Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Tatlong bagong sugo, dumalaw sa Malacanang

(GMT+08:00) 2012-09-05 18:23:55       CRI

TINANGGAP ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang tatlong bagong sugo na nagsumite ng kanilang mga kredensyal sa kanilang pormal na panunungkulan bilang mga kinatawan ng kani-kanilang mga bansa sa Pilipinas.

Sa simpleng seremonya sa Music Room ng Palasyo ng Malacanang, pormal na tinanggap ni Pangulong Aquino si Brazilian Ambassador George Ney de Souza Fernandez na nangakong tutulong ang kanyang bansa sa pagpapalago ng kalakalan at investments sa Pilipinas. Mayroon na umanong technical cooperation sa larangan ng pagsasaka, repormang agraryo, bio-fuels at maayos na pamamalakad ng likas na yaman ang dalawang bansa.

Sumunod naman si Ambassador-designate Amit Dasgupta ng India. Bago siya ipinadala sa Pilipinas ay naging Consul General siya ng India sa Sydney, Australia. Nagsimula ang magandang relasyon ng India at Pilipinas noong 1949. May nilagdaang Treaty of Friendship ang India at Pilipinas mula noong 1952.

Nagbigay-galang din si Nigerian Ambassador-Designate Akinyemi Farounbi. Isa siyang kilalang broadcast journalist at tanyag na politiko. Ginawaran na siya ng National Merit Awards. May mga manggagawang Pilipino sa Nigeria na nasa industriya ng langis, gas and construction samantalang maraming Nigerians ang nag-aaral sa Pilipinas.

Noong 2011, umabot sa 7,240 ang Filipino sa Nigeria.

MGA PILIPINO, MAKAKALABAS NA NG SYRIA KAHIT WALANG EXIT VISA

MAKAKABALIK na sa Pilipinas ang may 250 mga Filipinong naninirahan sa halfway house na pinangangasiwaan ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus. Ayon sa balita ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, nakausap ni Kalihim Albert F. Del Rosario si Syrian Foreign Minister Walid al-Moallem ay hinilingan ng tulong na bigyan ng exemption ang mga manggagawang pauwi ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Kalihim del Rosario na nararapat nang makauwi ng bansa ang may 250 manggagawang na sa halfway house samantalang pag-uusapan ng magkabilang panig ang pagpapauwi sa may 1,300 mga manggagawang na sa buong bansa ng Syria.

Naunang nangako si Minister al-Moallem na ipararating sa kinauukulan ang kahilingan ni Ginoong del Rosario. Matapos ang ilang sandali, nakatanggap ng tawag sa telepono si Ginoong Del Rosario mula kay Deputy Foreign Minister Ahmad Amous na nag-utos na si Pangulong Bashar al-Assad na huwag ng singilan ng exit visa fee requirements ang mga Filipino na nasa halfway house.

Nakausap din ni Kalihim del Rosario si Dr. Bouthaina Shasban, Presidential Adviser for Political Affairs and Media. Ipinaliwanag ni Ginoong del Rosario na karamihan sa mga Filipinong nasa kanilang Syria ay mga biktima ng illegal recruitment kaya't marapat lamang na sila'y tulungan.

SENADOR ANGARA, KAILANGANG GUMASTA SA INFRASTRUCTURE AT TECHNOLOGY PARA SA PAG-UNLAD NG SAKAHAN

SUPORTADO ni Senador Edgardo J. Angara ang programa ng Kagawaran ng Pagsasaka hindi lamang sa pagpapatotoo ng rice self-sufficiency sa taong 2013. Ipinaliwanag ng senador na kailangang gumasta ang kagawaran sa agricultural infrastructure, farming technology at agricultural research and development.

Sinabi ni Senador Angara na umaabot sa isang milyong metriko tonelada ng bigas ang nawawala o nasasayang dahilan sa kakulangan ng sapat na post-harvest facilities. Magugunitang dating Kalihim ng Pagsasaka si Senador Angara.

Kung mahahati man lamang ang nawawalang bigas sa kakulangan ng post harvest technology, tiyak na malaking kabawasan ito sa inaangkat nating bigas.

Ayon sa International Rice Research Institute, umangkat ang Pilipinas ng 1.8 milyong metriko tonelada ng bigas noong 2008. Kung mababawasan ang nawawala o nasasayang na bigas, malaking kabawasan ito sa aangkatin ng Pilipinas. Sinabi pa ng IRRI sa kanilang lathalain na limitado ang lupaing ginagamit para sa pagsasaka ng palay at may kakulangan ng imprastruktura kaya patuloy na umaangkat ng bigas ang Pilipinas.

MGA MENOR DE EDAD NA KABABAIHAN, NAILIGTAS

IPINASARA ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz sa mga alagad ng batas at mga opisyal ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay ang isang bahay-aliwan sa Roxas Blvd., sa Pasay City.

Nabatid na lumalabag sa batas ang Area 51 KTV Entertainment Club sa pagkakaroon ng mga menor de edad na kababaihang nasasadlak sa prostitusyon at pagtatanghal ng mahahalay na palabas. Mahigpit ang batas na ipinatutupad sa Pilipinas upang masugpo ang pinakamatinding uri ng pang-aabuso sa mga kabataan.

Ipinag-utos ni Kalihim Baldoz sa kanyang director sa Metro Manila, na si Atty. Alan Macaraya na tiyaking sarado ang bahay-aliwan at bantayan ang galaw ng usaping ipinaabot ng National Bureau of Investigation laban sa mga may-ari.

Nailigtas ang may 60 mga manggagawa at sa ginawang pagsusuri sa kanilang mga ngipin, nabatid na 19 ang mga menor de edad na kababaihan. Dinala ang mga biktima ng human trafficking sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.

IMAHEN NG PENAFRANCIA, IBINALIK NA SA BIKOL

UMALIS kaninang ika-pito ng umaga ang tren na kinalulanan ng imahen ng Our Lady of Penafrancia upang maibalik sa Lungsod ng Naga para sa pagdiriwang ng kapistahan nito sa darating na Ika-15 ng Setyembre.

Sakay ng Philippine National Railways special pilgrim train ang imahen isang linggo bago ang siyam na araw na nobenaryo sa paghahanda sa pagdiriwang ng kapistahan ng minamahal na imahen ng mga Bikolano.

Nagkaroon ng isang gabing pagdarasal sa himpilan ng tren sa Tutuban kagabi. Isang Misa ang ipinagdiwang kanina bago umalis ang tren. Namuno sa send-off kanina si PNR General Manager Junio Ragrario.

Tumigil ang tren sa Tagkawayan sa Quezon at sa mga bayan ng Del Gallego, Ragay, Lupi, Sipocot, Libmanan at Pamplona sa Camarines Sur.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>