|
||||||||
|
||
Bilang bahagi po ng ating serye tungkol sa CAExpo at Rehiyong Awtonomo ng Guangxi, ngayong gabi ay bibigyan naman natin ng isang espesyal na sulyap ang bayan ng Yangshuo, sa lunsod ng Guilin, Guangxi, Tsina.
Noong nakaraang taon ay pinalad po kami ni Pareng Ernest na maanyayahang magpunta sa lugar na ito, at nais naming muling ibahagi sa inyo ang aming mga naging karanasan, at upang muling ipakilala ang lugar na ito ng Tsina.
Mula sa Nanning, tumulak kami papuntang Guilin sa pamamagitan ng bus. Halos limang oras ang biyahe at medyo nainip rin kami. Pero, nang marating namin ang lunsod, at nakita ang mga magagandang kabundukan at tanawin dito, napawi lahat ang aming pagod.
Pagdating pa lang ay nilibot namin agad ang mga magagandang pasyalan. Ipinatikim din sa amin ng aming host (taga-Guangxi TV) ang mga tradisyunal na pagkain ng Lahing Zhuang ng Guilin, at talaga namang nabusog kami.
Kinabukasan, nagkaroon naman kami ng pagkakataon na mapuntahan ang Ilog Li o Li Jiang sa wikang Tsino. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, habang binabagtas ang mahaba at napakagandang ilog na ito.
Para bang inilipad ako sa sinaunang Tsina, habang pinagmamasdan ko ang mga bundok sa ilog na ito. Marahil, dahil malayo ito sa Tsinang nakagisnan ko: malayo sa mga naglalakihang gusali at mga sasakyan ng Beijing, at malayo sa ingay ng kalunsuran.
Ayon pa nga sa ilang mga residente ng Guilin, isang kilalang manunulat na Tsino mula sa Dinastiyang Tang ang sumulat ng maraming tula hinggil sa ilog na ito. Hindi ko siya masisisi dahil talaga namang nakabibighani ang kagandahan ng lugar na ito. Ang ilog pong ito ay napaliligiran ng mga naglalakihan at naggagandahang bundok, na karaniwang makikita sa sinaunang Tsina.
Ang lugar na ito ang siya ring tanawing nakaimprinta sa likod ng 20 RMB.
Nang marating namin ang bayan ng Yangshuo, lalo akong napahanga. Ito ay isang maliit na bayan na napaliligiran ng kabundukan at Ilog Jiang.
Masasabi kong ito ay isa sa mga lugar na pinakamaganda sa mundo, na puwedeng ikumpara sa Palawan, Boracay, at Bohol ng Pilipinas.
Ang Guilin po ay isa sa mga nahirang na Top 10 Cultural Cities ng Tsina noong taong 2011. Sa ating palagay, karapat-dapat lang pong hirangin ang Guilin, partikular ang bayan ng Yangshuo na isa sa mga Top 10 Cultural Cities ng Tsina.
Ang klima rito ay may kalamigan at malinis ang hangin. Nagkaroon din kami ng pagkakataon na libutin ang lunsod, gamit ang bisikleta.
Ipinagmalaki rin ng mga taga-Yangshuo ang kanilang kultura sa pamamagitan ng isang cultural show na ginanap sa tabi ng Ilog Jiang. Ipinakita nila ang kanilang makukulay na kasuotan at magagandang visual effects sa pamamagitan ng isang tradisyunal na pagtatanghal.
Nang matapos ang palabas, naisip ko na masuwerte ang mga mamamayan sa bayan na ito, dahil mayroon silang napakagandang kalikasan at kultura na maari nilang maipagmalaki saan mang dako ng daigdig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |