|
||||||||
|
||
Dito po sa mga malalaking lunsod ng Tsina, madalas mong makita ang mga taong tumatawid sa kalsada, na hindi sumusunod sa batas trapiko, o iyong tinatawag na "jaywalking." Kahit na pula pa ang ilaw sa pedestrian lane ay tumatawid na sila.
Grupu-grupo kung sila ay tumawid kaya, nag-aalangan ang mga awtoridad na hulihin ang mga ito, dahil sa dami ng kanilang bilang. Ito ay nagiging sanhi ng pagbigat ng daloy trapiko, at kung minsan ay dahilan ng mga aksidente, na maari namang maiwasan kung sila ay susunod sa batas.
Dahil diyan, kamakailan ay naglunsad ng kampanya ang mga lokal na opisyal ng lunsod ng Shijiazhuang,
kapital ng probinsyang Hebei ng Tsina upang masawata ang gawaing ito. Sa ilalim ng bagong panuntunan, ang mga mahuhuling lalabag sa batas ng jaywalking ay magmumulta ng 50 Yuan o (331 Piso).
Ayon kay Wu Ruiqi, Direktor ng Shijiazhuang Traffic Management Bureau, magkaiba ang parusa sa mga ilegal na tatawid sa malalaki at maliliit na interseksyon. Ayon sa kanya, kapag ang grupo ng mga tao ay ilegal na tumawid sa malaking interseksyon, ang unang tatlong tao sa grupo ay magmumulta: kapag sila naman ay ilegal na tumawid sa maliit na interseksyon, lahat sila ay magmumulta.
Mga kaibigan, ang kampanya pong ito ay isang pilot program na naglalayong disiplinahin ang mga mamamayan, at gawing sibilisado ang pagtawid sa mga kalsada ng Tsina. Ito ay dalawang buwang isasagawa at nagkabisa na sa sampung interseksyon sa lunsod ng Shijiazhuang noong Martes.
Ang naturang programa ay isasagawa sa loob ng dalawang buwan. Pagkatapos nito, magkakaroon ng pagsusuri kung gaano kaepektibo ang nasabing patakaran. Idaragdag din dito ang ilang probisyon kung kinakailangan.
Mga kaibigan, ang kampanya pong ito ay inimplementa dahil sa isang mainitang pagtatalo sa Sina-Weibo (Facebook at Twitter ng Tsina) hinggil sa estilo umano ng mga Tsino ng pagtawid sa kalsada. Ayon dito, binabalewala umano ng mga Tsino ang mga panuntunan sa pagtawid sa kalsada kung sila ay mahigit sa bilang na sampu, dahil mahihirapan na ang mga pulis na sawayin sila.
Lalo pang uminit ang pagatatalo, nang may isang naglagay ng komento na "the Chinese way of crossing roads is to cross them without taking traffic lights into consideration, so long as you are part of a crowd."
Noong nakaraang buwan, ipinakita rin sa isang programa ng China Central Television (CCTV) ang mahigit 600 kataong, ilegal na tumawid habang nakasindi ang pulang ilaw sa isang interseksyon sa Shijiazhuang. Ang sabi ng ilan, ang mga awtoridad ay nag-aalangang parusahan ang mga ito dahil masyado silang marami, kaya, hinayaan na lang silang lumabag sa batas trapiko.
Ano naman kaya ang masasabi ng mga mamamayan hinggil sa patakarang ito? Ang sabi ni Zhang Yanchen, isang dalawampu't limang taong gulang na residente ng nasabing lunsod, "I believe that imposing fines is not the ultimate purpose of this campaign. This will at least have the effect of changing people's notion that offenders can avoid being punished."
Optimistiko siya na ang patakarang ito ang magtuturo ng tamang asal sa mga Tsino kung paano tumawid sa kalsada.
Pero, dagdag niya, madalas siyang nakakakita ng mga taong ilegal na tumatawid, lalo na sa sentro ng lunsod, kahit may mga pulis na nakakakita. Mahirap umanong kilalanin kung sino ang tatlong nanguna sa ilegal na pagtawid, at maari itong humantong sa pagkakagulo at di-pagkakaunawaan.
"Ang oras ng paghihintay sa tapat ng ilaw trapiko ay nakakaapekto rin sa asal ng mga tumatawid," ani Ni Ying, miyembro ng grupong panaliksik ng Tongji University School of Transportation Engineering. Sabi pa niya, malamang ay ilegal silang tatawid sa kalsada kung masyadong mahaba ang oras ng paghihintay.
Ayon sa kanilang pananaliksik, napag-alaman nilang ang mga Tsino ay matiyaga sa paghihintay, dahil sa karaniwan, maghihintay sila ng nobenta (90) segundo sa pagpapalit ng ilaw. Kumpara sa mga Briton, sila ay maghihintay lamang ng kuwarenta 'y singko segundo, ang mga Aleman naman ay sisenta (60) segundo. Pero, sa kabila nito, marami pa ring mga Tsino ang ilegal na tumatawid sa mga pedestrian dahil mas mahaba pa sa nobenta segundo ang panahon ng paghihintay.
Sabi pa niya, ang mga ilaw trapiko sa Tsina ay akma para sa pangangasiwa ng mga sasakya, at hindi para sa pagtawid ng mga tao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |