|
||||||||
|
||
WASTO na sabihin ng Singapore na wala silang pinapanigan sa 'di pagkakaunawaan sa karagatang na sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Bagaman, sumusuporta ang Singapore sa posisyon ng Pilipinas na magkaroon na kalutasan ang mga 'di pagkakaunawaan sa payapang pamamaraan at batay sa International Law.
Sa isang pahayag na inilabas ni Assistant Secretary Raul Hernandez, sinabi niya na mahalaga ang pagkakaroon ng pagpipigil sa magkabilang panig at hindi sasang-ayon kailanman sa paggamit ng dahas. Idinagdag ni Assistant Secretary Hernandez na kasama ng Pilipinas ang Singapore sa kahilingang magkaroon ng maagang pagtatapos ang pagbuo ng "ASEAN – China Code of Conduct of Parties in the South China Sea."
Ito ang naging reaksyon ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas sa balitang nagmula sa Singapore tungkol sa kanilang paninindigan sa isyung bumabalot sa South China Sea.
Ayon sa pahayag mula sa tanggapan ng Punong Ministro, binigyang diin ni Prime Minister Lee Hsein Loong na bagama't hindi sila kabilang sa mga bansang naghahabol sa South China Sea, layunin nilang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at malayang paglalakbay sa karagatan.
Nanawagan din si Ginoong Lee na magkaroon ng "moderation and restraint" samantalang tinatawagan ang ASEAN na pumagitna sa mga talakayan.
KONTROBERSYAL NA OPISYAL NG DILG, NAGBITIW NA
NAGBITIW na sa kanyang posisyon si Undersecretary for Peace and Order Rico Puno upang bigyan ang bagong hirang na Interior Secretary Manuel Araneta Roxas II ng malayanag kamay na makapamili ng kanyang mga kasama.
Sa kanyang pahayag na inilabas ng Malacanang ngayon, naniniwala umano siya na nagawa na niya ang kanyang nararapat gawin sa abot ng kanyang makakaya.
Nagbitiw umano siya bilang Undersecretary ng Department of Interior and Local Government upang makapamili ng kanyang koponan si Kalihim Mar Roxas.
Nagpasalamat siya kay Pangulong Aquino sa pagtitiwala sa kanya at pagbibigay ng oportunidad na makapaglingkod sa bayan. Ang kanyang pagbibitiw ay kasunod na mga panawagan sa kanyang umalis na sa kanyang tanggapan matapos masangkot sa mga kontrobersya.
Pinagtangkaan umano ni Ginoong Puno na makuha ang ilang mga dokumento mula sa tanggapan ni Kalihim Jesse Robredo na nasawi sa pagbagsak ng kanyang eroplano. Sinisiyasat umano ni Kalihim Robredo si Ginoong Puno sa sinasabing pagkakasangkot niya sa overpriced na mga pistolang gagamitin ng pambansang pulisya.
EXPORTS NG PILIPINAS, LUMAGO NOONG HULYO 2012
HIGIT na lumago ang mga panindang ipinagbili ng Pilipinas sa labas ng bansa matapos ang pagbagal nito noong nakalipas na buwan ng Hunyo. Kahit pa sumigla ang exports, bumagal naman ang electronics ayon sa pinakahuling impormasyon mula sa National Statistics Office.
Ang mga panindang lumabas ng bansa ay tumaas ng 7.8% noong Hulyo kung ihahambing sa datos noong nakalipas na taon. Nakita ang paglago sa metal components at activated carbon. Ito ang naging panakip sa pagbaba ng benta ng electronics at semi-conductors.
Ayon sa National Statistics Office, ang July export figures ay mas malaki sa natamong 4.3% noong Hunyo. Ang exports ng bansa noong Hulyo ay umabot sa $ 4.807 bilyon at mas mataas sa $ 4.460 bilyon sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Ang electronics na halos one-third ng buong kita sa buwan ng Huilyo ay bumaba ng 25.6 % at nagkahalaga lamang ng $ 1.675 bilyon mula sa $ 2.253 bilyon noong Hulyo 2011.
Ang semiconductors ay bumagsak din sa pagkakaraoon lamang ng kitang $ 1.344 bilyon noong Hulyo na mas mababa ng 12.1% sa halagang $ 1.529 bilyon noong 2011.
Kung sa buwanang paggalaw ng exports, tumaas ang exports ng Pilipinas ng may 11.4% mula sa $ 4.314 bilyon noong Hunyo.
PILIPINAS, MAGIGING PUNONG-ABALA SA APEC SUMMIT SA 2015
HALOS isang taon bago bumaba sa kanyang puesto si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ay magiging punong-abala ang Pilipinas sa pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation summit sa taong 2015.
Napapaloob sa joint declaration ng may 21 pinuno ng mga bansang kalahok sa APEC, kabilang na si Pangulong Aquino, sa pagtatapos ng APEC Leaders' Meeting sa Far Eastern Federal University sa Russkiy Island sa Vladivostok, Russia.
Susundan ng Pilipinas ang Indonesia at Tsina. Ang bansang Indonesia ang magiging punong-abala sa 2013 at ang Tsina naman ay sa 2014. Peru naman ang magiging punong abala sa pagpupulong sa 2016.
Sa joint statement, napagkasunduan ng mga kasapi sa APEC na higit na makakasama ang APEC Business Advisory Council na siyang tulay ng mga pamahalaan sa kani-kanilang pribadong sektor. Itutuloy din ang pagsunod sa nilalaman ng Osaka Action Agenda sa pagkakaroon ng mabisang economic at technical cooperation at tutulong din sa mga kasama sa APEC ayon sa Manila Framework.
PILIPINAS LUMAHOK SA CHINA – ASEAN TRADE AND PROMOTION FAIR PARA SA MGA PRODUKTONG PANGSAKAHAN
ANG dalawa kataong delegasyon mula sa Philippine National Agribusiness Corporation sa pamumuno ni Honesto Baniqued ay dumalaw sa Heining kamakailan upang lumahok sa China-ASEAN Trade and Promotion Fair for Agricultural Products.
Binuo ang trade fair ng China Chamber of Commerce of Import and Export of Foodstuffs, Native Produce and Animal By-Products sa pakikipagtulungan sa Chinese Ministry of Commerce.
Sa pamamagitan ng trade fair, naganap ang paguusap ng mga Tsino at mga kalakalang pangkasahan sa ASEAN. Napag-usapan din ang mga alituntunin ng mga bansa sa kalakal at investment sa mga produktong pangsakahan. Tanging ang Brunei lamang ang hindi nakapagpadala ng kanilang mga kinatawan.
Sa pagsisimula ng trade fair, sinabi ni Director Jiang Yinggang na patuloy na lumaki ang kalakal sa pagitan ng ASEAN at Tsina mula ng ipatupad ang Framework Agreement on Comprehensive Economic Cooperation sa pagitan ng Tsina at ASEAN na nilagdaan noong 2002.
Idinagdag pa niya na ang ASEAN ang ikalawang pinakamalaking agricultural trade partner. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng ASEAN sa kalakalan nito sa Tsina.
Ngkaroon din ng mga business matchings at dumalaw din sa Tianjin at sa wholesale supermarket sa Tongzhou district sa Beijing.
KARAPATAN NG MGA KATUTUBO, ISUSULONG NG SIMBAHAN
PAGTUTUUNAN ng pansin ang mga karapatan ng mga katutubo sa gagawing "Padyak para sa Katutubo at Kalikasan II" sa darating na ika-14 ng Oktubre, kasabay ng Indigenous Sunday sa Simbahang Katolika.
Ang pagkilos ay pamumunuan ng Episcopal Commission on Indigenous Peoples ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Inaanyayahan ang mga mamamayang dalhin ang kanilang mga bisekleta at makiisa sa panawagan para sa mga karapatan at kabutihan ng mga katutubo na patuloy na naghihirap.
Ang pagbibisekleta ay magmumula sa Calapan City sa Mindoro sa ika-13 ng Oktubre at magtatapos sa Barangay Manoc-Manoc sa Boracay, Aklan. Sa pamamagitan ng bisekletahang ito, maitataas ang kaalaman ng madla sa kalagayan ng mga katutubo, pagkakaroon ng angkop na suporta sa paninirahan ng mga Ati sa Boracay Island at maisulong ang pagbibisekleta para sa kalusugan at malinis na kapaligiran. Inaasahang makakaipon ng may 150 mga magbibisekleta mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang lalahok sa okasyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |