|
||||||||
|
||
Mga kaibigan, noong nakaraang linggo ay napag-usapan natin ang tungkol sa mga nangyaring aberya sa lansangan at pagkakabuhul-buhol ng trapiko, dulot ng pagbiyahe noong nakaraang bakasyon. Ngayong gabi, medyo konektado pa rin dito ang ating paksa; bagamat may kaunting pagkakaiba, dahil sesentro naman tayo sa mga hakbanging ginagawa ng pamahalaang Tsino upang pagaanin ang daloy ng trapiko, lalo na rito sa Beijing, sa pamamagitan ng paggamit ng bisikleta.
Kung sa Pilipinas, ang hari ng kalsada ay ang jeepney, dito sa Tsina, noong dekada sitenta (70), otsenta (80), hanggang nobenta (90), ang namamayagpag at hari sa kalsada ay ang bisikleta. Nang mga panahong iyon, ito ang pangunahing paraan ng pagbibiyahe ng mga tao sa lunsod. Kahit gaano kalayo, nararating pa rin ng mga mamamayan ang kanilang destinasyon gamit ang kanilang mga bisikleta.
Subalit, dahil sa napakabilis na modernisasyon ng Tsina, marami nang mga tao ang iniwan ang kagawiang ito at piniling gumamit ng kotse; bagay na naging sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko.
Si Zhao Liman ay tubong Beijing, at lumaki siya sa lunsod na ito noong "golden age" ng bisikleta —— dekada 70 at 80. Dahil sa kanyang madalas na paglilibot sa lunsod, na ang pangunahing gamit bilang transportasyon ay bisikleta, marami siyang naging mga pambihirang karanasan. Mula 7 taong gulang, upang makarating sa kanyang paaralan, araw-araw na ginagamit ni Liman ang kanyang bisikleta, at nagdaraan siya sa mga maliliit na kalyeng lumalagos sa mga kabahayan, na kung tawagin ay "hutong" (ito ay mga komyunal at tradisyunal na bahay ng mga Tsino noong sinaunang panahon).
Ayon sa kanya, lagi niyang gamit ang kanyang bisikleta, kahit saan man siya magpunta; at kasama ang kanyang mga kaklase, kung saan-saan sila nakakarating, maging ito ay sa Fragrant Hills kapag taglagas, o Summer Palace sa panahon ng tag-init. Ang Summer Palace, aniya pa ay mga 30 kilometro mula sa kanyang tahanan sa downtown area. Sabi pa niya, ang kanilang mga bisikleta noong panahong iyon ay istandard lamang at walang mga espesyal na mga kagamitan na makikita sa mga bisikleta ngayon.
Nang makatapos si Liman ng hayskul, nanirahan siya at kanyang pamilya sa ibang bansa sa loob ng 10 taon. Noong 2006, sa edad kuwarenta (40), bumalik siya ng Beijing. Nagulat siya sa kanyang nakita: ang mga lansangan ay naging napakalapad na, at ang mga ito ay puno ng ibat-ibang uri ng kotse. "Ibang-iba na rin ang hitsura ng kapaligiran," aniya pa. Ang Beijing na nasilayan niya ay hindi na katulad ng Beijing na iniwan niya. Ang pinakamalaking pagbabago, dagdag pa niya ay ang pagkawala ng mga bisikletang naghari sa kalsada noong panahong siya ay nag-aaral pa.
Gayunpaman, parehong nagpakita ng matibay na determinasyon ang munisipal na pamahalaan ng Beijing at sentral na pamahalaan ng Tsina upang ibalik itong "pinaka-people-friendly" na paraan ng transportayon bilang bahagi ng planong pangkaunlaran ng Beijing. Noong unang yugto ng taong ito, pagkatapos inspeksiyonin ang daan-daang lansangan para sa mga bisikleta at sidewalk, at palawakin ang ilan sa mga ito, lalo na sa mga lugar na matatao, isinapubliko ng Beijing Municipal Commission of Transport ang plano upang isaayos ang pamamahala sa may 1,400 kilometrong kalsada.
Samantala, tatlong kagawaran ng sentral na pamahalaan — Ministry of Finance, National Development and Reform Commission, at Ministry of Housing and Urban-Rural Development ang nagsulong ng isang joint policy initiative noong Setyembre ng taong ito. Ayon dito, sa taong 2015, ang mga lunsod na may populasyon na 10 milyon, pataas ay dapat magkaroon ng seryosong programa upang isulong ang pagbibisikleta at paglalakad bilang pangunahing porma ng transportasyon. Ayon pa rito, kailangang umabot ang bilang ng mga nagbibisikleta at naglalakad sa kuwarenta 'y singko (45) porsiyento ng kabuuang bolyum ng trapiko sa mga nasabing lunsod.
Noong Beijing 2008 Olympics, unimpisahan ng pamahalaan ng Beijing ang proyekto ng pagpapahiram ng bisikleta sa mga mamamayan upang maisulong ang muling paggamit nito. Kailangan lang na ipakita ang national ID at magdeposito upang makakahiram ng bisikleta. Pero, pagkatapos ng pagdaraos ng olimpiyada, muling humina ang proyektong ito, at bumalik ang mga tao sa paggamit ng kani-kanilang kotse.
Sa kabila nito, pinagpupursigehan pa ring isulong ng lokal na pamahalaan ng Beijing ang nasabing sistema, sa pamamagitan ng pagbubukas ng ganitong pasilidad sa mga di-taga-Beijing o iyong mga walang sedula ng Beijing, at mga dayuhang manggagawa. Sa ilalim ng programang ito, kailangan lang magdeposito ng 200 hanggang 400 yuan ($32 to $64) upang makagamit ng bisikleta sa isang araw.
Ayon naman kay Zhao Jie, isang eksperto mula sa Urban Transport Institute, ang mga tao sa kalunsuran ay kailangang maglakad na lamang kung ang layo ng kanilang pupuntahan ay 1 kilometro pababa. Kailangan namang gamitin ang bisikleta aniya, kung ang lalakbayin ay mas malayo sa 3 kilometro. Samantalang ang mga pampublikong transportasyon ay kailangan lamang gamitin kapag mas malayo pa sa 5 kilometro ang biyahe.
"Noong una akong tumira sa Beijing 2004 hanggang 2006, kinse porsiyento lamang ng mga tao ang may kotse, samantalang otsenta 'y singko porsiyento naman ang gustong bumili," ani Shannon Bufton, isang Australian architect at co-founder ng Smarter Than Cars, isang NGO na nagsusulong ng pagbibisikleta sa Beijing.
Noong 1997, isang milyong taga-Beijing ang nagmamay-ari ng kotse. Ang numerong ito ay tumaas sa dalawang milyon noong 2003. Sa taong 2009, ito ay naging apat na milyon, at muling na namang umakyat ang bilang na ito sa limang milyon noong 2011.
Si Qin Xuelong ay isang tagakumpuni ng bisikleta, at ayon sa kanya, nagkaroon ng muling pagtaas sa bilang ng mga gumagamit ng bisikleta. Dadag pa niya, patuloy na dumarami ngayon ang mga taong bumibili ng mga mamahaling bisikleta na kanilang ginagamit sa pamamasyal at paglilibang sa mga kanugnog na lugar ng lunsod.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |