|
||||||||
|
||
Dalawang linggo na po ang naakakraan nang talakayin natin, kasama ni Lakay Ramon ang tungkol sa Rehiyong Awtonomo ng Xinjiang. Para sa pagpapatuloy ng ating lakbay series, darako naman tayo sa may gawing Silangan ng Tsina at pag-uusapan ang lunsod ng Nanjing.
Ang Nanjing ay ang kabisera ng probinsyang Jiangsu ng Tsina. Ito ay may prominenteng lugar sa kasaysayan at kultura ng bansa, at ilang beses ding naging kabisera ng Tsina. Ang salitang "Nanjing" ay literal na nangangahulugang "timog na kabisera." Ito ay matatagpuan sa may bandang ibaba ng Ilog Yangzi.
Ang Nanjing po ay kinikilala bilang isa sa apat na pinakadakilang kabisera ng Tsina. Ito ang sentro ng Kaharian ng Wu noong panahon ng "3 Kaharian," (Three Kingdom Period) at kabisera ng buong bansa noong panahon ng Republika ng Tsina sa panahon ng digmaang sibil.
Maliban diyan, noong 1368 ang Nanjing ang ginawang kabisera ni Emperador Zhu Yuanzhang, unang emperador ng Dinastiyang Ming. Siya ang tumalo sa Dinastiyang Yuan, na itinayo naman ni Genghis Khan. Ipinagawa niya ang pader ng Nanjing sa loob ng 21 taon. Hanggang sa kasalukuyan, ito pa rin ang pinakamahabang nakatayong pader ng isang lunsod sa buong mundo.
Ang Nanjing ay nanatiling kabisera ng Tsina hanggang 1421. Inilipat ng ikatlong emperador na si Zhu Di o mas kilala bilang Yongle Emperor ang kapital ng bansa sa Beijing. Doon, pinasimulan niyang itayo ang Forbidden City. Si Emperador Yong Le rin po ang kaibigan ng Sultan ng Sulu na kanyang dinalaw sa Beijing.
Ang nasabing sultan ay namatay dahil sa sakit, habang naglalakbay pabalik ng Pilipinas. Ang kanyang mga labi ay matatagpuan sa lalawigang Shandong, at binabantayan pa rin ng kanyang mga salinlahi. Isa ito sa mga patunay na magmula pa noong sinaunang panahon, ang Tsina at Pilipinas ay higit pa sa magkapitbansa.
Ang Nanjing ay ang pambansang sentro ng edukasyon, pananaliksik, estruktura ng transportasyon, at turismo. Dito rin idaraos ang 2014 Summer Youth Olympics Games.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |