Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ambassador Ma Keqing: mahalagang kalapit-bansa ang Pilipinas

(GMT+08:00) 2012-09-26 20:29:12       CRI

AMBASSADOR MA KEQING: MAHALAGANG KALAPIT-BANSA ANG PILIPINAS

MAHALAGA ANG PAGKAKAIBIGAN NG TSINA AT PILIPINAS.  Ito ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing sa pagdiriwang ng ika-63 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Republic of China kagabi sa Makati Shangri-La Hotel.  Dumalo sina Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay, dating Pangulong Fidel V. Ramos at Congresswoman Imelda Romualdez-Marcos at mga kasapi ng diplomatic corps. (Melo M. Acuna)

MAIKSI ang nakalipas na 63 taon sa kasaysayan ng Tsina sapagkat sa nakalipas na tatlong dekada mula ng magkaroon ng reporma at pagbubukas ng lipunan, lumago na ang bansa sa larangan ng ekonomiya, lipunan at kultura.

Ito ang bahagi ng talumpati ni Ambassador Ma Keqing sa pagdiriwang ng ika-63 Anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Republic of China sa ginawang palatuntunan kagabi sa Makati Shangri-La Hotel.

Hindi umano magtatagal ay magtitipon ang mga kasapi sa Chinese Communist Party sa ika-18 National Congress. Walang duda na ang doktrina ng Tsina na "peaceful development" at pagbubukas sa daigdig ay hindi magbabago. Tiyak na isusulong ng Tsina ang payapang pag-unlad at susunod sa "win-win strategy" at pagiging mabuting kalapit-bansa.

Mahalaga umanong kalapit-bansa ang Pilipinas. Nasubukan na ang pagkakaibigan ng dalawang bansa at mga mamamayan nito sa paglipas ng mga daang-taon at kasaysayan. Ayon kay Ambassador Ma, mula ng magkaroon ng diplomatic relations ang dalawang bansa may 37 taon na ang nakalilipas, marami na ring pinakinabangan ang magkabilang panig sa pagkakaroon ng double-digit growth sa kalakal, at patuloy na tumataas ang kalakalan at maging ang cultural and people to people exchanges.

Sa nakalipas na ilang buwan ang relasyon ng Tsina at Pilipinas ay nagkaroon ng ilang suliranin. Nawala na umano ang tensyon sa pagkaroon ng mahalagang pagpupulong nina Vice President Xi Jinping at Kalihim Manuel Araneta Roxas II, ang special envoy ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa katatapos na China-ASEAN Expo sa Nanning.

Dalangin umano ni Ambassador Ma na ang pagtatangka ng magkabilang-panig na malampasan ang 'di pagkakaunawaan at maibalik ang bilateral relations sa dating katayuan. Mas makabubuti umano sa interes ng magkabilang-panig at titiyak sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

Dumalo sa pagtitipon sina Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay, Defense Secretary Voltaire Gazmin, dating Pangulong Fidel V. Ramos, Congresswoman Imelda Romualdez-Marcos at mga kasapi ng diplomatic corps.

ARSOBISPO PALMA: SUMUSUPORTA ANG SIMBAHAN SA PAGBABAWAL NG PAGGAMIT NG IVORY

 SIMBAHAN, NANAWAGANG HUWAG GUMAMIT NG IVORY SA PAGGAWA NG MGA IMAHEN.  Sinabi ni Cebu Archbishop Jose S. Palma na hindi na kailangang mag-ukit ng mga imahen mula sa ivory sapagkat ipinagbabawal na ito.  Ito ang kanyang pahayag matapos lumabas sa isang pandaigdigang magasin na may isang paring sangkot umano sa pagpupuslit ng ivory.  (kuha ni Roy Lagarde/CBCP Media)


NILINAW ni Cebu Archbishop Jose S. Palma na sumusuporta ang Simbahan sa pagbabawal ng ivory sapagkat ito'y sang-ayon sa doktrina ng stewardship of creation. Hindi rin sumasangayon ang Simbahan sa pagpupuslit ng ivory at iba pang illegal na gawain kahit pa sa nakalipas na panahon ang ivory ay ginagamit na palamuti sa pagsamba ayon sa liturhiya.

Sa isang pahayag na ipinalabas sa media, sinabi ni Arsobispo Palma na ang mga ivory artifacts ay inukit bago pa man ipinatupad ang pagbabawal at kinilalang bahagi ng cultural heritage ng Simbahan. Hindi na sumasangayon ang Simbahan sa paggamit ng mga bagong imaheng gawa sa ivory.

Batid rin ng Simbahan ang bigat ng krimeng pederasty o pakikipagrelasyon ng isang may-edad na lalaki sa isang batang lalaki. Sa nakalipas na mga pahayag ng Simbahan, ipinarating na nito ang kalungkutan sa 'di pagkakasugpo at pagkakatugon sa suliranin sa epektibong paraan. Idinagdag pa niya na ang "cultural practices" ay nakadagdag pa sa problema.

Ang kanyang mga binanggit na ito ang siyang pamantayan sa paglutas sa sinasabing pagkakasangkot ni Msgr. Cristobal Garcia sa illegal na kalakal ng ivory, bagama't kinikilala rin ng Simbahan ang karapatan ng isang tao sa patas at makatarungang paglilitis. Kailangan din umanong pag-aralang mabuti ang lumabas na artikulo sa National Geographic Magazine sapagkat mayroong bias laban sa mga kinagawian ng Simbahan.

Tungkol sa nakalipas ni Msgr. Garcia, ang usaping ito'y naiparating na sa Holy See at mayroon ng ginawang pagsisiyasat bago pa man pumutok ang kontrobersya. Nagawa na umano ni Arsobispo Palma ang kautusan ng Holy See sa pagsusumite ng mga dokumento at nagkaroon na ng pagkilos hinggil sa usapin.

Nilinaw din ni Arsobispo Palma ang ilang mga bahagi ng artikulo tungkol sa mga imahen ng mga santo. Samantalang totoo na ang mga imahen ay pinagdarasalan sapagkat sa pamamagitan ng mga imahen naipararating at naipadarama ang pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng mga santo, hindi kailanman itinuturo ng Simbahan na ang mga imahen ay ang Diyos mismo o mga santong kanilang kinakatawan. Ang anumang pagsusulong ng idolatry ay taliwas sa itinuturo ng Simbahan, dagdag pa ni Arsobispo Palma.

TRATADO SA JAPAN, PINAGBABALIK-ARALAN

MAGANDA ANG KALAKALAN NG TSINA AT PILIPINAS.  Sa likod ng pagbabalik araw sa tratadong JPEPA ng Pilipinas at Japan, maganda naman ang kalakalan ng Tsina at Pilipinas na ngayo'y umaabot na sa $ 15 bilyon.  Sinabi ni Trade Undersecretary Cristino L. Panlilio (kaliwa) na umaasa siyang matatamo ng dalawang bansa ang target na $ 60 bilyong kalakalan sa taong 2016. (Melo M. Acuna)

ANG kasunduang Japan – Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA ay pinagbabalik-aralan ngayon ng Pilipinas matapos mapuna na mas pabor ito sa bansang Hapon. Ito ang binanggit ni Trade Undersecretary at Board of Investments Managing Head Cristino Panlilio.

Sa idinaos na pakikipagtalakayan sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga, nababahala ang Pilipinas sapagkat kakaunti ang nakakapasok sa Japan na mga caregiver at nurses. Ani Ginoong Panlilio, lubhang mataas ang pamantayan ng Japan kaya't kakaunti ang nakikinabang sa itinatadhanang probisyon ng kasunduan.

Ipinaliwanag niya na matapos ang pagbabalik-aral, tiyak na isusulong ng Board of Investments ang kasunduan.

Samantala, sa pagkakaroon ng "tensyon" sa pag-itan ng Tsina at Japan, may ilang kumpanyang Japones na nagtungo na sa Board of Investments at nagtanong kung paano nila malilipat ang kanilang mga korporasyon sa Pilipinas. May talaan na umano ang Pilipinas ng nangungunang 15 mga korporasyong nanatili sa Pilipinas sa loob ng nakalipas na mga taon.

Ibinalita ni Ginoong Panlilio na sa unang bahagi ng taon ay nagkaroon na ng 23 business missions na binubuo ng lima o higit pang mga kumpanya o negosyante ang dumalaw sa Board of Investments. Noong nakalipas na taon ay nagkaroon ng 18 business missions samantalang noong 2010 ay sampung delegasyon lamang ang dumalaw sa kanilang tanggapan at nagtanong ng mga kalakal na mapapasukan nila.

Ang pinakahuling dumalaw ay mga investment bankers mula sa Europa, mga nagmula sa Scandinavia na mayroong anim o pitong fund managers.

Sa larangan ng kalakal ng Pilipinas at Tsina, kahit pa mayroong hindi pagkakaunawaan sa isyu ng South China Sea, sinabi ni Ginoong Panlilio na umaabot na ang kalakal sa pagitan ng dalawang bansa sa halagang $ 15 bilyon at malaki ang posibilidad na matamo ang $ 60 bilyon kalakalan sa taong 2016.

"Isang super-supermarket ang Tsina," sabi ni Ginoong Panlilio lalo't nagbukas na sila ng pinto para sa mga produktong mula sa ibang bansa. Isa na umanong domestic-oriented economy ang Tsina lalo't higit sa 1.3 bilyon ang mga mamamayan nito. Sa oras na patuloy na umunlad ang nasa kanlurang bahagi ng Tsina, magiging isang "self-sufficient economy" ang bansa.

Sa pagtaas umano ng domestic demand sa pagkain, tubig at iba pa, tiyak na may papasok na banyagang mangangalakal sa Pilipinas. Kaya nga lamang ay naghahanap sila ng tahimik at payapang mga paglalagakan ng kalakal, maayos na mga alituntunin, matatag na pamahalaan at mayroong katanggap-tanggap na pamamalakad ng mga namumuno.

Bukod sa Board of Investments, mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng PEZA at 12 iba pang mga tanggapang sangkot naman sa physical locations tulad ng SBMA, Clark, Phividec, atbp.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>