|
||||||||
|
||
Ang Ika-18 Pambansang Kongreso ng CPC, binuksan
Sinimulan pong idaos ngayong araw ang Sesyong Plenaryo ng Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Ito ay karaniwang idinaraos kada limang taon upang pag-usapan ang mahahalagang isyung nakakaapekto sa partido at sa bansa.
Ito ay karaniwang tumatagal ng isang linggo, depende sa mga isyung nakahain. Ngayong taon, magiging napaka-kritikal ng pagdaraos ng kongresong ito, dahil pag-uusapan at pagkakasunduan ang mga isyung gaya ng pagpapalit ng liderato sa bansa, pagrebisa sa tsarter ng CPC, pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa, at marami pang iba. Noong nakaraang linggo, natapos ng Sentral na Komite ng CPC ang apat na araw na plenum at inaprubahan ang isang political report. Ito ngayon, ay kasalukuyang tinatalakay sa sesyong plenaryo.
Mamamahayag na dayuhan sa Ika-18 Pambansang Kongreso ng CPC
Sa naturang plenum, inaprubahan ng mga lider ng partido ang isang panukalang pagrebisa sa tsarter o konstitusyon ng CPC. Ilang propesor mula sa Party School ng Komite Sentral ng CPC ang nagsabing, naniniwala silang ang mga panukalang rebisyon ay hinggil sa "latest theoretical innovations" ng partido. Subalit, hindi na nila dinagdagan ang paliwanag.
Mga kinatawan ng Ika-18 Pambansang Kongreso ng CPC mula sa iba't ibang nasyonalidad ng Tsina
Ang huling pagrebisa sa naturang tsarter ay nangyari, limang taon na ang nakaraan. Bagamat, hindi isiniwalat kung ano ang mga espisipikong panukalang rebisyon, sa pagtatapos ng sesyong plenaryo, isa iyan sa mga dapat abangan.
Isa rin sa mga isyung tututukan sa sesyong plenaryo ang hinggil sa graft and corruption. Ayon sa Central Commission for Discipline Inspection, palalakasin nito ang kampanya laban sa korupsyon. Subalit, nagbabala ito, na hindi magiging madali ang naturang gawain, at ito ay magiging mahaba at mahirap na pakikibaka.
Ayon pa rin sa CPC, ipapatupad nito ang mga panuntunan sa pagsupil sa korupsyon, sa pamamagitan ng pag-iimplimenta ng parusa at mga hakbangin upang ito ay maiwasan. Binigyang-diin nito, na mas pag-uukulan nito ng pansin ang mga gawain upang ang korupsyon ay maiwasan.
Siyempre, sa sesyong plenaryong ito, ihahalal, sa pamamagitan ng pagboto ng komite sentral ang magiging bagong pangulo, premier, at mga miyembro ng politburo ng CPC. Ang mga maihahalal na bagong lider ng bansa at CPC ay nakatakdang magsimulang manungkulan sa susunod na taon.
Abangan po ninyo ang aming mga balita at mga susunod pang programa hinggil sa paksang ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |