|
||||||||
|
||
DUMARAMI ang mga kabataang nagdadalang-tao. Ito ang dahilan kaya't idinaos ang kauna-unahang National Summit on Teen Pregnancy ngayong araw na ito sa Heritage Hotel sa Lungsod ng Pasay.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ugochi Daniels, country representative ng UNFPA na anim sa bawat sampung mga Pilipino mula 12 hanggang 15 taong gulang ang nag-aaral sa high school. Limampung porsiyento ng mga kabataang naghahanap ng trabaho ay mga walang ikinabubuhay. Isa sa bawat tatlong bagong usapin ng HIV ay batang Pilipino na mula 15 hanggang 24 na taong gulang. Mas marami umanong kababaihan na mula 15 hanggang 19 na taong gulang ang nagbubuntis mula sa anim sa bawat 100 noong 2006 ay narating na ang sampu sa bawat isang daan ang nagbuntis noong 2011. Ang Pilipinas ang pangalawa sa Timog Silangang Asia sa bilang ng mga kabataang nagdadalang-tao. Nangunguna ang bansang Timor Leste sa dami ng mga kabataang nagdadalang-tao.
Sa panig ni Civil Registrar General at National Statistics Administrator Carmelita N. Ericta, na bagama't dumarami ang nagdadalang-taong kabataan sa Pilipinas, unti-unti namang nababawasan ang mga nagpapakasal.
Sinabi ni Dr. Josefina Natividad ng University of the Philippines Population Institute na mayroong ilang dahilan kung bakit nadaragdagan ang mga kabataang Pilipinang nagdadalang-tao. May mga nagbubuntis na kabataan dahilan sa maagang pagpapakasal at mas maagang pagtigil sa pag-aaral. Napuna rin na mas maagang nagdadalang-tao ang mga kabataang nasa elementarya (19.7%) pa lamang at sinusundan ng mga nasa high school (6.4%) at mga nasa kolehiyo o post graduate (4.8%).
Iba na umano ang situasyon ngayon kaysa noong mga nakalipas na panahon, ani Dr. Natividad. Mas maaga na umanong nagkakaroon ng monthly period ang mga kabataan, nagbabago ang antas ng buhay pamilyang Pilipino at unti-unting nababawasan ang pagbabantay ng mga magulang sapagkat may mga hanapbuhay na. Magugunitang maraming mga ina o ama ang umaalis ng Pilipinas upang magtrabaho sa iba't ibang bansa. Mas marami na umanong oportunidad ang mga kabataan na mapag-isa.
Nababago na rin ang mga pag-uugali at mga pinahahalagahan at unti-unting nawawala ang stigma ng mga nagbubuntis ng walang kasal, hindi na rin napupwersa ang lalaking pakasalan ang kanyang nabuntis at tanggap na ng lipunan ang mga kabataang isinilang ng walang kasal.
Sinabi rin ni Dr. Natividad na mas maagang nagkakaroon ng karanasang seksuwal ang mga kabataang Pilipino ngayon. Nagkakaroon din ng "peer pressure" mula sa mga kaibigan o kabarkada na magkaroon ng sexual relations sa opposite sex. Tanggap na rin umano ng lipunan ang pagkakaroon ng sex sa teenage relationships. Wala rin umanong kakayahan ang mga kabataang harapin ang nagbabagong kapaligiran.
Nakita ang kakulangan sa kakayahang lumutas ng mga sulirann, kakulangan ng critical thinking, creative thinking, decision-making, kawalan ng kakayahang dumamay sa kapwa, kakulangan ng kakayahang humarap sa stress at emotion, pakikipagkapwa tao at self-awareness building skills.
SUGAL, TULOY PA RING NAGAGANAP SA PILIPINAS
NAGPAPATULOY pa rin ang illegal na sugal sa Pilipinas. Ito ang pinanindigan ni Arsobispo Oscar V. Cruz sa pagdinig sa Senado kanina. Sa panayam na ginawa sa retiradong arsobispo, sinabi niya na ang kanilang mga impormasyon ay nagmula sa kanilang mga pinagkakatiwalaang mga mamamayan na nagbigay ng detalyes sa nagaganap sa kanilang mga nasasakupan.
MGA RESOURCE PERSON, PINAPANUMPA. Nanumpang magsasabi ng katotohanan sina Arsobispo Oscar V. Cruz (kaliwa), PNP Director General Nicanor Bartolome (gitna) at dating DILG Undersecretary Rico Puno sa pagdinig ng Senado ng Pilipinas sa isyu ng illegal gambling at firearms deals.
Mahirap mapatunayan ang mga suhulan sa mga kinatawan ng pamahalaan sapagkat walang resibo sa anumang transaksyong namagitan mula sa may pasugal. Walang tseke sapagkat ang kalakaran ay cash. Mayroon din umanong kinagawian sa mga sindikato na pag kumuha ka ng hindi para sa iyo ay manganganib ka. Maihahalintulad umano sa operasyon ng Mafia ang gawi ng mga may pasugal at mga opisyal ng pamahalaan.
Itinanong sa arsobispo ang kanyang reaksyon sa pahayag ni dating Undersecretary Rico Puno na wala umano siyang kinalaman sa mga nagaganap na pasugal at sinabi niyang iginagalang niya ang pahayag na ito. Ipinaliwanag ng arsobispo na sa bawat pagdalaw nila sa Senado at Kongreso, nagbibigay sila ng talaan na naglalaman ng mga pangalan at kung sino-sino ang tumatanggap ng payola. Pinakikiusapan umano nila ang mga Senador at Kongresista na suriin ang talaan at alamin kung totoo nga ang impormasyon. Nasa mga senador at kongresista ang kakayahang mag-validate ng nilalaman ng mga listahan. Idinagdag pa ng arsobispo na sa oras na magkaroon ng validation ay nakatitiyak ang madla na walang ipinagbago ang napapaloob sa talaan mula sa iba't ibang lalawigan.
Ang mga nilalaman ng mga talaan ay nararapat lamang pag-usapan sa executive session upang mapangalagaan ang mga pangalan ng mga sinasabing illegal gambling operators.
MGA SENADOR SA PAGDINIG. Pinamunuan ni Senador Miriam Defensor-Santiago ang pagdinig kanina sa Senado. Nakasama rin niya sina Senador Allan Peter Cayetano at Koko Pimentel. Tuymagal ng higit sa tatlong oras ang pagdinig.
Umaasa si Arsobispo Cruz na susuriin ng mga mambabatas ang mga probisyon sa pag-buo ng Department of Interior and Local Government at alamin kung ano ang magagawa sa mga undersecretary at kung anu-ano ang qualifications ng mga nararapat maluklok sa mga posisyong ito. Magaganda na umano ang batas ng bansa at ang problema lamang ay ang pagpapatupad nito.
Ipinaliwanag ni Arsobispo Cruz na ang lahat ng kanilang binigyan ng pagkilala, tulad ng namayapang Jesse Robredo na naglingkod bilang punong lungsod ng Naga, mga gobernador, punongbayan at mga punongbayan, ay kanilang kinilala sa kanilang katapatan sa pagpapatigil sa illegal na sugal.
Sa panig naman ni Director General Nicanor Bartolome, tuloy-tuloy ang kanilang pagkilos upang maiwasan ang paglaganap ng illegal na pasugal tulad ng jueteng. Binigyan na ng poder ang mga regional director na kumilos upang mapigil ang illegal na pasugal. Bumuo na rin umano siya ng oversight committee sa Philippine National Police.
Makikita rin sa datos kung ilan na ang kanilang naipagsumbong, ilan ang nadakip at magpapatuloy pa ang pinag-ibayong kampanya.
Ani General Bartolome na mahalaga na walang sinuman sa mga pulis ang tumatanggap. Inutusan na umano niya ang lahat ng mga opisyal na huwag na huwag tatanggap ng salapi mula sa mga may pasugal.
Handa umano siyang magpahayag sa harap ninoman na wala siyang tinatanggap mula sa mga sindikato ng jueteng. Dumalo sa pagdinig sa Senado sina dating DILG Undersecretary Rico Puno, PNP Director General Bartolome at Arsobispo Oscar V. Cruz at iba pang mga opisyal ng Philippine National Police. Nakasama ni Senador Miriam Defensor-Santiago sina Senador Allan Peter Cayetano at Koko Pimentel. Nagsimula ang pagdinig mga ilang minuto makalipas ang ika-sampu ng umaga at natapos pasado ala-una ng hapon.
KOALISYON NG MGA MANGGAGAWANG PILIPINO, HUMILING NG DAGDAG NA SAHOD
NAPAPANAHON na magkaisa ang mga manggagawa sa Pilipinas at magkasundo sa kanilang kahilingang magkaroon ng dagdag na sahod. Ito ang panawagan ng mga pederasyon ng mga manggagawa na humihiling ng dagdag sa kanilang sahod dahilan sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin.
Nagsama-sama ang mga pederasyon ng mga manggagawa na nanawagan ding ibasura na ang 'di makatarungang kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa.
Nagpakilala bilang Action against Contractualization and Towards Significant Wage Increase Now o ACT2WIN, nangako ang mga samahan na ipagpapalaban ang karapatan ng mga manggagawa na magkaroon ng seguridad sa kanilang hanapbuhay at karapatang tumanggap ng maayos na pasahod.
Ang samahan ay binubuo ng walong malalaking pederasyon ng mga manggagawa tulad ng Federation of Free Workers, Kilusang Mayo Uno, National Labor Union at limang iba pa.
Ayon kay Elmer Labog ng Kilusang Mayo Unio, nagsama-sama sila sa pagkilala na ang mga mangggawa ay nararapat magkaisa upang ipaglaban ang mga kahilingan tulad ng pagkakaroon ng nadaramang dagdag-sahod at pagbasura sa kontraktuwalisasyon. Magaganap lamang ito sa oras na mag-samasama ang mga pederasyon sa paghingi sa pamahalaan ng kanilang mga benepisyo.
Sinabi naman ni Sonny Matula ng Federation of Free Workers na sa paglaganap ng mga manggagawang saklaw ng mga kontrata at mahigpit na trabaho, kailangang ipaglaban ng mga manggagawa ang kanilang karapatan.
Hindi na umano makatao ang sistema ng kontraktuwalisasyon sa bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |