Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga magsasakang umaasa sa tabako, nanawagan sa pamahalaan

(GMT+08:00) 2012-09-25 18:15:27       CRI

Mga magsasakang umaasa sa tabako, nanawagan sa pamahalaan

MALAKI ang magiging pinsala sa mga magsasaka ng tabako kung sila'y pakikialaman ng pamahalaan sa kanilang pagtatanim.

Sa pagpupulong ng International Tobacco Growers Association – Asia Chapter sa Maynila, sinabi ni Antonio Abrunhosa, Chief Executive Officer ng International Tobacco Growers Association na mahirap sabihing matatag ang industriya ng tabako subalit nakikita nila ang pagtaas ng bilang ng mga naninigarilyo sa buong daigdig sa susunod na 20 taon ng may 40%.

 

KAILANGANG PAGYAMANIN ANG MGA SAKAHANG NASA PAGTATANIM NG TABAKO.  Ito ang mensahe ni Antonio Abrunhosa, Chief Executive Officer ng International Tobacco Growers Association.  Aniya, mula 30 hanggang 35 milyong magsasaka ang nagtatanim ng tabako sa buong daigdig.

Sa oras na dumami ang mga naninigarilyo, higit na kikita ang mga nagtatanim ng tabako, dagdag pa ni Ginoong Abrunhosa. Legal naman umano ang kanilang hanapbuhay at nananatiling desisyon ng mga tao kung sila'y magsisigarilyo o hindi.

Ipinaliwanag pa ng CEO ng samahan na ang mga pamahalaan ang pinaka-interesado sa industriya sapagkat sila ang nagpapataw ng buwis sa tabako at sila ang nakikinabang. Higit sa 50% ng mga kinikita sa tabako ang natutungo sa mga buwis samantalang sa ibang mga bansa ay umaabot sa 80% ang ipinapataw na buwis.

Ang World Health Organization, dagdag pa ni Ginoong Abrunhosa ang nagsabing mayroon ng isang bilyong tao ang naninigarilyo at madaragdagan pa ito at aabot sa 1.4 bilyon sa susunod na dalawang dekada.

Ang mga bansa umanong mayroong pinamatagal na life expectancy ay ang mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga naninigarilyo. Ang interes umano nila ay ang produksyon at hindi ang paraan ng paggamit ng kanilang mga itinatanim at inaani. Kung hihigpitan umano ng mga pamahalaan ang pagpasok ng mga tabako at sigarilyo sa mga bansa, tiyak na tataas ang insidente ng smuggling.

LUMILIPAT NA ANG MGA MAGSASAKA NG TABAKO TUNGO SA IBANG PANANIM.  Sinabi ni Archdiocese of Nueva Segovia Auxiliary Bishop William David Antonio na may mga magsasakang nagtatanim na ng mais at mani sa halip na tabako.  Mas malaki umano ang kita, dagdag pa ng obispo.  (Kuha ni Roy Lagarde/CBCP)

Mayroon na umano silang mga hakbang na magbabawal ng mga menor de edad sa mga sakahan. Mayroon nang isang foundation na nagbabantay sa mga ginagawa ng mga magsasaka sa kabukiran at magpapa-alala na hindi kailanman kailangan ang mga kabataan sa mga sakahan. Kaya umano mayroong child labor ay dahilan na rin sa lubhang kahirapan ng bansa.

Unti-unti umanong tumataas ang produksyon ng tabako sa daigdig bilang tugon sa tumataas na pangangailangan.

Ang mga nangungunang bansa sa produksyon ng tabako ay ang Estados Unidos, Malawi, Zimbabwe, Indonesia at Argentina. Nakakapaglabas din umano ng tabako ang Pilipinas patungo sa ibang bansa.

Sinabi naman ni Ginang Asuncion Lopez, tagapagsalita ng mga magsasaka ng tabako na lumaki siya bilang magsasakang umaasa sa industriya ng tabako. Nakapag-aral siya sa University of the Philippines - Los Banos dahilan sa pagpupunyagi ng kanilang mga magulang sa pagtatanim ng tabako.

Libu-libo umanong mga kabataan ang umaasang makakapag-aral dahilan sa pananim na kinikilalang pinakamagandang cash crop. Wala naman umanong maipapalit sa kanilang pananim na madaling mabili sa pamilihan.

Ang pagpapasigla ng industriya ang kailangan at kanyang kinontra ang Articles 17 at 18 halaw sa Framework Convention on Tobacco Control na nagmula naman sa World Health Organization. .

Ipinaliwanag pa ni Ginang Lopez na ang pagbabawal ng ayudang pinansyal at teknikal ang siyang papatay sa kanilang pinagkakakitaan. May 30 milyong magsasakang umaasa sa industriya ng tabako.

Nang itanong kung maaaring magkaroon ng pamalit na pananim sa tabako, isa umanong magandang alternatibo ay ang pagtatanim ng rosas subalit hindi naman ito kikita ng malaking halaga. Sinabi ni Ginoong Abrunhosa na kung ang lahat ng mga magsasaka ng tabako sa Pilipinas ay magtatanim ng rosas, sino naman ang bibili nito?

Sa panig naman ni Bishop William David Antonio, Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Nueva Segovia, unti-unti ng humihina ang industriya ng tabako sapagkat napupuna ng mga magsasaka na kahit ano ang kanilang gawin ay pawang mga tobacco traders ang nakikinabang.

Sa isang panayam, sinabi ni Bishop Antonio na lubha na ring nahihirapan ang mga magsasaka sa pagbubungkal ng lupa kahat unti-unti na silang lumilipat sa ibang mga pananim tulad ng mais at mani. Mayroon na ring mga nakakapagtrabaho sa ibang bansa kaya't pinapayuhan na ang kanilang mga kamag-anak na huwag na munang magtanim ng tabako at magtanim na ng ibang pananim na mas mataas ang halaga at kita.

MORO ISLAMIC LIBERATION FRONT, NAKIRAMAY DIN SA PAGPANAO NI FR. GIANCARLO BOSSI

MILF, NAKIRAMAY SA PAGPANAW NI FR. BOSSI.  Nakiramay din ang Moro Islamic Liberation Front sa pamamagitan ni Vice Chairman Ghazali Jaafar (na sa larawan).  Malaki umanong kawalan ang misyonero sa kanyang mga pinaglingkuran sa Kanlurang bahagi ng Mindanao, partikular sa Zamboanga Sibugay. (Kuha ni Roy Lagarde/CBCP)

IPINARATING ni Ghazali Jaafar, vice chairman for political affairs ng Moro Islamic Liberation Front ang kanilang pakikiramay sa mga kapatid ni Fr. Giancarlo Bossi na namatay noong Linggo sa Italya.

Ayon kay Vice Chairman Jaafar, malaking kawalan ang pagpanaw ni Fr. Bossi sa kanyang mga pinaglilingkuran. Aniya, tiyak na nalungkot ang kanyang mga nakasama sa Zamboanga Sibugay ng matagal na panahon.

Idinagdag ni Ginoong Jaafar na batid ng Diyos ang pinakamabuti para sa lahat ng tao.

Magugunitang dinukot ng mga armadong Muslim si Fr. Bossi sa kanyang kumbento sa Payao, Zamboanga Sibugay noong ika-11 ng Hunyo, 2007 at nanatili sa kamay ng mga hostage-taker sa loob ng 40 araw.

Nanirahan ang misyonero ng Pontifical Institute for Foreign Missions ng may 32 taon sa Pilipinas. Nakatulong din ang Moro Islamic Liberation Front sa pagpapalaya kay Fr. Bossi na tinaguriang "Gentle Giant" dahilan sa kanyang matipunong pangangatawan.

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>