Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Karahasan sa loob ng tahanan, ikinabahala

(GMT+08:00) 2012-09-27 18:46:41       CRI

DUMARAMI ang bilang ng mga kalalakihang nananakit ng kanilang mga asawa sa lalawigan ng Catanduanes. Ito ang napuna ni Virac Bishop Manolo delos Santos sa ginawang panayam ng CBCPOnline Radio sa Fiat House sa Virac ngayong hapon.

Sinabi ni Bishop Delos Santos na sa pagkakataong ito ay magtatayo na sila ng half-way house para sa mga babaing kailangang ilayo sa nananakit na mister. Idinagdag ng obispo na pinaghahandaan na nila at ng isang kongregasyon ng mga madreng dalubhasa sa ganitong usapin ang pagtatayo ng halfway house.

Sa panig naman ni Atty. Ruel Borja, District Public Attorney ng Public Attorney's Office na hindi lumilipas ang linggo at mayroong reklamong ipinararating sa kanilang tanggapan na humihiling ng Temporary Protection Order with prayer for Permanent Protection Order.

Naniniwala ang obispo at ang abogado ng pamahalaan na nararapat pagtulungan ang pagbibigay ng proteksyon sa mga maybahay na nagiging biktima ng karahasan.

NANGUNGUNANG MINAHAN, PINAGMUMULTA NG P 1 BILYON

DAHILAN sa paglabag sa nilalaman ng Mining Act of 1995, pinagmumulta ng Department of Environment and Natural Resources ng P 1 bilyon ang PhilEx Mining Corporation.

Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat of Social Action, Justice and Peace, ang multa ay nag-ugat sa tumagas na sump pond sa Pacdal gold-copper operations sa Itogon, Benguet na naglabas ng mga basura mula sa mga minahan noong buwan ng Agosto.

Lumiham na ang DENR sa PhilEx kahapon ay pinagmumulta ang kumpanya ng higit sa isang bilyong piso sapagkat hindi nila napigil ang pagtagas ng mga basurang mula sa tailings pond.

Ang lumagda sa liham ay si Mines and Geociences Bureau Director Leo Jasareno. May pitong araw ang mga taga minahan upang sumagot sa liham ng pamahalaan.

Hindi pa kasama sa multa ang mga paglabag sa iba pang mga batas na may kinalaman sa kalikasan tulad ng Clean Water Act. Ibang multa ang ipapataw sa PhilEx Mines.

Nauna ng sinabi ni Kalihim Ramon Paje ng DENR na ang multang higit sa isang bilyong piso ay binubuyo ng P 975 milyong piso sa pinsala sa paglabag sa Mining Act samantalang mayroong P 8.4 milyon para sa water pollution.

PANGALAWANG PANGULONG BINAY, NAGPASALAMAT SA BAGONG KALAKARAN NG SAUDI ARABIA SA MGA KASAMBAHAY

IPINAGPASALAMAT ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang desisyon ng Kaharian ng Saudi Arabia na alisin ang pagbabawal sa pagpasok ng mga kasambahay na Pilipino sa kanilang nasasakupan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ginoong Binay na higit sa pag-aalis ng pagbabawal, nakita niya ang pagpapahalaga ng pamahalaan ng Saudi Arabia sa pagbibigay ng kaukulang proteksyon sa mga kasambahay sa pamamagitan ng dagdag na sahod.

Umaasa ang pangalawang pangulo na higit na gaganda at bubuti ang katayuan ng mga kasambahay.

Ipinaabot na umano ng kaharian ang lahat ng kailangang tulong upang maipagsanggalang ang mga manggagawang Pinoy, dagdag pa ni Ginoong Binay.

Sa mga nakalipas na pagdalaw, sinabi niya na kainausap niya ang mga autoridad sa pagpapauwi ng libu-libong mga manggagawa at tinanggap naman ng maayos ang kahilingang ito. Sa mga pangyayaring ito, higit umanong yumayabong ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

PAG-UUSAP AT PAGTUTULUNGAN, MAHALAGA SA KATATAGAN NG TIMOG-SILANGANG ASIA

SINIMULAN na ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang isang pambansang estratehiya ng competitiveness at kaunlarang madarama ng nakararaming mamamayan na buod ng kanyang Social Contract sa mga Pilipino.

Sinabi ni Kalihim Albert F. del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, sa kanyang talumpati sa Philippine Conference sa Washington, D. C. kahapon, na ang magandang pamamalakad ang siyang nilalaman ng kanyang mga palatuntunan. Ani Ginoong del Rosario, ang magandang pagpapatakbo ng pamahalaan at ang transparency ay nagbubunga ng matipunong ekonomiya. Ito rin ang sasabihin ng mga economic manager ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Kalihim del Rosario na nananatiling matatag ang Pilipinas kung macroeconomic terms ang pag-uusapan. Patuloy umanong tumataas ang antas ng pagtitiwala ng mga nasa daigdig ng kalakal.

Isinusulong pa rin ng Pilipinas ang pagiging bukas, handang makipag-usap at makipagbakas sa daigdig ng kawalang katiyakan, hindi maliwanag na security environment at matinding globalisasyon.

Tatlong mahahalagang bagay ang prayoridad ng Pilipinas, ang pagbabantay sa pambansang seguridad, pagpapayabong ng pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng economic development at pagsasanggalang sa karapatan at kalagayan ng mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa.

Niliwanag ni Ginoong del Rosario na upang matamo ang mga minimithing ito, lalong lalo na sa Timog Silangang Asia, Silangang Asia at Kanlurang Pasipiko, binigyan niya ng prayoridad ang pag-uusap at pagtutulungan na siyang magiging dahilan upang matamo ang kaunlaran.

Ginagawa na ng Pilipinas ang lahat upang magkaroon ng maayos na political, security at economic architecture para sa bagong daigdig ng bagong siglo. Aktibo umano ang Pilipinas sa ASEAN, sa ASEAN dialog relationships, sa ARF at EAS. Sa taong 2015, ang Pilipinas ang magiging host ng Asia-Pacific Economic Cooperation.

Ang malumanay na pagtugon sa krisis sa kanlurang bahagi ng South China Sea ay nagpapagunita lamang na marami pang nararapat gawin.

Nagpaliwanag pa si Ginoong del Rosario na ang pagkakaroon ng maayos na bakuran ang dahilan ng mas magandang pagkakapit-bahayan kaya't layunin ng Pilipinas na magkaroon man lamang ng kapani-paniwalang defense posture na may kakayahang ipagtanggol ang nasasakupan mula sa kalupaan hanggang sa karagatan.

Prayoridad din ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng mga mamamayan at pagbabawas ng kahirapan. Isinasama na rin dito ang foreign policy sapagkat kailangang madagdagan ang exports, maitaas ang bilang ng investors, magkaroon ng umento sa investments, madagdagan ang bilang ng mga turista, maisaayos ang teknolohiya at magkaroon ng mas maraming trabaho sa loob ng Pilipinas.

Nagpasalamat din si Kalihim del Rosario sa nangasiwa ng Philippine Conference na sina Dr. John Harme, Pangulo ng CSIS, Asst. Secretary Kurt Campbell at Assistate Secretary Mark Lippert. Dumalo rin sina Kalihim Cesar Purisima at Lilia de Lima. Nakasama rin si Philippine Ambassador to Washington Jose L. Cuisia sa pagtitipon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>