|
||||||||
|
||
HINDI lamang ang pambansang pamahalaan ang nararapat maghanda para sa mga trahedyang maaaring maganap sa mga matataong pook tulad ng Metro Manila. Ito ang pahayag ni Dr. Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa isang eklusibong panayam kaninang umaga.
Sinabi ni Dr. Solidum na ang lindol na naganap sa Silangang Kabisayaan noong Biyernes ng gabi ay walang anumang epekto sa Metro Manila. Ipinaliwanag niya na lubhang malayo ang pinag-ugatan ng lindol upang yumanig ang mataong pook ng Kalakhang Maynila.
KAILANGANG MAGHANDA ANG MGA MAMAMAYAN SA ANUMANG TRAHEDYA. Ito ang mensahe ni Director Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (nasa gitna) sa isang eksklusibong panayam kanina. (Larawan kuha ng Phivolcs)
Itinanong ko kay Director Solidum kung bakit walang gasinong pinsala ang lindol noong Biyernes, sinabi niya na malayo ang epicenter o pinagmulan ng lindol sa mataong lugar. Napuna ng kanyang tanggapan na bagama't ligtas ang mga tao, hindi nakaligtas sa pinsala ang kanilang mga tahanan.
Hindi rin nagkaroon ng tsunami sapagkat nagkataong hibas o low tide. Kabilang sa mga leksyong natutuhan sa nakalipas na lindol, ang kahalagahan ng pagsasanay ng mga mamamayan tulad nang pagtugon ng mga taga-Samar sa panawagan ng pamahalaan na lumikas at magtungo sa ligtas na lugar. Kailangan umanong makipagtulungan ang mga nasa pamahalaang lokal sa kanilang mga kababayan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay Dr. Solidum, mas maraming nagsasanay sa tsunami drills sa mga kanayunan sa halip na mga taga-Metro Manila. Kailangan umanong magkaroon ng pagsasanay sa mga barangay ng Metro Manila at iba pang mauunlad na pook.
Ang nararapat paghandaan, ayon kay Dr. Solidum, ay ang posibleng paggalaw ng West Valley fault na maaaring magdulot ng magnitude 7.2 na lindol. Ang magnitude 7 na lindol ay kahalintulad ng 32 bombang atomika na pinasabog sa Hiroshima at Nagasaki, Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mahalagang malaman ng mga Pilipino ang panganib na dala ng lindol sapagkat maraming nasusugatan o nasasawi sa maling pagkilos ng mga tao sa pagyanig ng lupa. Dapat ding magsagawa ng inspeksyon sa mga gusali, mga tahanan, mga simbahan at mga gusali ng pamahalaan. Palakasin ang mga gusali o i-kondena na at huwag ng gamitin ang mga gusaling marupok na.
Dapat mabilis ding makatugon o responde ang mga kapitbahay, lalawigan at bansa. Sa lawak ng mga pinsalang idudulot ng mga lindol, sa komunidad pa lamang ay nararapat handa ng tumulong sa kapwa.
Nararapat ding paghandaan ang tulong mula sa ibang mga lungsod, lalawigan at bansa sa larangan ng search and rescue operations at medical response.
Ang pinakamalakas na lindol na nagmula sa West Valley Fault ay naganap noong 1658 na nagkaroon ng magnitude 6.9 ayon sa mga pari noong panahong iyon, ang lahat ng mga gusaling bato noon ay apektado bagama't walang ibinalitang nasawi.
Isang lindol pa noong 1645 na bahagi ng West Philippine Fault at malapit sa Nueva Ecija ay nagkaroon ng 3,000 nasawi. Kung ang Manila trench o ang mga batong nasa ilalim ng South China Sea ang gagalaw, sa kanluran ng Luzon, malaki ang posibilidad na magdulot ito ng mula 7.9 hanggang 8.2 magnitude. Puedeng magkaroon ng tsunami sa Maynila sa loob ng isang oras.
Kung ang evacuation procedures ay hindi maayos, maraming mapipinsala at masusugatan o masasawi, dagdag pa ni Dr. Solidum. Sapat na umano ang isang oras na warning upang makalikas ang mga mamamayan sa pook na inaasahang dadalawin ng tsunami.
Pinayuhan niya ang mga mamamayan na makinig sa mga tagapagsalita ng pamahalaan. Ikinalungkot niya na may mga nagkakalat ng maling balita tungkol sa lindol sa pamamagitan ng text messages. Maganda ang pagtutulungan ng Phivolcs at mga taga-radyo, telebisyon, pahayagan at online kaya't sapat na ang pagpaparating ng mahahalagang balita sa mga mamamayan.
Niliwanag niyang walang anumang anunsyong idinadaan sa text messages.
Itinanong ko na rin kay Director Solidum kung ano ang pinakamatagal na pagyanig ng lupa sa Pilipinas. Ipinaliwanag niya na ang lindol noong ika-16 ng Hulyo 1990 ay tumagal ng mula 45 segundo hanggang isang minute. Ang lindol noong Biyernes sa Samar ay tumagal naman ng may 40 segundo. Noong 1976, ani Dr. Solidum, sa lindol na yumanig sa Timog Mindanao, tumagal ito ng mula isa hanggang dalawang minute.
May tala ang Phivolcs na may lindol noong 1900s na may lakas na 8.3 magnitude at niyanig na rin ang Pilipinas ng lindol na 8.2 magnitude noong 1948.
Ayon kay Dr. Solidum, mas mataas ang magnitude ng lindol, mas matagal itong magpapayanig ng lupa.
PAGPUPULONG NINA PANGULONG AQUINO AT HU MAGAGANAP SA APEC
LUMABAS na ang balita sa mga media outlet sa Maynila na magkakaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at Chinese President Hu Jintao sa pagdaraos ng ika-20 Asia-Pacific Economic Cooperation Leaders meeting sa Vladivostok, Russia. Magkakaroon din ng pakikipagpulong si Pangulong Aquino sa mga pinuno ng Vietnam, Singapore at Chile.
Ayon sa mga mamamahayag na nakausap ni Foreign Affairs Undersecretary Laura Q. Del Rosario, mayroong kahilingan ang magkabilang panig na mag-usap kahit na wala pang linaw kung kailan ito magaganap sa dalawang araw na nakalaan mula ika-walo hanggang ika-siyam ng Setyembre at kung anong pag-uusapan.
Ang problema umano ay kung magkakaroon ng parehong oras ang kapwa pinuno ng bansa sapagkat abala rin Pangulong Hun a makipag-usap sa iba't ibang mga pinuno ng APEC.
Wala pang paksang pag-uusapan kahit pa mayroong mga 'di pagkakaunawaan sa dalawang kapuluan sa karagatan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ani Undersecretary del Rosario, kumpirmado na ang pagpupulong nina Pangulong Aquino at ng mga pinuno ng Vietnam, Singapore at Chile.
Inaasahang darating si Pangulong Aquino mga ika-pito ng gabi oras sa Pilipinas sa pagdarausan ng APEC Leaders Summit na dadaluhan din ng 20 mga pinuno ng iba't ibang bansa. Kasama niya sa paglalakbay sakay ng Philippine Air Lines flight sina Kalihim Albert F. del Rosario, Kalihim Gregory Domingo at Kalihim Cesar Purisima.
PANDEMIC DISASTER EXERCISE GAGAWIN NG PILIPINAS AT ESTADOS UNIDOS
ISASAGAWA sa Lunes, ika-10 ng Seytyembre, ang tinaguriang Multi-Sectoral Pandemic Disaster Exercise sa Lungsod ng Maynila. Ang isang linggong pagsasanay ay naglalayong palakasin ang paghahanda para sa malawakang pandemic disasters at iba pang mga peligro sa pamamagitan ng simulation at training na kasasangkutan ng pagtutulungan ng civil society, pribadong sektor at ng pamahalaan.
Ipatutupad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang pagsasanay ay kabibilangan ng mga tauhan ng Office of Civil Defense, United States Marine Forces Pacific at International Medical Corps, isang non-government organization na may tanggapan sa Estados Unidos. Suportado rin ang pagsasanay na ito ng Center for Humanitarian Assistance Medicine ng Uniformed Sercices university of the Health Sciences sa Maryland, USA.
Kabilang sa mga dadalo sa pagsisimula ng pagsasanay sina Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Pambansa, Mayor Jejomar Erwin Binay ng Makati City, Reed Aeschliman, ang deputy director ng USAID, Brig. General Pamela Milligan, chief of staff ng US Pacific Command at Dr. Noel Miranda, tagapayo ng PREPARE Pandemic Preparedness Project.
PAGDARASAL PARA SA KAPAYAPAAN GAGAWIN SA BAWAT LINGGO NG SETYEMBRE
POSITIBO ang tugon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa kahilingan ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles na magkaroon ng espesyal na panalangin para sa buong bansa sa pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month ngayong Setyembre.
Sa katatapos na CBCP Permanent Council Meeting noong nakalipas na Martes, sinangayunan ng karamihan ng mga obispo ang kahilingan ng OPAPP na mag-alay ng isang Linggo sa buwan ng Setyembre na katatampukan ng pagdarasal ng "Harmony Prayer" sa pagdiriwang na ito.
Sa kanyang liham kay Arsobispo Jose S. Palma, sinabi ni Kalihim Deles na ang Peace Month ay idineklara noon pa mang Hulyo 2004 sa pamamagitan ng isang presidential proclamation. Ang tema ng pagdiriwang ay napapanahon sapagkat ito "Ako, Ikay, Tayo, Magkakaiba, Nagkakaisa sa Kapayapaan" ay nagpapakita ng mahalagang papel ng bawat Pilipino upang matamo ang kapayapaan sa bansa.
Ipinadala na ni Msgr. Joselito C. Asis ang mensahe sa lahat ng mga obispo ng Pilipinas sa isang sirkular na ipinalabas ngayon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |