Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pag-uusap ng Pilipinas at Tsina, mahalaga

(GMT+08:00) 2012-10-01 17:06:14       CRI

WALANG mas mahalaga sa relasyon ng Tsina at Pilipinas kungdi ang pag-uusap ng magkabilang panig upang manatili ang matatag na relasyon. Ito ang sinabi ni Chito Sta. Romana, dating ABC News Bureau Chief sa Beijing sa panayam ng CBCP Online Radio.

Ginunita rin ni Ginoong Sta. Romana ang kaunlarang naganap sa Tsina mula ng siya'y makarating sa Beijing noong 1971. Ayon sa tanyag na taga-pagbalita, mas maliit ang paliparan ng Beijing kaysa sa Manila International Airport noong dekada sitenta. Mula noon ay unti-unti nang umunlad ang Tsina sa mga eksperimentong ginawa ng liderato ng bansa sa pagtatayo ng economic zone sa tabi ng Hong Kong. Ngayon, sabi ni Ginoong Sta. Romana, ay halos lahat ng bahagi ng Tsina ay mayroon nang special economic zones.

PAG-UUSAP PA RIN ANG MAHALAGANG GAWIN SA PAGITAN NG TSINA AT PILIPINAS.  Ito ang sinabi ni Ginoong Chito Sta. Romana, dating Chief ng ABC News Beijing Bureau sa panayam ng CBCP Online Radio ngayong ika-63 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Republic of China.

Sa larangan ng diplomasya, mahala ang pagkakaroon ng klaradong paninindigan ang Pilipinas at dapat lamang na manatiling iisa ang tinig ng bansa sa pakikipagnegosasyon sa kalapit-bansa nito.

Inirekomenda ni G. Sta. Romana na nararapat manatili ang contact ng Pilipinas sa mga namumuno sa Tsina tulad ng dating Ambassador sa Pilipinas na si Fu Ying na ngayo'y Deputy Foreign Minister na ng Tsina. Naiwasan sana ang tensyon kung nakapagpadala ng backdoor negotiator ang Pilipinas sa Tsina.

Malaki rin ang nagawa ng pagpapadala ni Pangulong Aquino kay Kalihim Mar Roxas sa Nanning sa 9th CAEXPO. Magugunitang nagkausap sila ni Ginoong Xiu Jinping, pangalawang pangulo ng Tsina at nababalitang hahalili kay Pangulong Hu Jintao.

Malaki rin ang nagawa ng backdoor negotiations ni Senador Sonny Trillanes IV sapagkat humupa ang tensyon sa Panatag Shoal. Sinabi ni G. Sta. Romana na ang pinakamakasaysayang backroom negotiations sa Tsina ay ang ginawa ni Henry Kissinger bago naluklok na Secretary of State ni Pangulong Richard Nixon. Nabuksan ang relasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng backroom negotiations.

MARINONG PILIPINO, PINARANGALAN NI PANGALAWANG PANGULONG BINAY AT NG SIMBAHANG KATOLIKO

HINDI maitatanggi ang kontribusyon ng mga marinong Pilipino. Ito ang sinabi ni Pangalawang Pangulong Jemomar C. Binay sa pagdiriwang ng Ika-17 National Seafarers' Day sa punong himpilan ng Philippine Coast Guard kahapon ng umaga. Ang pagdiriwang na ito ang itinataguyod ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa pamamagitan ng Apostleship of the Sea ng Scalabrinians.

Sa halos apat na dekada, ang Pilipinas ang nangunang nakapag-ambag ng mga magdaragat sa pinakamalalaking kumpanya sa buong daigdig. Humihigit pa sa 300,000 mga magdaragat ang nasa iba't ibang bahagi ng daigdig ngayon.

Ayon kay Ginoong Binay, hindi lamang basta magdaragat ang isang marinong Pilipino sapagkat isa siyang tagapagtustos ng magandang kinabukasan para sa kanyang mahal sa buhay. Ang bawat marino'y halimbawa ng galing ng Pilipino.

Malaki na rin ang nagawa ng Pilipinas sapagkat sumangayon na ang Senado sa Maritime Labour Convention 2006 ng International Labour Organization o ILO at 30 bansa na ang nagratipika ng MLC. Maipatutupad na ang nilalaman ng alituntuning ito, dagdag pa ni Ginoong Binay. Mula sa susunod na taon, makatitiyak na ang mga magdaragat ng proteksyon sa kanilang mga karapatan.

Binanggit din ni Ginoong Binay ang paglagda ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Executive Order No. 75 na kumikilala sa Maritime Industry Authority o MARINA na tanging ahensya ng pamahalaan na mangangasiwa sa pagpapatupad ng 1978 International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers o STCW Convention.

MGA BIKTIMA NG BAGYONG SENDONG SA ILIGAN, TATANGGAP NA NG BAGONG BAHAY

HIGIT sa 300 pamilya ang magkakaroon ng bagong bahay sa pamamagitan ng Qatar Red Crescent, Australian Aid, Iligan City Government, Department of Public Works and Highways at Philippine National Red Cross sa gagawing pagpapasinaya sa Red Cross Village sa Barangay Digkilaan, Lungsod ng Iligan.

Magugunitang rinagasa ng matinding pagbaha ang Iligan City noong nakalipas na Disyembre ng 2011 na ikinasawi ng maraming mamamayan ay ikinapinsala ng mga tahanan at mga pagawaing bayan.

Sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga kabalikat ng Philippine National Red Cross nabuo ang proyekto. Sa gagawing pagbabasbas at pagpapasinaya, magiging panauhin sina Saleh Al Mohannadi, secretary general ng Qatari Red Crescent at Octavia Borthwick, Minister Counsellor ng Australian Agency for International Development at Engr. Irvine Sumagang, Pangulo ng Philippine Institute of Civil Engineers. Magsasalita rin si Governor Richard Gordon, Chairman at Chief Executive Officer ng Philippine National Red Cross.

Ang mga benepisyaryo ay tatanggap ng mga bagong bahay sa higit na ligtas na lugar. Magugunitang sa lakas ng baha noong nakalipas na Disyembre, pansamantalang nawalan ng tahanan ang mga biktimang nasa tabing-ilog.

EU AMBASSADOR LEDOUX, SUMAKSI SA MGA DISASTER-RISK REDUCTION PROGRAM NG TIMOG LEYTE

DUMALAW si European Union Ambassador Guy Ledoux sa Saint Bernard, Southern Leyte at sumaksi sa mga palatuntunang ipinatutupad sa pook upang makaiwas sa panganib dulot ng pagguho ng lupa tulad ng naganap noong 2006 na ikinasawi ng maraming mga mamamayan.

Ang palatuntunan ay nasubok kamakailan sa pagyanig ng lupang may lakas na 7.6 magnitude sa Kabisayaan. Naging madali ang paglikas ng mga mamamayan dahilan sa pagsasanay na ginawa ng makailang-ulit.

Ayon kay Ambassador Ledoux, higit na gumanda ang paghahanda ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsasanay. Tiyak ang suporta ng European Union sa ganitong mga palatuntunan, dagdag pa ng ambassador.

Magugunitang nagbigay ang European union ng P 20 milyon sa St. Bernard samantalang nag-ambag naman ang munisipyo ng P 2.6 milyon.

Mula 2012 hanggang 2013, may inilaan ang European Union na P 130 milyon para sa disaster preparedness sa buong bansa.

Naging panauhin si Ambassador Ledoux sa National Conference for Effective Disaster Risk Reduction, Climate Change Adaptation Practices na idinaos sa Leyte noong nakalipas na linggo. Naganap ang pulong sa pagtataguyod ng Asia-Pacific Institute for Green Development, Local Government ng St. Bernard, Care-Netherlands, GIZ at ng European Union.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>