![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
Mga turistang Pinoy, maaaring manirahan sa New Zealand ng isang taon
ANG mga turistang Pilipinong dadalaw sa New Zealand ay maaaring magtrabaho ng isang taon kasunod ng kasunduang nilagdaan ng mga opisyal ng dalawang bansa at sinaksihan nina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at Prime Minister John Key.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte sa isang press briefing sa Maynila na nalagdaan ang mga kasunduan matapos ang joint press concerence mga 11:05 ng umaga oras sa Maynila. Nauuna ang New Zealand ng limang oras sa Pilipinas.
Isa sa mga napagkasunduan ang tungkol sa geothermal energy cooperation agreement at pangalawa naman ang tungkol sa working holiday scheme at ang pangatlo ay ang memorandum of agreement tungkol sa defense cooperation.
Sa ilalim ng working holiday scheme, ang mga turista na nag-eedad 18 hanggang 30 taong gulang mula sa dalawang bansa ay papayagang magtrabaho sa host country. Idinagdag ni Atty. Valte na ang magtatrabaho ay maaaring magtrabaho sa loob ng 12 buwan subalit hindi tatagal ng higit sa tatlong buwan sa sinumang employer. Maaari din siyang mag-aral ng hanggang tatlong buwan.
May nilagdaan ng ganitong kasunduan ang New Zealand sa 36 na iba pang bansa tulad ng Thailand, Singapore at Malaysia.
Samantala, sinabi naman ni Prime Minister Key na maglalagak ang kanyang bansa ng $ 5 milyon sa Pilipinas upang mapalawak ang dairy industry. Kabilang sa investment ang pagbabahagi ng pagkadalubhasa ng New Zealand sa larangan ng dairy industry sa loob ng limang taon upang makatugon ang Pilipinas sa pamilihan nito.
Ganap na ila-lima ng hapon oras sa Maynila, aalis si Pangulong Aquino patungong Canberra, Australia at darating doon mga ika-siyam at kalahati ng gabi, oras sa Maynila, dagdag ni Atty. Valte.
Dating Pangulong Arroyo humiling na pawalang-saysay ang kasong plunder
HINILING ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Korte Suprema ng Pilipinas na pigilan ang Sandiganbayan sa paglilitis sa kasong plunder laban sa kanya sapagkat ito ay may bahid politika.
Magugunitang kinasuhan ang dating pangulo ng plunder dahilan sa diumano'y paglustay ng P 366 na milyong bahagi ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sa 81 pahinang petition para sa certiorari at prohibition, sinabi ni Ginang Arroyo sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Anacleto Diaz na nararapat ding baliktarin ang probable cuase na nakita ng Ombudsman at ipag-utos ang pagbabasura sa usapin.
Dinakip ang dating pangulo noong unang linggo ng Oktubre at ngayo'y nasa ilalim ng hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center at ginagamot sa komplikadong sakit sa buto. Kung mapapatunayang nagkasala, maaari niyang gugulin ang nalalabing panahon sa kanyang buhay sa loob ng piitan.
Kasamang ipinadakip ang siyam na iba pang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office at Commission on Audit.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Ginang Arroyo na walang anumang ebidensyang lumahok siya sa malawakang pagsasabawatan upang nakawin ang intelligence funds ng ahensya. Sinabi rin umano ni Ombdusman Conchita Carpio – Morales na ang paglahok ni Ginang Arroyo sa transaksyon ay sa pagsang-ayon lamang sa kahilingang ilabas na ang pondo ng Confidential Intelligence Funds.
Mambabatas: siyasatin ang pang-aagaw ng mga sanggol
ISANG mambatatas ang humiling sa Mababang Kapulungan na magsagawa ng pagsisiyasat sa halos sunod-sunod na pagdukot sa mga sanggol sa mga pagamutan. Hiniling ni Congresswoman Emmi A. de Jesus ng Gabriela Party List na ilang pag-aagaw ng mga sanggol ang naganap at naitala sa mga tanggapan ng pulisya.
Naganap ang pinakahuling insidente noong ika-4 ng Setyembre ng ang isang tatlong araw na sanggol na nagngangalang Gabriel ang mawala sa Sta. Teresita Hospital sa Quezon City. Ayon sa mambabatas, ang ina ng sanggol na nakilala sa pangalang Cecilia de los Santos ay nagsabing isang duktor ang kumuha sa kanyang anak upang isailalim sa newborn screening test.
Nabatid na lamang ng ina na walang anumang screening na ginawa at wala na rin ang kanyang anak sa pagamutan ng dumating ang isang nurse at nagtanong kung nasaan na ang kanyang supling.
Isang tatlong linggong sanggol ang nawala sa pagamutan dahilan sa isang babaeng nagpakilalang social worker na nangakong tutustusan ang pangangailangan ng sanggol.
May naganap ding insidente sa Ospital ng Maynila noong Abril 2011, dagdag pa ni Congresswoman De Jesus. Nawala rin ang sanggol ni Imelda Polsotin ng Ligao City sa Albay sa isang pagamutan. Nakatulog umano ang ina samantalang nakikipag-usap sa isang babaeng nagpakilalang magsisilang na rin ng sanggol.
Nakakatakot na umano ang serye ng mga insidenteng nagaganap sa loob mismo ng mga pagamutan na dapat sana'y mayroong mga mahihigpit na alituntunin. Idinagdag ng mambabatas na dapat seryosohin ng mga autoridad ang kanilang mga tungkulin.
Halalan sa Estados Unidos, babantayan ng mga Pilipino
INANYAYAHAN ng Embahada ng Estados Unidos ang mga mamamayang Pilipino na lumahok sa U. S. Election Watch 2012 sa popular na shopping mall, sa SM North EDSA sa Miyerkoles, Nobyembre 7, 2012.
Sa kanilang paanyaya, binanggit na dadalo si U. S. Ambassador Hemry K. Thomas, Jr. at siyang masisimula ng okasyon. Ang mga panauhin ay boboto sa isang mock election, makakapanood ng election, makakapanood ng election coverage mula sa mga presinto, makakalahok sa intermission numbers tulad ng trivia games at makakatanggap ng election-related information.
Kabilang ang mga Pilipino sa isa sa pinakamalaking komunidad ng mga banyaga sa Estados Unidos kaya't mahalaga ang kanilang suporta sa sinumang kandidato sa darating na halalan.
Haharap sa mga mamamahayag si Ambassador Thomas sa pag-itan ng ika-11 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali upang makapanayam..
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |