|
||||||||
|
||
Wan Shang Hao mga kumare at kumpare, at mga kababayan, saan man kayo naroroon. Magandang gabi po. Katatapos lang noong Lunes ang 8 araw na bakasyon dito sa Tsina. Ito ay dahil sa selebrasyon ng Mid-Autumn Festival at National Day; ito rin ang pinakamahabang bakasyon ng bansa sa taong ito. Dito po sa CRI, sigurado akong marami pa rin ang may hangover ng bakasyon; kasama na po ako doon.
Mga kababayan, nito pong nakaraang bakasyon ay talagang napakarami ng mga taong nagbiyahe papunta sa mga scenic spots ng Tsina. Dahil dito, sa kabila ng pagsisikap ng mga awtoridad ay nagkaroon ng mga di-inaasahang pangyayari at aksidente. Ayon sa mga eksperto, dahil ito sa kakaunting bilang ng piyesta opisyal ng bansa. Dalawa lamang ang mahabang piyesta opisyal sa Tsina. Ang una ay ang pinagsamang National Day at Mid-Autumn Festival at ang pangalawa ay ang Spring Festival.
Isa sa mga kilalang pasyalan sa loob ng Summer Palace
Bukod pa riyan, ang bayad na bakasyon o paid vacation leave ay hindi masyadong iniimplimenta ng mga pribadong kompanya: kaya naman, sa mga panahon ng mahabang bakasyon, lahat ng mga mamamayan at manggagawa ay nagsisiksikan sa lahat ng uri ng transportasyon upang umuwi sa kani-kanilang mga probinsya o mamasyal sa ibat-ibang lugar sa loob at labas ng bansa. Ito ang nagiging dahilan ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko, aksidente, at iba pang di-inaasahang mga pangyayari.
Ayon sa National Tourism Administration ng Tsina, lahat ng 119 na pangunahing scenic spots ng bansa ay tumanggap ng 34.25 milyong bisita sa loob ng 8 araw na bakasyon. Ito ay mas mataas ng 21 porsiyento kumpara sa estadistika ng parehong panahon ng tinalikdang taon. Ang paggasta naman ng mga turista ay tumaas ng halos sangkaapat mula noong isang taon. Ito ay nasa 1.77 bilyong yuan o $278 milyon ngayong taon.
Isang bagong polisiya ang inilunsad din ng pamahalaan upang makatulong sa mga biyahero. Ayon dito, sa kahabaan ng bakasyon, libre ang toll fee ng lahat ng sasakyan na mas mababa sa 7 ang bilang ng upuan. Ito ay upang pababain ang bilang ng mga pasahero sa mga terminal ng tren at paliparan. Ngunit, sa halip na makatulong, nagresulta ito sa pagtaas ng bilang mga sasakyan sa lansangan, at nakatulong ito sa pagkakabuhul-buhol ng trapiko. Bukod pa rito, hindi rin bumaba ang bilang mga pasahero sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon pa sa NTA, mula noong Sabado ng hapon, ang mga lansangan at expressway papunta sa mga malalaking lunsod na tulad ng Beijing, Shanghai, Guangzhou, at Wuhan ay nagsimulang nagkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko. Samantala, 81 milyong biyahe sa kalsada ang nangyari noong Sabado; ito ay mas malaki ng 7.6 porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Sa mga daang-tubig naman, 1.8 milyong biyahe ang naganap din noong Sabado: ito ay mas malaki ng 11.2 porsiyento kaysa noong nakaraang taon.
Mga pasahero ng Bozhou Train Station sa probinsya ng Anhui, habang nakapila sa check-in counter noong Linggo
Sinabi naman ng mga awtoridad ng trapiko ng Beijing, tinatayang mahigit sa 1.7 milyong kotse ang bumalik sa Beijing noong Linggo. Ito ay mas marami ng 40 porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Napilitan namang isara ng mga pulis trapiko noong Linggo ng hapon ang Zhuji section ng Zhuji-Yongjia highway na matatagpuan sa probinsyang Zhejiang dahil sa sobrang congestion. Samantala, isinara rin ang bahagi ng Jinzhong section ng Erenhot-Guangzhou highway sa probinsyang Shanxi dahil sa mga aksidente.
Sa probinsyang Gansu, sinabi ng Lanzhou Railway Bureau na "crowded" ang mga tren na patungong Beijing, Shanghai, Guangzhou, at Shenzhen. Sa Yinchuan, kapital ng Ningxia Hui Autonomous Region, sold out ang mga tiket papuntang Beijing, Shanghai, Xi'an, Zhengzhou, at Guangzhou.
Sa Chengdu Shuangliu International Airport ng probinsyang Sichuan sold out din ang mga tiket sa Sunday flights papuntang Beijing, Shanghai, at Wuhan. Ayon sa mga airport authority, hindi sila nagbenta ng tiket hanggang noong Martes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |