|
||||||||
|
||
Public service, nagbabagong anyo, sabi ni pangulong aquino
UNTI-UNTING nagbabago ang mukha ng paglilingkod-bayan sa pagpapatuloy ng mga repormang ipinatutupad ng pamahalaan. Ito ang sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagpaparangal sa mga nagwagi sa 2012 Search for Outstanding Public Officials and Employees.
Sinabi ni Pangulong Aquino na kung noong mga nakalipas na taon ay nangangailangan ng suhol upang kumilos ang mga papel na kailangan sa mga opisyal na transaksyon sa pamahalaan, nababago na ang kalakaran ngayon. Higit na umanong masigasig ang mga kawani sa pagdalo sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ang mga nagwagi sa taong ito ang siyang inspirasyon ng mga kawaning isulong ang pamamahala. Ang mga nagwagi'y tumanggap ng mga parangal bilang 2012 Presidential Lingkod Bayan awardees, Dangal ng Bayan at Pagasa awardees.
Kabilang sa mga pinapurihan ni Pangulong Aquino si Melania Dirain, ang forestry specialist na nag-alay ng buhay alang-alang sa kalikasan at sa bansa. Binanggit din niya ang namayapang si Kalihim Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government. Ang mga nagwagi ang siyang nagpapakita ng magandang halimbawa sa daan tungo sa public service.
Isinusulong na ng administrasyon ang Performance Management Programs and Systems upang mapagkalooban ng mas magandang pagkakataon ang kaunlaran ng mga nasa public sector. Ipinangako rin ni Pangulong Aquino ang makatarungang benepisyo para sa lahat ng kawani
KATARUNGANG PANGLIPUNAN, NANANATILING ADHIKAIN NG PAGMIMINA
ISANG masalimuot na isyu ang dala ng industriya ng mina. Sinabi ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na kahit pa maraming kaakibat na suliranin ang industriya, nararapat manatiling adhikain ang katarungang panglipunan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ginoong Binay na ang mga kumpanya ang kinakikitaan ng maayos na tubo sa isang bansang naghahanap ng kaunlaran mula sa kayamanang nasa kaibuturan ng daigdig.
Ang pagmimina umano ang naging dahilan ng malawakang hidwaan sa pagitan ng ilang mga sektor. Hindi mo na umano basta matitinag ang mga pumapabor at kumukontra sa industriya ng pagmimina. Sa pagkakataong ito, ang katarungang panglipunan ang nararapat maging prayoridad ng mga sektor na sangkot sa kaunlaran.
Sa sumada ng kwento, ani Ginoong Binay, nararapat lamang maitaas ng pagmimina ang mga mahihirap na Pilipino at magkaroon siya ng maayos at kagalang-galang na hanapbuhay. Ito umano ang nararapat maging sandigan ng pagmimina. Dapat lamang kilalanin ng lahat ng sektor ang kahalagahan ng economic at social justice, dagdag pa ng pangalawang pangulo.
PAGBABA NG UNEMPLOYMENT, DI SAPAT NA MAKABAWAS SA UNDER-EMPLOYMENT
BAGAMA'T bumaba ng bahagya ang bilang ng mga walang hanapbuhay sa pagkakaroon ng 7.1%, ang underemployment naman ay biglang tumaas at narating ang 22.7%. Kung pagsasamahin ang dalawang sektor na ito, lalabas at lalabas ang 29.8% ng labor force ang hindi kumikita ng sapat o walang kinikita.
Ayon kay Atty. Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers, ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng walang hanapbuhay sa Asia at patuloy na lumalaking bilang ng mga may trabaho subalit kailangan ng dagdag pang hanapbuhay.
Ang buod umano ng isyu ay ang pagkakaroon ng sapat na bilang at uri ng hanapbuhay. Si Matula ang pangulo ng isang samahan ng mga manggagawa na aabot sa 200,000 ang mga kasapi. Pinakapuso umano ng inclusive growth ang pagkakaroon ng makataong hanapbuhay.
Ang maganda umanong makita ay ang pagtaas ng bilang ng mga manggagawang mayroong full-time job at pagbaba ng bilang ng mga part-time worker kaya nga lamang ay 'di sinabi sa pag-aaral ng pamahalaan kung anu-anong uri ng trabaho ang nasa pamilihan ngayon. Hindi rin binanggit kung ilan ang full-time workers subalit saklaw ng kontrata. Napuna rin ng FFW na mayroong mga manggagawang nasa mapanganib ng uri ng hanapbuhay subalit walang security of tenure at walang makataong uri ng hanapbuhay. Idinagdag pa niya na wala nga halos social protection ang mga manggagawang ito.
PAMBANSANG PAGPUPULONG NG MGA DALUBHASA SA LITURHIYA NATAPOS NA
HALOS 200 mga delegado mula sa buong Pilipinas ang nagsama-sama sa Bacolod Pavilion Hotel mula ika-sampu hanggang ika-13 ng Setyembre para sa ika-26 National Meeting of Diocesan Directors of Liturgy.
Naging punong-abala ang Diocese of Bacolod, ang pagpupulong ay nilahukan ng mga direktor ng komisyon sa liturhiya mula sa mga arkediyosesis at mga diyosesis, mga pari, mga madre at mga layko. May 82 mga observer mula sa mga parokya ng Diocese of Bacolod ang nakinig at dumalo sa mga palatuntunan.
Ang pulong ay kinatampukan ng mga lecture sa ika-50 taon ng liturgical reform sa pamamagitan ng Vatican II sa pamamagitan ng dokumentong pinamagatang Sacrosanctum Concilium at paglulunsad ng aklat ni Fr. Anscar J. Chupungco, OSB.
Nanawagan si Bacolod Bishop Vicente M. Navarra sa mga delegado na ipagpatuloy ang kanilang mga gawain ng may ibayong sigla. Sa ganitong paraan magiging mabisa at kapaki-pakinabang para sa lahat tulad ng mga itinuturo ng Simbahan.
Si Fr. Brethren Rye Gamala, director ng Diocesan Commission on Liturgy ng Bacolod at ang mga kinatawan ng Episcopal Commission on Liturgy ang namuno sa mga palatuntunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |