|
||||||||
|
||
Makabuluhan at mabunga ang pagdalo sa apec, sabi ni pangulong aquino
BAGAMA'T maikli ang kanyang paglahok sa katatapos na ika-dalawampung Asia Pacific Economic Cooperation Leaders' Summit sa Vladivostok, Russia, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na naging makabuluhan at mabunga ito. Sa kanyang arrival statement kahapon, sinabi niya naiparating niya ang mensahe sa mga kaibigang bansa tungkol sa hangaring makipagbayanihan at maitindig ang pundasyon ng kooperasyon at kapayapaan.
Aniya, anumang desisyong may kinalaman sa ekonomiya ng maliit o malaking bansa ay nakaaapekto at may impluensya sa kalapit bansa. Nakikita umano ang sipag, dedikasyon at pagkakaisa ng mga kasaping bansa na dalhin ang Asia – Pasipiko sa tamang direksyon at magagawa ng Pilipinas na sumabay sa mabilis na pag-usad ng pandaigdigang ekonomiya.
Napagkasunduan umano ang mga paraan na magpapatatag ng kalakalan at pamumuhunan, magtataguyod ng supply chains at magpupunla ng reporma na titiyak sa pangmatagalang supply ng pagkain sa bahaging ito ng daigdig.
Ibinalita niya ang naganap na pakikipagpulong sa Pangulo ng Chile na si Sebastian Pinera at inanyayahang mamuhunan ang Pilipinas sa kanyang bansa at magbahagi ng kaalaman ng Pilipinas sa teknolohiya sa pagbuo ng geothermal energy. Kailangan din umano ng mga guro sa wikang Ingles sa Chile at ang paguugnayan sa larangan ng aquaculture at pagmimina.
Nakausap din niya ang mga pinuno ng Singapore, Malaysia at Vietnam at tinalakay ang nagaganap sa karagatan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Mas bukas na ang Pilipinas para sa kalakal at komersyol hindi lamang sa Asia – Pasipiko kungdi sa buong mundo.
KRISIS SA EUROPA, NAGDUDULOT NG PELIGRO SA UMUUNLAD NA BOND MARKET SA SILANGANG ASIA
ANG umuunlad na local currency bond markets sa Silangang Asia ay halos nakarating na sa $ 6 trilyon subalit ang mga nasa likod ng mga pamamalakad o policymakers ay kailangang maghanda para sa anumang pagyanig ng pamilihan mula sa pandaigdigang financial markets. Ito ang lumabas na balita mula sa isang ulat ng Asian Development Bank.
Ayon kay Iwan J. Azis, pinuno ng ADB Office of Regional Economic Integration na nagpalabas ng Asia Bond Monitor, ang local currency bond markets ang lumalabas na magandang kanlungan sa gitna ng krisis subalit hindi kailangang maging pabaya.
Ang mga mabuay na pamilihan ay maaaring makapigil sa pangmatagalang investment at makakasakit sa ekonomiya sapagkat tataas ang pangangailangan sa pananalapi ng mga pamahalaan at mga kumpanya.
Mas mahalaga umano ang paglawak ng pakikilahok ng mga nasa rehiyon upang mabawasan ang problemang dala ng magalaw na pamilihan dulot ng nagaganap sa labas ng Asia, dagdag pa ni Ginoong Azis.
Isang special edition ng Asia Bond Monitor ang nagsusuri sa nagaganap sa local bond markets ng People's Republic of China, Indonesia, Republic of Korea, Malaysia, Pilipinas at Thailand ang nagpapakita ng epekto ng pagkalugso ng Lehman Brothers at ang krisis na nagaganap sa Europa ay magpapatuloy pa. Hindi lamang umano nadarama ito sa bond markets kungdi sa iba pang financial markets sa Asia, kabilang na ang foreign exchange rates.
Ang People's Republic of China ang nangungunang bond market na mayroong $ 3.5 trilyon sa bonds na nagtapos noong Hunyo, mas malaki ng 1.5% kaysa noong nakalipas na Marso, at mas mataas ng 6.9% kung ihahambing sa performance noong nakalipas na taon.
NAMAYAPANG MADRE, PINAPURIHAN NG MGA OBISPO
IBA'T IBANG obispo mula sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas ang nagparating ng kanilang mensahe bilang pagkilala sa nagawa ni Sr. Pilar Verzosa, isang madre mula sa Religious of the Good Shepherd na yumao kahapon ng pasado ika-apat ng umaga matapos sumailalim sa coma sa loob ng tatlong araw.
Ayon sa mga obispo, malaki ang nagawa ni Sr. Pilar sa larangan ng pro-life advocacy at nanindigan sa kasagraduhan at kahalagahan ng buhay. Ayon kay Arsobispo Ramon C. Arguelles ng Lipa, noong nagsisimula pa lamang sa kanyang adbokasiya ang namayapang madre, maihahambing ang kanyang tinig sa ilang, sapagkat mangilan-ngilan pa lamang ang naniniwala sa kahalagahan ng pagtutol sa paggamit ng artipisyal na paraan ng birth control.
Ayon kay Obispo Mylo Hubert Vergara ng Pasig, hindi pa tapos ang misyon ni Sr. Pilar sapagkat kailangan itong ituloy ng mga naniniwala sa kabanalan ng buhay. Ayon kay Arsobispo Oscar Cruz, habang-buhay ay nanindigan si Sr. Pilar at marapat lamang na kilalanin ang kanyang naiambag sa Simbahan at lipunan.
Ipinarating din nina Balanga Bishop Ruperto Santos, Basilan Bishop Martin Jumoad at Arsobispo Angel Lagdameo ng Jaro, Iloilo ang kanilang panawagan sa madlang ipagdasal ang namayapang tapat na alagad ng Simbahan.
MGA TAGA-BUKIDNON, NANGANGAILANGAN NG TULONG
PAGKAIN ang nangungunang pangangailangan ng mga biktima ng lindol sa Bukidnon. Ito ang ibinalita ni Fr. Darwin Alcontin, director ng Social Action Center sa Diyosesis ng Malaybalay.
Sa kanyang mensaheng ipinadala sa CBCP Online Radio, sinabi ni Fr. Alcontin na ideneklara ng pamahalaan ang ilang pook bilang "danger zones" matapos matagpuan ang malalaking bitak sa lupa. Nangangailangan din ang mga biktima ng kagamitan upang makapagtayo ng bagong bahay o maisaayos ang kanilang napinsalang tahanan. Karamihan sa mga naging biktima ay mga magsasaka. Ani Fr. Alcontin, pawang sa pawis at tiyaga ng mga magsasaka nagmula ang kanilang ipinagpatayo ng mga tahanan.
Noong nakalipas na Martes, ika-apat sa buwan ng Setyembre, niyanig ng 5.6 magnitude na lindol ang Bukidnon. Pinakamatinding tinamaan ang Valencia City at ang bayan ng Maramag. Pitong barangay sa Valencia ang apektado ng lindol samantalang apat na barangay naman sa Maramag ang napinsala.
May 391 pamilya ang apektado sa Valencia City samantalang mayroon namang 154 na pamilya ang apektado sa Maramag. Maraming mga pamilya ang nawalan ng tahanan tulad ng 35 pamilya sa Barangay Guinoroyan, Valencia City at ang 70 pamilya ay pansamantalang nakatira sa paaralan.
Siyam na mga kapilya ang apektado rin ng lindol. Nangangamba ang mga naninirahan sa mga paaralan na bumalik sa kanilang tahanan dahilan sa aftershocks. Nangangamba silang baka tuluyan nang magiba ang kanilang mga tahanan. Tumutulong na ang pamahalaan at mga pribadong sektor sa mga nabiktima ng lindol subalit kulang pa ang ayuda sa mga naging biktima.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |