|
||||||||
|
||
Kontratistang Amerikano, ipinatatawag sa senado
ISANG resolusyon ang ipararating ni Senador Miriam Defensor Santiago sa Lunes na nananawagang siyasatin ng mga mambabatas ang sinasabing pagtatapos ng nakalalasong basura sa Subic Bay ng isang kontratista ng United States Navy.
Ayon sa lumabas na balita, ang Subic Bay Metropolitan Authority ang nagsisiyasat sa Glenn Defense Marine Asia, isang kumpanyang Malaysian, dahilan sa pagtatapon umano ng nakalalasong mga basura sa Subic Bay.
Nagsagawa ng inspeksyon ang Ecology Center ng SBMA sa Motor Tanker (M/T) Glenn Guardian noong isang buwan. Ang kapitan ng barkong nakilala sa pangalang Edilberto Acedilla, ay nagsabing mayroon silang 50,000 galon ng domestic waste at may 200 galon ng tubig, langis at grasa na mula sa isang barko ng US Navy. Itinatapon ang mga likidong ito sa karagatan may 20 nautical miles mula sa Subic Bay.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na naakusahan ang Glenn Marine ng paglabag sa batas. Noong 2011, ang kumpanya ay nakasuhan ng pagtatapon ng mga likido ilang milya mula sa Manila Bay. Hindi pa natatapos ang usapin sa Department of Environment and Natural Resources.
Canadian Prime Minister, darating sa Pilipinas
GANAP na ika-siyam at kalahati ngayong gabi darating sa Maynila si Canadian Prime Minister Stephen Harper para sa isang opisyal na pagdalaw na tatagal hanggang sa araw ng Linggo.
Si Ginoong Harper ang pinakamataas na pinuno ng Canada na dadalaw sa Pilipinas mula noong bumisita si Prime Minister Jean Chretien na nagdala ng isang business delegation noong 1997.
Makakadaupang-palad niya si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III bukas. Pag-uusapan nila ang pagpapalago ng relasyong namamagitan sa dalawang bansa. Kabilang sa paksang tatalakayin ang kalakalan, pagdaragdag ng kalakal at progresong natamo sa magandang pamamalakad ni Pangulong Aquino.
Posible ring pag-usapan ang biyayang natamo sa peace process at ang kalalagdang Bangsamoro Framework Agreement. Lalagda rin ang mga kinatawan ng Canada at Pilipinas sa Memorandum of Understanding sa pag-itan ng Department of National Defense at Canadian Commerical Cooperation sa transaksyon ng dalawang bansa sa defense at military-related procurements.
Makatitiyak ang magkabilang-panig na magiging maayos ang procurement transactions sa pagtiyak ng Canada na pawang de-kalidad na kagamitan ang matatamo ng Pilipinas.
Kasama ni Ginoong Harper ang kanyang maybahay na si Mrs. Laureen Harper, Minister for International Trade Ed Fast, Minister for Natural Resources Joseph Oliver at Filipino-Canadian Senator Tobias Enverga, Jr. at sampung Filipino-Canadian community leaders.
Sektor ng pagsasaka lumago ng 1.9% sa unang siyam na buwan ng 2012
Nakatulong ang magandang ani ng palay at mais sa paglago ng sektor ng pagsasaka ng 1.9% mula Enero hanggang Setyembre ng taong 2012. Ayon kay Kalihim Proceso J. Alcala, positibo siyang magkakaroon ng may 18 MMT na ani ng palay hanggang sa darating na DIsyembre. (Melo Acuna/File Photo)
LUMAGO ang buong sektor ng agrikultura ng 1.93% sa unang siyam na buwan ng taong ito at nagkakahalaga ng P 956 bilyon sa kasalukuyang halaga ng bilihin.
Ayon kay Kalihim Proceso J. Alcala, responsable sa paglago ng sektor ay ang mga pananim, mga alagaing hayop at poultry subsectors ayon na rin sa pagtataya ng Bureau of Agricultural Statistics.
Sa isang briefing sa 9th National Organic Agriculture Congress sa Cebu City, sinabi ni Ginoong Alcala na ang crops subsector na pinagkunan ng 50.7% ng total output, ay nadagdagan ng 3.33% sapagkat lumago ang produksyon ng palay ng may 6.9% at mais ng may 7.5% sa unang siyam na buwan ng tayong 2012 kung ihahambing sa parehong panahon noong 2011.
Ang total na inaning palay ay umabot sa 11.5 milyong metriko tonelada samantalang umabot naman ang inaning mais sa 5.9 milyong metriko tonelada. Umaasa si Ginoong Alcala na matatamo ang aning 18 MMT sa pagtatapos ng 2012 at mayroong projection na 6.5 MMT ang aanihin sa huling tatlong buwan ng 2012.
Tumaas din ang produksyon ng niyog, pinya, kape, tabako at goma. Ang subsector na ito ay kumita ng P 566 bilyon sa kasalukuyang panahon. Ang livestock subsector ay na naka-ambag ng 15.6% sa buong sektor matapos kinakitaan ng paglago ng 0.86% na nagkakahalaga naman ng P 150.9 bilyon.
Re-eleksyon ni Obama, maganda sa Pilipinas
MAHALAGA ANG PAGKAKAHALAL NA MULI KAY OBAMA. Ito ang sinabi ni dating Senador at Defense Secretary Orlando Mercado sa panayam ng CBCP Online Radio. Mas pinagtutuunan ng pansin ni Ginoong Obama ang
WALANG MALAKING PAGBABAGO SA RELASYON NG ESTADOS UNIDOS AT PILIPINAS. Ayon kay Employers Confederation of the Philippines President Edgardo B. Lacson, kahit Democrat o Republican ang magwagi ay walang malaking pagbabago sa kalakalan, kultura at kasaysayan ng dalawang bansa. Maganda umanong pag-aralan ang naganap sa
MAGANDA ang pagkakahalal na muli kay Pangulong Barack Obama para sa Association of Southeast Asian Nations. Ito ang pananaw ni dating Defense Secretary at Senador Orlando Mercado sa isang eksklusibong panayam ng CBCP Online Radio.
Mahalaga na ang pagkakahalal na ito sapagkat noong panahon ni dating Pangulong George W. Bush at ng kanyang mga kapwa Republican, ay hindi kasing ganda ng naganap sa panahon ni Ginoong Obama. Hindi umano pansin ng mga Americano ang Pilipinas noon. Noon umanong Ambassador siya sa ASEAN sa Jakarta, nasabihan siya ng kanyang mga kapwa ambassador na pawang mga halos walang pangalang mga Americano ang ipinadadala ni Pangulong Bush. Nakita na umano si Secretary of State Hillary Clinton na dumadalo sa pulong. Nagtungo rin si Pangulong Obama sa Singapore at Indonesia. Kailangan umano ang balanse ng poder sa bahaging ito ng daigdig, dagdag pa ni Ginoong Mercado.
Nakikita na umano ang lumalakas na impluwensya ng Tsina sa rehiyon at kailangan lamang itong mabalanse ng nangungunang ekonomiya at militar sa daigdig. Hindi naman nagiging sultador ang mga Pilipino subalit kailangan lamang ang magkaroon ng mas payapang kapaligiran kung nakikita ang magkabilang panig sa mga isyu ng rehiyon.
Sinabi naman ni Ginoong Edgardo B. Lacson, Pangulo ng Employers Confederation of the Philippines na hindi maapektuhan ang mga kalakal sa Pilipinas kung magpalit man ang liderato ng Estados Unidos mula sa isang Democrat patungo sa Republican. Sinuman ang maluklok sa Washington, ang kalakalan, kultura at kasaysayan sa pagitan ng dalawang bansa ay hindi magbabago.
Bagama't posibleng magkaroon ng pagbabago, hindi ito sasapat na mabago ang buong larawan.
Sa nagaganap sa America at Tsina, sinabi ni Ginoong Lacson na masusing minatyagan ng mundo ang nagaganap sa Amerika sa kanilang proseso ng pagpili ng pinuno. Sa Tsina, inaasahan na ang pagbabago ng liderato ng bansa ayon sa mga kinatawan ng mga mamamayan, ng mga kasapi ng partido.
Regular changing of the guards ang nagaganap sa Tsina. Ang mabuting nagaganap sa America ay maaaring hindi mabuti sa Tsina at ang mabuting nagaganap sa Tsina ay maaaring hindi mabuti para sa America, dagdag pa ni Ginoong Lacson.
Maganda, ani Ginoong Lacson ang mga pangyayaring ito sapagkat kapwa sila nagtatagumpay sa kanilang mga palatuntunan bagama't magkaiba ang kanilang paraan na pagpili ng mga namumuno sa bansa.
Ilang diyosesis sa Metro Manila, naghahanda na para World Youth Day
PINAGHAHANDAAN na ng iba't ibang diyosesis sa Metro Manila ang darating na World Youth Day sa Rio de Janeiro, Brazil mula ika-23 hanggang ika-28 ng Hulyo 2013.
Nagsimula na ng kanilang formation program ang official delegation ng Diocese of Novaliches noon pang ikalawang araw ng Setyembre sa Good Shepherd Cathedral. Nagkaroon na sila ng orientation sa magaganap na okasyon pagkatapos ng Misa.
Layunin ng formation na maihanda ang mga delegado sa larangang ispirituwal.
Ayon kay Joel Arzaga, ang pinuno ng delegasyon, dalawang beses bawat buwan magtitipon ang mga lalahok sa World Youth Day at mag-uusap tungkol sa iba't ibang paksa tulad ng Misa, sakramento, mga katuruan ng Simbahan at iba pa.
Magkakaroon din sila ng mga recollections, team-building at pag-aaral ng wikang Portuguese at kanilang sariling fund-raising activities.
Sa Diocese of Antipolo, isinasagawa na ang diocesan screening para sa mga nais lumahok sa World Youth Day noong nakalipas na Agosto. Magkakaroon sila ng 59 na youth pilgrims mula sa 25 parokya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |