Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangmatagalang palatuntunan para sa pagmimina, kailangan

(GMT+08:00) 2012-09-18 18:49:17       CRI

IGINIIT ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. na kailangan ang pangmatagalang palatuntunan upang magkatotoo ang sustainable development.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng pulong ng Chamber of Mines of the Philippines sa Hotel Sofitel Manila, sinabi ni Speaker Belmonte na nahaharap ang daigdig sa pandaigidan at 'di mapigil na pagkapinsala ng kapaligiran. Kailangan ang pagbabago sa kaisipan ng madla na magkakaroon ng diin sa kahalagahan ng sustainability.

 PANGMATAGALANG PALATUNTUNAN SA PAGMIMINA KAILANGAN.  Ito ang sinabi ni House of Representatives Speaker Feliciano Belmonte, Jr. sa pagbubukas ng Mining Philippines 2012 Conference and Exhibition sa Hotel Sofitel Manila kaninang umaga.  (Lawaran mula sa House of Representatives Media Office)

Nanawagan si Ginoong Belmonte sa lahat ng nakikinabang sa pagmimina na kilalanin ang kanilang mga sarili bilang tagapangalaga ng kapaligiran at hindi basta umaani sa likas na yaman ng bansa na matagal na nilang pinakinabangan.

Marapat lamang matutong magbigay sapagkat matagal nang nakinabang ang mga nasa industriya ng pagmimina. Kailangan ang pagkakaisa ng mga nasa pamahalaan, kumpanya ng mga minahan, mga komunidad at mga mamamayan.

Kailangan umano ang pangakong mangangalaga sa kapaligiran sapagkat tulad ng sinabi ng isang katutubong Amerikano, si Chief Seattle noong kapanahunan niya "We do not inherit the earth from our ancestors; we borrow it from our children."

Sa pamamagitan ng palatuntunang pangmatagalan, makikilala ang mga papel at responsbilidad ng mga sangkot sa industriya.

Si Speaker Belmonte ang panauhing pangdangal sa Mining Philippines 2012 Conference and Exhibitions.

MGA TSINO, NAILIGTAS SA KIDNAPPERS

DALAWANG Tsino na nasa kalakal ng small scale mining ang nailigtas ng mga pulis sa kamay ng kidnappers kahapon.

Ayon sa balitang nagmula sa Police Regional Office No. 13 at nilagdaan nina Police Supt. Martin Gamba, Regional Public Information Officer na may tanggapan sa Butuan City, ang mga nailigtas ay kinilalang sina Defeng Li, 43 taong guilang at Liguang Yang, 48 taong gulang na pawang mula sa Guangxi, Tsina. Dinukot ang dalawa sa kanilang tahanan sa Barangay 2, San Francisco, Agusan del Sur mga ika-walo ng gabi noong Sabado, ika-15 sa buwan ng Setyembre.

NAILIGTAS NG PULISYA ANG DALAWANG TSINO MULA SA KIDNAPPERS.  Na sa larawan sina Liguang Yang (naka kulay rosas na t-shirt) at Defeng Li (naka pulang t-shirt), pawang taga Guangxi, Tsina matapos dukutin ng mga armado noong Sabado ng gabi.  Nailigtas sila kahapon ng hapon, matapos mabaril ang isa sa mga dumukot sa CARAGA region.  (Larawan mula sa PNP Region 13 PIO)

Ibinalita ng isang mamamayan ang pagdukot sa pulisya noong Linggo ng gabi at nabatid na kasamang dinukot ang isang nagngangalang Jonah Lavina, isang Filipina. Pinalaya ng mga armadong kalalakihan ang Filipina.

Kumilos ang pulisya at nagsiyasat. Nabatid na humihingi ng P 1 milyong ransom ang mga armado at bumaba ito sa halagang P 200,000.00 na lamang. Ang mga kaibigang Pilipino ng mga Tsino ay nakalikom ng P 150,000.00.

Kahapon, samantalang dala na ang halagang P 150,000.00 sa Barangay Wakat, Barobo, Surigao del Sur, sinusundan ng pulisya ang may dala ng ransom, nagpaputok ang mga armado. Gumanti ng putok ang mga pulis at isa sa mga armado ang napaslang. Isang pulis ng Barobo Municipal Station ang nasugatan sa paa sa barilang naganap.

Nabawi sa pook ng sagupaan ang halagang P 150,000.00 at isang kalibreng .45 pistol mula sa napaslang.

Kahapon din, mga ikatlo ng hapon, nailigtas ng pulisya ang dalawang Tsino sa Baangay Bocawe, Lianga,Surigao del Sur. Iniwanan sila ng apat na armadong sakay ng dadlawang motorsiklo matapos habulin ng mga pulis.

Dinala sina Li at Yang sa Lianga Municipal Police Station at sa pinakamalapit na pagamutan upang masuri.

PILIPINAS, PAGDARAUSAN NG REGIONAL MARITIME MEETINGS

MAGIGING punong abala ang Pilipinas para sa Third ASEAN Maritime Forum at First Expanded ASEAN Maritime Forum mula ikatlo hanggang ikalima ng Oktubre.

Mga isyung pangkaragatan ang pag-uusapan sa pulong ng Association of Southeast Asian Nations ayon sa itinatadhanag pagtutulungan sa ASEAN Political Security Community.

Ayon sa pahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, ito ang unang pagkakataon na ang 18 kasapi ng East Asia Summit na kinabibilangan ng sampung bansa mula sa Timog Silangang Asia, ay makakasama rion ang Australia, Tsina, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, Russia at Estados Unidos. Makakasama sa pulong ang mga kinatawan ng mga pamahalaan, private sector stakeholders at mga nasa akademya.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Policy Erlinda F. Basilio, ang Senior Official ng Pilipinas sa ASEAN, isang malaking karangalan ang pagiging punong-abala sa mga pagpupulong na ito. Mahalaga ang pulong sa pagtutulungan at pag-uusap sa larangan ng paglalayag sa mga karagatan.

Ang pulong na ito ay bahagi ng kautusan ng 6th East Asia Summit na kinatagpuan ng mga pinuno ng ASEAN, na nagkaisa sa kahalagahan ng maritime cooperation kabilang na ang isyu ng pamimirata, paghahanap ng mga nabiktima ng karahasan, maritime connectivity, freedom of navigation, pangingisda at iba pang uri ng pagtutulungan.

P 5 BILYON INILAAN SA FLOOD MANAGEMENT PROJECTS

MAYROONG limang bilyong pisong inilaan ang pamahalaan para sa ilang mahahalagang flood-control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways upang matupad na ang master plan para sa Metro Manila at mga kalapit pook.

Kumpirmado na ang salaping inilaan ng National Economic and Development Council sa liderato ni Kalihim Arsenio Balisacan sa katatapos na NEDA Board Meeting.

Ayon kay Budget and Management Secretary Florencio B. Abad, inatasan na sila ni Pangulong Aquino na tugunan ang problemang dulot ng mga pagbaha sa kalakhang Maynila at mga kalapit-lalawigan. Ang salaping inilaan ay makakatulong sa pagpapatupad ng nilalaman ng master plan sa mga pook na madalas na binabaha kahit sa dagliang pagbuhos ng ulan.

Saklaw ng malawakang programa, pangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways kasama ang Metro Manila Development Authority at mga pamahalaang lokal ang siyang magpapatupad ng mga programa sa mga pook na binabaha.

SULIRANIN NG MINAHAN, INALAM NG CBCP-NASSA

SINURI ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action (NASSA) at isa pang grupo ang pinsalang idinulot ng pagtagas ng mga likido mula sa Philex Mining Corporation sa Benguet Province noong Linggo hanggang kahapon.

Sa isang public affairs program ng Catholic Media Network sa Ilustrado kaninang umaga, sinabi ni Fr. Edu Gariguez na nangalap sila ng datos at impormasyon mula sa mga barangay na apektado ng pagtagas ng likido mula sa imbakan ng mga basura ng minahan sa Benguet na nakarating sa Balog River noong unang araw ng Agosto at tatlo pang insidente hanggang sa ika-tatlumpu ng Agosto ng taong ito.

Idinagdag ni Fr. Gariguez na ang mahalaga rito ay ang high rating ng total suspended solids mula sa karaniwang 50 milligrams per liter upang madekalarang ligtas ang tubig. Nabatid na ang total suspended solids level ay umabot sa halos 90 libong milligrams. Sa ibang himpilan naman ay umabot sa halos limang libong milligrams na lubhang nakapakali.

Sinabi ni Itogon Mayor Oscar Camantiles na ang pagtagas na ito ay nakapinsala sa kabuhayan ng higit sa 34 na pamilya sa may Agno River sa mga sitio ng Pangbasan, Pao at Daynet. Hindi umano sumunod sa safety standards ang Philex Mines para sa pagtatayo at operasyon ng tailings pond at illegal construction ng spillways sa ikalawa at ikatlong dams. Wala rin umanong business permit mula sa bayan ng Itogon at hindi nagbabayad ng buwis ang Philex Mines.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>