|
||||||||
|
||
Mga manggagawang pilipino sa ibang bansa, dumami sa paglipas ng taon
MULA sa 36,035 na manggagawang Pilipino noong 1975, nakarating sa higit sa isang milyon ang mga manggagawang nasa iba't ibang bansa noong 2006. Noong 2010, tinataya na naabot na ang bilang na 1.47 milyon o mas mataas ng 38.4% sa bilang noong 2006.
Ayon sa National Statistics Coordination Board, noong 2011, lumago pa ng 15.4% ang mga manggagawa sa pagkakaroon ng 19.5% increase sa land-based workers at 2.5% sa mga magdaragat na hindi lamang seafarer o marino kungdi mga tauhan sa mga cruise ships. Ang patuloy na pagdami ng mga manggagawang lumalabas ng bansa ay dahilan sa patuloy na pangangailangan ng iba't ibang kumpanya sa mga Pilipinong handang mangibang-bansa.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Authority, ang mga OFW sa Gitnang Silangan at mga bansa sa Asia na hindi kabilang sa mga bansang Arabo, ang kinalalagyan ng mga manggagawa noong 2010. May 60.9% ng mga OFW ang nasa Middle East samantalang ang 25.0% ay nasa mga bansa sa Asia na hindi kinabibilangan ng mga bansang Arabo.
Kung ihahambing ang datos noong 2010 sa datos noong 2000, bumaba ang bilang ng mga manggagawa sa ibang bansa ng Asia at Europa subalit nadagdagan naman sa Americas at Gitnang Silangan. Kung noong 2000 ay mayroong 44% ng mga manggagawa ang nasa Gitnang Silangan, tumaas pa ito at nakarating sa 60.9% o higit pa sa kalahati ng mga manggagawa noong 2010. Saudi Arabia at United Arab Emirates ang kinalalagyan ng pinakamaraming manggagawa sa Gitnang Silangan noong 2010. Hong Kong at Singapore naman ang top grosser sa Asia.
Ang pagtataya sa bilang na 1,470,806 na manggagawang nasa ibang bansa noong 2010 ang kumakatawan sa 4.0% ng kahat ng mga may trabahong Pilipino sa bansa na naitala sa bilang na 36,488,781 katao noong isagawa ng National Statistics Office 2010 Labor Force Survey.
Natuklasan din ng NSCB na patuloy na lumalaki ang kita ng mga manggagawang nasa ibang bansa kaya't lalong tumaas ang estimates ng Gross National Income. Ang Gross National Income ang kumakatawan sa Gross Domestic Product matapos ang pagsusuri sa net primary income mula sa ibang bansa na karamiha'y compensation ng mga OFW maliban sa property income at property expenses na itala bilang bahagi ng income of the economy from the rest of the world.
MGA BRODKASTER, MAGTATANIM NG PUNO
Bukas, magtatanim ng puno ang mga Broadkaaster na kasapi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa buong kapuluan. Tatlumpu't siyam na tsapter ang kalahok. Ayon kay KBP Chairman Herman Basbano, mahalaga ang pagtutulungang ito ng KBP, pamahalaan at mga volunteer upang makatulong sa pagsasaayos ng kapaligiran.
MANGUNGUNA ang mga brodkaster ng Pilipinas sa pagtatanim ng puno bukas sa iba't ibang bahagi ng kapuluan sa ilalim ng KBP Oplan Broadcastreeing Project. Ang mga brodkaster sa Metro Manila ay magsasama-sama sa pagtatanim ng puno sa Purok Baytangan, Barangay Pintung Bukawe sa San Mateo, Rizal.
Ayon kay KBP Chairman Herman Basbano, 39 na mga tsapter sa buong kapuluan ang kalahok sa pagtatanim ng puno sa pangangasiwa ng tree-planting committee. May pakikipag-ugnayan na sa Department of Environment and Natural Resources na siyang naglaan ng pook na pagtatamnan ng puno. May pagtutulungan na rin sa mga ehekutibo ng Department of Interior and Local Government at nangalap na sila ng mga makakasama sa pagtatanim ng puno.
Kaakibat ng pagtatanim ang mumunting patimpalak sa mga tsapter na may pinakamaraming punong naitanim at naalagaan na kailangang may sertipikasyon ng DENR at DILG.
Idinagdag pa ni Chairman Basbano na bahagi ito ng pakikipagtulungan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa palatuntunan ng pamahalaan na maibalik ang maayos na kalagayan ng kapaligiran. Kasama sa programang ito ang pagmumulat sa madla sa halaga ng maayos na kapaligiran at kabutihan sa mga mamamayan.
KALAKAL MAS MABUTI NGAYONG 2012
ISANG dating backyard industry na may kawaning 40 may 26 na taon na ang nakalilipas at ngayo'y may isang libong manggagawang may tatlong grupong naghahalinhinan ng tigwawalong oras ang nakatuon ang pansin sa export market.
Ayon kay Ginoong Prudencio S. Garcia, pangulo ng Mekeni Food Corporation sa Balubad, Porac, Pampanga, higit na maganda ang kalakalan ngayon kung ihahambing sa nakalipas na taon. Ang Mekeni Food Corporation ay gumagawa ng mga hot dog, chicken at pork tocino, hamon at longganisa.
Sa ginawang panayam ng CBCP Online Radio samantalang idinaraos ang 38th Business Congress and Exposition ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, sinabi ni Ginoong Garcia na base sa kanilang karanasan, patuloy na gaganda ang galaw ng pamilihan sapagkat may idaraos na halalan sa susunod na taon.
Ang bentahan sa huling bahagi ng taon, mula ngayong Oktubre hanggang Disyembre ay maitutuing na peak season dahilan sa kaugalian ng mga Pilipinong maghanda pagsapit ng Pasko. Sa unang bahagi ng taong 2013, inaasahan din ni Ginoong Garcia ang pagtaas ng demand para sa processed meat.
Hindi umano sila nagkukulang ng supply ng raw materials sapagkat bumaba pa ang presyo ng mga karneng baboy sa Pilipinas kung ihahambing sa nakalipas na taon. Binawasan na rin nila ang kanilang pag-aangkat ng karne mula sa ibang bansa sapagkat malaki ang diperensya ng mga presyo ng local at imported na karne. Isang dahilan marahil, ani Ginoong Garcia, ay ang mababang demand para sa imported na karneng baboy.
Bumaba rin ang presyo ng karneng baboy sa Pilipinas noong nakalipas na Setyembre at may posibilidad na manatili rin ito hanggang sa Disyembre.
Handa na ang kanilang kumpanyang makipagsabayan sa iba pang mga meat processor na may pangalan sa world market sapagkat mayroon na silang ISO Certification na 22000 na angkop sa pagkain, partikular sa food safety. Madali rin umanong tumugon ang kanilang kumpanya sa panlasa ng mga banyagang mamimili. Bagaman, target pa rin nila ang mga Pilipino na nasa loob at labas ng bansa.
Gumaganda naman ang kanilang kalakal sa Dubai at ngayong linggong ito'y nakatakda silang magpadalang-muli ng kanilang kargamento. Umaasa rin siya nab ago sumapit ang Pasko ay makakapagpadala silang muli ng mga produkto sa Dubai. Tumanggi naman si Ginoong Garcia na banggitin kung ilang tonelada ang kanilang ipadadala sa maunlad na lungsod.
Layunin din nilang makapasok sa mga pamilihan sa Asia tulad ng Vietnam, Japan at Hong Kong, bagama't naghihintay pa sila ng bilateral agreement sa pagitan ng Tsina at Pilipinas.
Isa sa mga nangungunang produkto nila ngayon ay ang chicken tocino na mabilis na nabibili. Dalawang buwan pa lamang itong nailulunsad at kasabayan ng chicken longganisa at chicken hot dog.
Hindi malimutan ni Ginoong Garcia ang kanilang karanasan sa pagpapalago ng kanilang kalakal na nagmula lamang sa isang backyard industry. Ayon sa kanya, malaki ang pag-asa ng mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa na nakapagtayo ng malaki-laking kalakal. Magkakapatid silang naghanapbuhay sa Saudi Arabia at Alemanya noong mga dekada nobenta.
LIBU-LIBONG PILIPINO, DADALO SA CANONIZATION NI PEDRO CALUNGSOD
DADAGSA ang libu-libong mga Pilipino sa canonization ni San Pedro Calungsod sa darating na Linggo, ika-21 ng Oktubre.
May 5,000 mga pilgrim ang magmumula sa Pilipinas at libu-libong iba pa ang magmumula sa iba't ibang bahagi ng daigdig na sasaksi sa makasaysayang pagdiriwang.
Sinabi ni Fr. Marvin Mejia, Assistant Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na tiyak na madaragdagan ang bilang ng mga Pilipino kung isasama pa ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Italya.
Mayroong 100,000 mga dokumentadong mga Pilipinong naninirahan sa Italya na naging dahilan upang makabilang ang mga Pilipino sa pinakamaraming banyagang nasa makasaysayang bansa.
May 30 mga cardinal, arsobispo at mga obispo ang nakatakdang dumalo sa pagdiriwang.
Sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas, sina Ricardo J. Cardinal Vidal, Gaudencio B. Cardinal Rosales at CBCP President Archbishop Jose S. Palma ang mamumuno sa delegasyon samantalang sa panig ng pamahalaan ay si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang kinatawan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Dadalo rin si Senator Jinggoy Estrada.
Ayon kay Ginang Henrietta De Villa, chairperson ng pambansang komisyon sa canonization ni San Pedro Calungsod, tatlong imahen ng pangalawang santo ng Pilipinas ang dadalhin sa Roma. Ang isa ay ang pilgrim image mula sa Cebu, isang imahen ang ibibigay kay Pope Benedict XVI at isa ang ilalagay sa Pontificio Collegio Filipino, ang tahanan ng mga paring Pilipino na nagpapakadalubhasa sa mga paaralan sa Roma.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |