontrobersyal na panukalang batas, tuloy ang kanilang pagtuturo sa mga mahahalagang isyu tungkol sa reproductive health bill at kung bakit walang pagbabago sa paninindigan ang Simbahan. Ani Bishop Afable, nasa panig ng katotohanan ang Simbahan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |