Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Relasyong sa pagitan ng tsina at pilipinas nanatiling mahalaga

(GMT+08:00) 2012-09-24 17:44:09       CRI

Relasyong sa pagitan ng tsina at pilipinas nanatiling mahalaga

IKINALUGOD ng Pilipinas ang pagpupulong nina Kalihim Manuel Araneta Roxas II at Pangalawang Pangulo Xi Jinping ng Tsina na nagbigay halaga sa bilateral relations noong ika-22 ng Setyembre.

Sa opisyal na pahayag ng Malacanang, sinabi na kapwa nagkasundo ang Pilipinas at Tsina ng kani-kanilang layunin na malutas ang mga isyung namamagitan sa dalawang bansa sa pagsusulong ng magandang relasyon.

Sa isang panayam sa himpilan ng radyong pag-aari ng pamahalaan, binasa ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda tungkol sa kanilang pagdalaw sa Tsina at pakikipagpulong kay Pangalawang Pangulong Xi Jinping sa [agdaraos ng 9th China-ASEAN Expo sa Nanning, Tsina.

Ipinagpasalamat umano ni Ginoong Xi ang pagpapadala ni Pangulong Aquino kay Kalihim Roxas na nagpapakita lamang ng halaga ng bilateral relations. Nagkita sina Ginoong Xi at Ginoong Roxas noong Biyernes. Ayon kay Ginoong Lacierda, ipinarating ni Ginoong Xi ang pasasalamat kay Pangulong Aquino sa pagpapadala kay Ginoong Roxas na nagpapakita lamang ng halagang ibinibigay ng pangulo ng Pilipinas sa relasyon nito sa Tsina.

Ipinarating naman ni Kalihim Roxas ang paniniwala na naipaabot niya ng maayos ang mensahe ni Pangulong Aquino sa pamahalaang Tsino.

Ayon kay Kalihim Roxas, naging bukas at diretsahan ang kanilang pag-uusap at siya'y natutuwa na naiparating niya ang layunin ni Pangulong Aquino. Ipararating umano ni Pangalawang Pangulong Xi ang mensahe ni Pangulong Aquino kay Pangulong Hu Jintao.

Nakasama sa pagpupulong sina Foreign Affairs Undersecretary Erlinda Basilio, Philippine Embassy to Beijing Charge de Affaires Alex Chua at Kalihim Lacierda.

MGA AMERICANONG MAMBABATAS NATUTUWA SA HUMAN RIGHTS SITUATION SA PILIPINAS

NASISIYAHAN ang mga nangununang mambabatas na Amerikano sa kalagayan ng karapatang pangtao sa ilalim ng Administrasyong Aquino.

Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Washington, D. C., ang mga mambabatas na Amerikano ay pinamumunuan ni Kentucky Representative Harold Rogers, chairman ng House Committee on Appropriations, ay natutuwa sa ginagawa ni Kalihim Leila De Lima ng Kagawaran ng Katarungan. Nasa Washington si Kalihim de Lima upang pamunuan ang pagtatangka ng Pilipinas na maipaalam sa mga mambabatas na Amerikano at mga opisyal ng Department of State at Department of Defense at mga NGO ang mga nagawa sa larangan ng human rights ng Aquino Administration.

Ang pagdalaw ni Kalihim de Lima ay kasunod ng tagumpay na natamo ng Pilipinas sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council sa Geneva. Naipakita ng Pilipinas na may nagawa na ang pamahalaan upang maitaas ang antas ng karapatang pangtao sa buong bansa.

Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose L. Cuisia, Jr. na naiparating na ng Pilipinas ang progresong natamo ng pamahalaan kung karapatang pangtao ang pag-uusapan.

Nakaharap din ni Kalihim de Lima sina Representatives Tom Marino ng Pennsylvania, Steve Austria ng Ohio, Ed Royce ng California, Mike Kelley ng Pennsylvania, Tome Cole ng Oklahoma at Donald Manzullo ng Illinois. Ang mga mambabatas ay pawang mga Republican.

Ayon kay Ambassador Cuisia, suportado umano ng mga mambabatas ang ginagawa ni Kalihim de Lima.

BAGONG SAKSI SA USAPIN NG KASAMBAHAY NA PINASAKITAN, LUMABAS

ISANG konduktor ng bus na nasakyan ng kasambahay na si Bonita Baran ang lumabas at nagbigay ng pahayag sa mga taga-Public Attorney's Office.

Si Erick Balquin, 31 taong gulang ay nagbigay ng pahayag sa kanyang nasaksihan noong ika-22 ng Mayo ng umuwi sa Virac, Catanduanes si Baran na nagsumbong na pinasakitan ng kanyang mga amo sa loob ng ilang taon samantalang siya'y isang kasambahay sa Quezon City.

Sinabi ni Balquin na may mag-asawang naghatid kay Bonita sa terminal ng bus sa Cubao, Quezon City at nakiusap sa kanyang tulungan ang kanilang pasahero sapagkat mahina na ang kanyang paningin.

Idinagdag pa ng konduktor na nakasuot si Bonita noon ng isang malaking sunglasses at napuna niyang namamaga ang kanyang mga labi. Ipinagtaka rin niya na hindi bumaba ng bus upang kumain sa dalawang pagkakataon ang pasahero.

Pagdating sa Port of Tabaco, siningil umano ni Balquin si Baran ng pamasahe sa ferryboat at terminal fee. Nag-abot umano ng eksaktong halaga na nagmula sa bulsa.

Noong makita na niya sa mga pahayagan ang larawan ni Baran, naisip niyang ang kanyang pasahero at si Baran ay iisa. Kusang-loob siyang nagkwento ng kanyang nasaksihan at narinig sa mga mamamahayag mula sa iba't ibang himpilan ng telebisyon.

PANIBAGONG UNDERPASS, BUBUKSAN NA

ISANG malaking proyekto ang pasisinayaan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa ganap na ika-11:00 ng umaga sa Biyernes, ika-28 sa buwan ng Setyembre. Ang bagong underpass ay nasa Quezon at Gregorio Araneta Avenues.

Ang proyekto na nagkakahalaga ng P 430 milyon ay isinasagawa ng Department of Public Works and Highways.

Bahagi ito ng Circumferential Road – 3, ang underpass ang mahalaga upang mapabilis ang daloy ng mga sasakyan. May haba ito na 440 lineal meters sa direksyon ng Quezon Avenue at 330 lineal meters sa G. Araneta Avenue. Tumagal ng halos isang taon at kalahati ang underpass project.

FR. GIANCARLO BOSSI, PIME, NAMAYAPA NA

LARAWAN NG MISYONERONG NAGING KIDNAP VICTIM NOONG 2007.  Si Fr. Giancarlo Bossi ng Pontifical Institute for Foreign Missions samantalang pabalik sa Italia matapos mapalaya ng mga rebeldeng Muslim.  Umalis siya patungong Italya noong Agosto 2007 at bumalik sa Pilipinas noong Enero 2008.

 

PABALIK NA SA ITALIA SI FR. BOSSI.  Nasa gitna ng larawang ito si Fr. Giancarlo Bossi na tinaguriang "Gentle Giant" sa Mindanao.  Kasama niya si Fr. Gian Battista Zanchi, (Kaliwa) ang Superior General ng PIME missionaries.  Nasa gawing kanan si Melo Acuna ng CBCP Media at China Radio International.

ANG Italyanong pari na naging biktima ng hostage-taking incident noong 2007 ay sumakabilang-buhay na kahapon sa Italya matapos ang serye ng paggamot sa kanyang Cancer of the Lungs.

Sinabi ni Fr. Giovanni Re, ang regional superior ng Pontifical Institute for Foreign Missions na lumala ang karamdaman ni Fr. Giancarlo Bossi noong nakalipas na taon. Umuwi siya sa Italya upang magpagamot at matapos ang operasyon at chemotherapy, bumalik siya sa Pilipinas noong Enero at naglingkod muli.

Kinailangan niyang bumalik sa Italya noong huling linggo ng Pebrero matapos mapuna ng mga manggagamot na mayroon na namang mga paglaki sa kanyang baga. Sumailalim muli ng chemotherapy at radio therapy si Fr. Bossi kaya nga lamang ay wala na itong nagawa.

Kilala sa taguring "gentle giant" dahilan sa kanyang matipunong pangangatawan, dinukot siya ng mga armadong Muslim noong ika-10 ng Hunyo 20076. Matapos ang ibayong panalangin at pakiusap ni Pope Benedict XVI, pinalaya siya ng mga Muslim noong ika-19 ng Hulyo sa pagtutulungan ng mga Pilipino at mga Italyano.

Naging maayos ang pagtrato sa kanya ng mga Muslim at hindi naman sinaktan.

Enero 2008 ng bumalik siya sa Pilipinas at nagnais na bumalik sa dati niyang parokya sa Payao sa Mindanao subalit hindi siya pinayagan ng kanyang kongregasyon. Nanatili muna siya sa Maynila bago naglingkod sa mga katutubo sa Mindoro Occidental.

Isinilang si Fr. Bossi sa Milan noong ika-19 ng Pebrero, 1950. Naging late vocation para sa mga PIME sa Genoa sa Italya noong 1973 at naging pari noong Marso 18, 1978. Ipinadala sa Pilipinas at naglingkod ng halos 32 taon.

Ayon kay Fr. Re, isang memorial Mass ang idaraos bukas ng gabi sa Mary, Queen of the Apostles Parish sa Paranaque para kay Fr. Giancarlo Bossi.

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>