|
||||||||
|
||
Maganda pa rin ang situasyon sa pilipinas
NAGING maganda ang economic performance ng Pilipinas sa unang bahagi ng taon. Ito ang pahayag ni Ginoong Edgardo B. Lacson, Pangulo ng Employers Confederation of the Philippines.
MAGANDA ANG TAKBO NG EKONOMIYA. Ipinaliwanag ni Ginoong Edgardo B. Lacson, Pangulo ng Employers Confederation of the Philippines na maganda ang ekonomiya sa unang bahagi ng taon. Bagaman, bababa ito ng bahagya sa ikalawang bahagi dahilan sa krisis sa Europa at America. Matatamo pa rin ang 5-6% growth target ng Pilipinas, dagdag ni Ginoong Lacson.
Sa isang panayam kaninang umaga sa Manila Peninsula Hotel, sinabi ni Ginoong Lacson na umaasa siyang bababa ng bahagya ang economic performance ng Pilipinas dahilan sa nagaganap sa Europa at sa Estados Unidos bagama't umaasa siyang matatamo ang growth target ng pamahalaan mula sa 5-6%.
Sa pagtaas ng benta ng mga sasakyan ng may anim na porsiyento (6%) sa pagkakaroon ng 98,725 mula sa 93,108 (2011) para sa buwan ng Agosto, batay sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, sinabi ni Ginoong Lacson na indikasyon ito na unti-unting nabubuhay ang manufacturing sector at kailangan pa ang mga kalakal na nakasalalay sa manufacturing dahilan sa mas maraming makikinabang sa ganitong sektor kaysa sa services sector. Inihalimbawa niya ang business process outsourcing at tourism-anchored business. Wala umanong gaganda pa sa manufacturing.
Sinimulan na umano ang panibagong alituntunin sa pagmimina upang makatawag ng higit na mga mangangapital. May ginagawa na rin umano ang pamahalaan upang mabawasan ang presyo ng kuryente na isang malaking sagabal sa pagpasok ng mga banyagang mangangalakal.
Nakikita rin ni Ginoong Lacson ang pagkakaroon ng stable exchange rate sa Pilipinas. Mananatiling malakas ang piso laban sa American dollar, na papabor sa foreign direct investments.
Sa larangan ng stock market, sinabi niya na medyo may kahinaan sapagkat may mga naglabas ng kanilang mga kinita at maituturing na karaniwan na itong nagaganap sapagkat maihahambing lamang ito sa isang roller-coaster. Hindi naman umano nalalayo sa 5,200 psei index. Maganda pa rin ito sapagkat ang salapi mula sa Europa at mga investors sa labas ng bansa ay naghahanap ng ligtas na paglalagakan ng salapi at kabilang na ang Pilipinas sa mga bansang ito.
MAYBAHAY NA INEREKLAMO NG PANANAKIT, BIKTIMA RIN NG PAMBUBUGBOG
INABUSONG KASAMBAHAY, HUMARAP MULA SA SENADO. Dumating si Bonita Baran (nasa wheelchair) sa Senado ng Pilipinas, kasama sio Chief Public Attorney Persida Rueda-Acosta (nasa gitna) habang kausap si Senate Sgt.-At-Arms General Jose Balajadia bago nagsimula ang pagdinig ng Senate Committee on Labor sa pamumuno ni Senador Jinggoy Estrada.
NABUNYAG na ang maybahay na akusado ng pananakit sa kanilang kasambahay ay biktima rin ng pananakit ng kanyang mister.
Sinabi ni Senate Pro Tempore Jose "Jinggoy" Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat sa kaso ni Bonita Baran na diumano'y pinasakitan at binulag ng kanyang mga amo na sina Analiza at Reynold Marzan.
Ayon sa senador, mayroong warrant of arrest na inilabas laban kay Reynold Marzan dahil sa reklamong ipinarating ni Analiza sa paglabag sa "Anti-Violence Against Women" sa Quezon City Regional Trial Court Branch 225 noong 2008.
Inamin ni Analiza na inireklamo nga niya ang kanyang mister subalit hindi na niya ipinagpatuloy pa ang usapin. Hindi na siya nagpaliwanag pa tungkol sa pangyayaring ito.
Itinanong muli ni Senador Estrada kung sinasaktan nga ba siya ng kanyang mister, inamin niyang minsan na siyang sinaktan ni Reynold. Pinatotohanan naman ni Bonita Baran ang pananakit na ginagawa ni Reynold sa kanyang maybahay.
Sinabi ni Bonita na noon pang dumating siya sa tahanan ng mga Marzan ay nagbubugbugan na sila. Ito ang unang pagkakataong nagkaharap sina Baran at ang mga Marzan.
Sa pagdinig, sinabi ni Bonita na mala-alipin ang pagtrato sa kanya ng kanyang mga amo sa loob ng apat na taon. Madalas siyang binubugbog at pinahihirapan at tinatratong parang aso.
Si Analiza Marzan umano ang nananakit sa kanya kaya't siya'y nabulag. Tumanggi naman ang akusado. Ito ang unang pagkakataon na nagkaharap ang mga Marzan at ang kanilang kasambahay. Ayon kay Bonita, sinakal siya ni Analiza at nagsisigaw kung bakit hindi pa mamatay ang kasambahay. Pumasok umano sa eksena ang mister at nagtanong kung saan itatapon ang kanyang bangkay sa oras na siya'y mamatay.
Samantala, sinabi ni Retired General Jose Balajadia, Senate of the Philippines Sgt. At Arms na maayos naman ang lagay ng mag-asawang Reynold at Analiza Marzan sa Senado. Magugunitang doon dinala ang mag-asawa sapagkat may kautusan ang Senado sa pamamagitan ni Senador Jinggoy Estrada upang mapwersa ang mag-asawang dumalo sa pagdinig sa usaping ipinarating ni Bonita Baran.
May pagkain namang ibinibigay ang Senado sa detenidong mag-asawa. Mayroon ding manggagamot na tumitingin sa kanilang kalusugan. Binanggit ni General Balajadia na kaninang umaga ay umabot sa 140/110 ang blood pressure ni Analiza Marzan.
Sa panig ni Bonita Baran, sinabi niyang kaya niyang pabulaanan ang sinasabi ng kanyang mga amo na kagagawan lamang niya ang naganap sa kanyang sarili. Idinagdag niyang nagsisinungalin lamang ang mag-asawa. Nabulag na ang isang mata ni Bonita at halos 10% na lamang ang nababanaag ang isa pa niyang mata. Mayroong mga ebidensyang magpapakita na hindi "self-inflicted" ang mga galos at sugat na kanyang tinamo sa tahanan ng mga Marzan.
Sinabi ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na tuloy ang kanilang pagtulong kay Bonita Baran at kanyang mga kamag-anak. Sila ang nagbibigay ng payong legal at iba pang uri ng tulong sa naging biktima ng pangaabuso.
ARSOBISPO, NANAWAGAN SA MGA KASAMBAHAY: LUMANTAD NA KAYO!
ANG pananakit sa kasambahay ang pinakamalupit na magagawa ng tao sa kanyang kapwa tao. Ito ang pahayag ni Arsobispo Oscar V. Cruz, dating arsobispo ng Lingayen-Dagupan at Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines bilang reaksyon sa ginagawang pagdinig sa usapin ni Bonita Baran sa Senate Committee on Labor.
Ayon sa arsobispo, nakakasakit sa kalooban na mayroong mga taong mayayaman at makapangyarihang halos sambahin ng lipunan subalit kung ang isang tao ay kasambahay na hindi nakapag-aral ay tinatrato ng parang hindi na tao.
Idinagdag ng arsobispo na mayroon ding mga maliliit na taong walang gasinong napag-aralan subalit kinikilalang mga banal na tao.
Isa umanong leksyon ang hindi nababatid ng karamihan, na sa oras na mangmaliit ka ng iyong kapwa, lumiliit din ang iyong pagkatao at lumiliit din ang pagkakakilala ng Diyos sa mga abusado.
Ang mga kasambahay na biktima ng pang-aabuso at pananakit ay kailangang lumabas na sapagkat higit silang paniniwalaan ng madla kaysa sa mga among mapang-abuso. Mas magiging maganda ang kalagayan ng mga kasambahay kung mababatid ng kanilang mga amo ang kanilang mga karapatan.
Nanawagan si Arsobispo Cruz sa mga biktima ng pang-aabuso, lumabas na kayo at mayroon namang mga tao sa pamahalaang mapapagkatiwalaan at handang tumulong sa mga inaapi.
Si Bonita Baran ay natanyag dahilan sa kanyang pagrereklamo laban sa kanyang mga amo na nanakit at nagbawal sa kanyang lumabas ng tahanan. Si Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta ng Public Attorney's Office ang tagapagtanggol ni Ginang Baran, isang Bikolanang nagtrabaho sa tahanan ng mag-asawang Marzan sa Quezon City sa loob ng limang taon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |