|
||||||||
|
||
TULONG SA MGA KASAMBAHAY NA INABUSO, TIYAK NA. Nangako si Catanduanes Governor Joseph C. Cua na sasagutin ng kanyang pamahalaang panglalawigan ang gastos sa pamasahe ng mga biktima ng karahasang sa hanay ng mga kasambahay. Tiniyak ni Governur Cua ang ayuda sa paglalakbay patungong Maynila sa pakikipag-usap kay Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta ng dumalaw ang pinuno ng Public Attorney's Office sa Virac, Catanduanes. Si Atty. Acosta ang abogada ni Bonita Baran, ang kasambahay na pinahirapan umano ng kanyang mga amo sa Quezon City. (Larawang kuha ni Melo M. Acuna)
MALAKI ang posibilidad na lumabas pa ang mga kasambahay na tubong Catanduanes na naging biktima ng mga pang-aabuso matapos mangako si Gobernador Joseph Cua ng buong suporta sa kanyang pakikipagpulong kay Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta.
Sinabi ni Gobernador Cua na nararapat nilang tulungan ang mga biktima sapagkat malaki ang posibilidad na wala silang kakayahang magreklamo dala ng kanilang kahirapan. Nababatid lamang nila ang mga insidenteng ito sa oras na lumabas na sa media. Nagpasalamat pa si Gobernador Cua sa media na naglabas ng karanasan ng pinakahuling biktima, ang kanyang kababayang si Bonita Baran, ang 21 taong-gulang na kasambahay na nabulag at napinsala ang pangangatawan dahilan umano sa pananakit ng kanyang pinaglingkuran.
Nabalitaan na lamang niya ang sinapit ni Baran na tubong Barangay Sagrada, Baras, Catanduanes dahilan sa mga balitang lumabas sa media. Ipinaliwanag ng gobernador na inasikaso na kaagad ng kanyang mga kawani ang pangangailangan ng biktima kaya't hindi na niya personal na nalaman kaagad.
Ibinalita pa ng gobernador na tila mayroon pang isang kasambahay na ginamitan umano ng martilyo ng naging amo. Hindi naman kinilala ng gobernador kung sino ang amo sa Maynila.
Nagpasalamat si Atty. Rueda-Acosta kay Gobernador Cua sa itinulong niya sa pagpapadala ng dagdag na saksi sa usapin ni Bonita Baran na ngayo'y nasa ilalim ng Witness Protection Program ng Kagawaran ng Katarungan.
Kalihim del Rosario at Hague nag-usap sa U.N. General Assembly
NAGKAROON ng magandang pag-uusap sina British Foreign Secretary William Hague at Kalihim Albert F. del Rosario kahapon, ika-27 ng Setyembre sa idinaraos na pagpupulong ng United Nations General Assembly sa New York.
Sa pahayag na inilabas ng British Embassy sa Maynila, nabatid na napag-usapan nila ang mga usaping may kinalaman sa seguridad, kalakal at pagnenegosyo. Naging paksa rin ang bilateral at international relations.
Inulit ni Ginoong Hague ang pagpanig ng pamahalaang Ingles sa Mindanao Peace Process.
Ayon kay British Ambassador to Manila Stephen Lillie na ang pulong ay pagpapakita lamang ng patuloy na lumalago at magandang sa relasyon ng Pilipinas at ng United Kingdom.
Idinagdag pa ni Ambassador Lillie na ang pagpupulong ay isang magandang okasyon upang mapag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa relasyon ng Pilipinas at Inglatera. Umaasa rin siya ng magiging makabuluhan ang mga pagdalaw ng high level missions sa darating na huling bahagi ng 2012.
Isa umanong mahalagang kabalikat ng United Kingdom and Pilipinas at ang mga paguusap na ito ang higit na maglalapit sa dalawang bansa sa pagtutulungan at pagkakaibigan.
Bicameral report, ipinasa na sa kongreso para sa sandatahang lakas
PINAHABA ang panahong ipatutupad ang Armed Forces of the Philippines Modernization Act ng panibagong 15 taon matapos ipasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6410 bicameral conference report.
Isa ito sa mga nagawa ng Mababang Kapulungan bago nagtapos ang sesyon kamakailan. Nakapasa rin sa Senado ang Senate Bill 3164 na nagsasaayos ng AFP Modernization Program.
Ang lupon ng mga kongresista ay pinamunuan ni dating AFP Chief of Staff at ngayo'y Muntinlupa Congressman Rodolfo Biazon, chairman ng House Committee on National Defense samantalang ang panig ng Senado ay pinamunuan ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committees on National Defense and Security at Accounts.
Ang isinaayos na AFP Modernization Program ang bubuo at magbabago ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang maging isang multi-mission oriented force na makakatugon sa mga peligrong mula sa loob at labas ng bansa.
Fr. Bossi, dating Mindanao kidnap victim, inilibing na
INILIBING na ang dating kidnap victim, si Fr. Giancarlo Bossi, ang misyonerong mula sa Pontifical Institute for Foreign Missions. Dumalo sa seremonya ang may isang libo katao.
Naganap ang seremonya noong Martes at dinala ang kabaong ni Fr. Bossi sa parokya sa Castelleto di Abbiategrasso, ang bayang sinilangan ng misyonero.
Napakaliit umano ng simbahan kaya't sa patio idinaos ang seremonya. Nagpadala ng mensaheng binasa sa Misa si Cardinal Angelo Scola ang Arsobispo ng Milan.
Ginunita ng cardinal si Fr. Bossi bilang isang alagad ng pananampalataya, simbolo ng lakas at kaligayahan at misyonerong nagpalaganap ng Mabuting Balita.
Magugunitang nasawi si Fr. Bossi noong Linggo dahilan sa cancer sa Humanitas Clinic sa Rozzano sul Naviglio sa Milan sa edad na 62.
Nabantog si Fr. Bossi matapos dukutin ng isang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front sa Payao, Zamboanga Sibugay noong Hunyo 2007. Bumalik siya sa Pilipinas matapos ang dagliang bakasyon sa Italya at pakikipagkita kay Pope Benedict XVI sa isang okasyon sa labas ng Vaticano.
Ayon sa PIME, marami ring mga Pilipinong nasa Milan ang dumalo sa seremonya kasama ang kanilang community chaplain.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |